BULALAKAW
ni Ernie Erisghel Tanafranca Trespalacioreal
http://www.facebook.com/ernie.trespalacioreal
Ang mundo ay patuloy na umiikot… pigilan man natin ay hindi ito matitinag
Ang liwanag ay dumarating pagkatapos ng dilim ganun din ang ulan sa bawat tag-init
Minsan naiipit tayos sa magkabilang pwersa na hindi natin kayang pigilan
Minsan maari tayong gumawa ng kasalanan… hanggang saan at hanggang kalian natin kayang paglabanan?
Ang buhay ay walang hanggang pakikipagsapalaran, ang kapalaran daw ay nasa ating mga kamay
Ilang kautusan na ba ang ating nilabag, ilang buhay na ba ang nabasag dahil sa ating pangarap
Minsan ang akala nating tama ay hindi pala… hanggang malunod tayo sa kumunoy ng kasawian… ng kasalanan
Pilitin man nating paliwanagin ang gabi, sa ating sarili alam natin na hindi ito mangyayari.
Ano ba ang layunin natin sa buhay… ano ba ang nararapat sa atin sa lupa
Ang gamitin at magpagamit sa iba na magbubulid sa atin sa lawa ng apoy
Ang makamit ang makamundong saya habang tayo ay nasa lupain ng pangarap
Nasa kamay natin ang buhay… ang ating mga pantasya ng kamusmusan
Pangarap na magtatawid sa atin sa kabila…. Sa dilim man o liwanag
Maraming misteryo ang buhay, akala natin ay alam na natin… kaya na natin
Saan ka ba lulugar… saan ka tatakbo pagkatapos ng lahat ng ito
May mga bagay na immoral na gusto mong gawin tama sa paningin ng lahat
May mga ulap na gusto mong maging silungan sa init ng araw
May mga punong di matitinag kahit ng bagyo man o uhaw ng tag-init
Tulad ng yelong natutunaw sa disyerto, tulad ng tuyong dahon na nililipad ng hangin
Ang tao ay tao… at lahat tayo ay anak ng sansinukob
May nadapa, may tumayo, may piniling gumapang
May pinipiling humanap ng liwanag at may pinipiling mangapa sa dilim
May nasisilaw sa karimlan… may nabubulag
May mga taong umaawit ng pagsamo sa pagyakap sa huwad na kaligayahan
Sa hubad na mundo… iisa lang ang alam ko… ang buhay mo ay hawak mo.
Ang agila, gaano man katayog ang lipad, muli itong dadapo sa puno upang magpahinga
Ang bulaklak gaano man ito kaganda, darating ang panahon na ang talulot nito ay mawawala
Bangon kaibigan, hindi pa huli ang lahat… kailangan mong mangarap
Kailangan mong maaabot ang nais… ng walang sinasaktan, ng walang aapakan
Walang gamitan, walang buhay na masasayang at walang bagay na pagsisisihan
Alam mo ang taginting ng humpaw na halakhak, tulad ng tamis ng apdo na humahalimuyak
Ampaw… walang laman, walang kabuluhan.
Manalig ka sa maykapal at abutin ang pangarap mong tunay
Hindi ka nag-iisa, kasama mo sya sa kahit anong laban mo sa buhay
Sa iyong pagtawid sa liwanag… iisa lang ang sigurado, aakayin ka nga sa malawak na pastulan
Dadalhin ka nya sa lugar kung saan walang hanggan ang kaliwanagan
Sa buhay ng walang katapusang kaginhawahan.
Para syo, ano ba ang mundo? Saan ka pupunta at ano ang nasa kabila sa buhay sa dako pa roon?
Bulalakaw, saglit na liwanag, walang katapusang dilim.
©Copyright 2013
All rights reserved. Copying of any article in this blog/story is strictly prohibited without permission.