Sabi nila ang pag-ibig ay pagsasakripisyo. Iyong handa mong ibigay ang lahat ng maibibigay mo sa taong mahal mo. Maaring may kapalit o maaring wala. Sa pagsasakripisyo kailangan mong mamili ng tamang aksyon sa iyong gagawin. Dahil sa iyong desisyon nakasalalay ang kinabukasan ng inyong pagmamahalan.
Na ang bawat gagawin mo ay may pagpipilian. Na minsan sa gagawin mo may mga taong masasaktan. Pero minsan dalawa lang talaga ang pagpipilian. Ikaw ba ang masasaktan o ang taong nasa paligid mo. Mas pipiliin mo nga bang taggapin ang lahat ng sakit kaysa masaktan mo ang ibang tao. Pero sapat nga bang dahilan iyon para piliin mong saktan ang minamahal mo? Hindi ba dapat kapag mahal mo, ipaglalaban mo?
Sa pagpalit ng kulay ng ilaw na nagbibigay liwanag sa entablado ay hudyat na kailangan ko nang lumabas. Kinakabahan man ako ay kailangan ko itong labanan. Hindi naman sa bago ako sa larangang ito pero ito ang unang audition ko sa kolehiyong ito kaya gusto ko ay mapakita kung ano ang kakayahan ko.
Lumakad na ako papunta sa gitna ng entablado kung saan nakatayo ang prinsipeng naghihintay sa akin. Tinitigan ko ang kaniyang suot at labis na namangha dahil bumagay sa kaniya ang prinsipeng damit. Pero bukod doon ay wala nang kahanga-hanga pa sa kaniya. Hindi ko pa siya lubusang kilala subalit marami na akong naririnig tungkol sa kaniya. Isa na doon ang pagkamalapit niya sa mga babae.
Tuwing iniisip ko pa lamang na kada linggo ay may bago siyang girlfriend ay hindi ko na alam kung anong nangyayari sa aking sistema. Hindi ko alam pero nag-iinit agad ang aking ulo. Masyado siyang mayabang lalo na kapag lumalabas iyong perfect set of teeth niya na abot tenga kung makangiti.
Kinalma ko ang aking sarili sa naiisip dahil nawawala ako sa aking karakter. Kailangan kong isipin na siya ang taong mahal ko dahil iyon lang ang paraan para makapasok ako sa play na ito. Matagal ko itong pinaghandaan at hindi ko hahayaang ang isang katulad lamang niya ang sisira sa aking mga pangarap.
Nang makalapit na ako sa kaniya ay hindi ko maiwasang kabahan sa intensidad ng binibigay niyang pagtingin sa akin. Hindi katulad ng kaniyang karaniwang ekspresyon ay mas seryoso ang kaniyang mukha ngayon. Kaya siguro ganoon na lamang siya nirerespeto sa larangang ito.
" Elizabeth " puno ng emosyon niyang bigkas.
Medyo nagulat pa ako dahil sa paraan ng kaniyang pagsasalita. Alam ko na hindi totoo ang lahat ng ito. Alam ko na lahat ng ito ay nasa ilalim lamang ng kamera. Pero hindi maiwasang kumalabog ng aking puso sa emosyon na lumalabas sa kaniyang mga salita.
Huminga ako ng malalim para alisin ang lahat ng pangamba at bagabag na aking nararamdaman. Kailangan kong ipasok sa aking sarili ang karakter na aking pinoportray para magawa ko ito ng maayos.
"Lysander, aking mahal. Mabuti at ika'y aking natagpuan. Kailangan na nating lumayo sa lugar na ito. Pilit akong inilalayo ng aking magulang sa iyo. Ipapakasal nila ako sa lalaking hindi ko mahal." buong puso kong bigkas.
Naalala ko pa noong una kong mabasa ang dayalog ng karakter ko. Nahirapan akong intindihin noong una dahil masyadong malalim ang tagalog at hindi ko alam kung paano kung ipapakita ang pagmamahal. Mahirap sa isang tulad ko na wala pang karanasan sa pagmamahal ang magbuhos ng emosyong kinakailangan.
Ngunit dahil gusto kong makapasok sa audition ay sinikap kong basahin ang bawat salita para maintindihan ko ng lubusan. At hindi ko inakala na kakayanin ko iyong gawin ngayon. Dahil ngayon ay ibang tao ako. Ako si Elizabeth na labis ang pagmamahal sa kaniyang kasintahang si Lysander.
Nakita ko ang mabilis na pagbabago ng emosyon sa kaniyang mukha. Mas tumindi ang intensidad nito na parang ako lang ang nakikita niya sa mundong ito. Hindi mali, parang ako ang kaniyang mundo. Kita ko sa kaniyang mata ang nag-uumapaw na pagmamahal na para bang totoo. Sinasabi ng kaniyang mata na walang ibang babae sa buhay niya kundi ako lang.
BINABASA MO ANG
Reality
Teen FictionThey say love is something you cant run off. You cant get away with it. Once you grab it, there's no way out. But that's not the reality. It is what we perceive it to be. In the real world, you are the one who make your choice. The decision is in yo...