Isang araw, habang nakaupo tayo sa ilalim ng malaking puno sa likod ng ating eskwelahan, tinanong mo ako..
"Nagmahal ka na ba?"
Tiningnan kita habang nakataas ang aking isang kilay, nagtataka kung bakit mo natanong ang bagay na iyon sa akin. Imbes na sagutin kita, tinawanan lang kita pero hindi mo iyon pinansin at muli kang nagtanong..
"Nasaktan ka na ba?"
Tiningnan uli kita at nakita ko ang pagkaseryoso mo sa tinanong mo sa akin.
"Bakit ka ba nagtatanong ng ganyan? Alam mo, gutom lang yan. Tara muna sa canteen."
Hinigit na kita papunta sa canteen at sinabi kong ililibre kita pero tinanggihan mo iyon. Sa halip, ikaw pa ang nanlibre sa akin ng aking kakainin.
Masaya tayong kumain noong araw na iyon dahil na rin siguro sabay tayong kumain ang ating paboritong ice cream na lagi nating binibili tuwing uwian o di kaya breaktime.
"Jenna." bigla mong tawag sa akin habang pinipinta ko ikaw. Hilig ko ang magpinta kaya lagi mo naman akong sinusuportahan dito.
"Hmmm?"
"Para sayo, paano mo malalaman kung mahal mo ang isang tao? Anong sign?" napangiti ako habang pinipinta ka.
"Walang sign. Mararamdaman mo na lang un." nakita ko naman sa gilid ng aking mga mata na tumango ka.
"Eh di mahal ko na pala sya?" napatigil ako sa pagpipinta at tiningnan ka. "I just have this feeling na mahal ko na sya. Then I must be really in love with her."
Tinitigan lang kita ng mga oras na iyon. Kitang kita naman talaga sa mata at ngiti mo na nagmamahal ka na nga at noong oras na iyon, alam kong napakaswerte ng babaeng mahal mo.
Pinagpatuloy ko lang ang pagpinta pero lumapit ka bigla sa akin at kinuha ang aking mga kamay.
"Ano ba? Bumalik ka nga dun! Alam mo namang--"
"Ligawan ko na kaya sya?" tiningnan lang uli kita noon at agad binawi ang kamay kong kanina lang ay hawak hawak mo.
"Ikaw ang bahala. Ikaw naman ang nagmamahal eh." nginitian mo lang ako at tumango. "Sige. May gagawin lang ako." at bago pa man ako makasagot, nakalabas ka na ng bahay namin.
Hindi na ako nag abalang pigilan ka. Alam ko naman kasing hindi ka magpapaawat dahil alam kong ikaw ang tipo ng tao na kapag may gustong gawin, gagawin mo talaga iyon kahit anong mangyari.
Napatingin bigla ako sa hindi ko natapos na pagpipinta sayo. Kalahati pa lang ang naiipinta ko. Nagbuntong hininga na lang ako at dinala na ito sa loob ng kwarto ko. Linagay ko ang iyong hindi natapos na larawan sa isang sulok ng aking kwarto at pagkatapos ay agad na rin akong lumabas.
Kinabukasan, Linggo, pumunta ka sa aking bahay. Ito kasi ang araw na magbobonding tayong dalwa.
"Sorry nga pala kahapon ah? Iniwan kita." paghingi mo sa akin ng paumanhin.
"Ayos lang." at nginitian kita. Ayokong makita mo na hindi ko nagustuhan ang nangyari kahapon dahil alam kong di mo na naman ako titigilan sa pag-sosorry mo. Masyado ka kasing makulit eh.
"Sigurado ka?"
"Oo nga." ngumiti ka at ginulo pa ang buhok ko na sinuklay ko kanina ng ilang oras.
Sinimangutan kita pero nginitian mo lang ako ng pagkalawak lawak.
"Tara na?" tumango naman ako at lumabas na nga tayo ng bahay.
Inabot mo sa akin ang iyong dalang helmet at sumakay na nga tayo sa dala dala mong motor.
Nang marating natin ang simbahan, pumwesto tayo sa bandang unahan.
"Jenna, meron ka bang dream wedding?" bigla mong tanong sa akin.
"Wala naman. As long as maikakasal ako sa taong mahal ko, ayos lang ang kahit ano. Ikaw ba?"
"Gusto ko, dito kami ikakasal ng babaeng papakasalan ko. Tingnan mo, halos perpekto na itong simbahan na ito." nakangiti nyang sabi.
Kumain tayo sa labas pagkatapos nating sumimba.
"Tungkol dun sa sinabi ko kahapon.." hindi kita tiningnan at pinagpatuloy ko lang ang aking pagkain. "Ipapakilala kita sa kanya pag naging kami na." tumango na lang ako bilang sagot.
Natapos ang araw na puro sya lang ang bukambibig mo, ung babaeng mahal mo. I-kwinento mo sa akin kung paano kayo nagkakilala, kung paano kayo unang nagkausap, kung paano nahulog ang damdamin mo sa kanya, lahat. Ako naman, ito lang, tagapakinig mo. Tagapakinig sa lahat ng sinasabi mo.
"Goodnight." sabi mo sabay halik sa noo ko. Tumango na lang ako at pumasok na sa bahay ko.
Lumipas ang mga buwan, isang umaga, pumunta ka sa bahay namin, masayang masaya ka nung araw na iyon. Pagkabukas ko ng pinto, agad mo akong yinakap.
"Kami na." balita mo sa akin.
"Talaga?" ang tangi ko lang nasabi.
"Andito sya." at nakita ko mula sa likod nya ay ang isang babae. Inakbayan nya ito habang nakatingin sa akin. "Jenna, meet my girlfriend, Kyla."
"Hi. Nice to meet you." nakangiting bati sa akin ng girlfriend mo.
"Nice to meet you too. Pasok muna kayo." at pinapasok ko na nga kayo sa aking bahay.
Tinitingnan ko pa lang kayong dalwa, alam kong mahal na mahal nyo ang isa't isa, para bang ilang taon na kayong magkasama.
Lumabas tayong tatlo. Kung san san tayo pumunta. Sabi kasi ng girlfriend mo, gusto nya akong makabonding. Hindi nya alam, ex girlfriend mo ako.
Oo. Ex girlfriend mo ako. Naging tayo. Napagtripan lang natin dati un di ba? Kaibigan lang naman talaga tingin mo sa akin pero sabi mo nga sa akin, i-try lang natin. Pumayag ako sa sinabi mo dahil dati pa lang, mahal na kita.
Nakipaghiwalay ka sa akin, pumayag ako dahil ang alam mo nga eh lokohan lang ang lahat pero sayo lang naman lokohan un eh, sa akin hindi.
Umuwi na agad ako sa bahay pagkatapos nating tatlong mamasyal. Dumiretso agad ako sa kwarto ko at napatingin sa isang sulok kung saan nakalagay ang lahat ng pininta kong mga larawan mo. Oo. Marami akong larawan mo dahil ito ang lagi nating ginagawa di ba noong panahon na tayo pang dalwa?
Umiyak ako nang umiyak. Ito lang naman ang magagawa ko sa panahon na ito eh, ang umiyak. May mahal ka nang iba. Wala naman akong magagawa doon eh. Hahayaan lang kita, hahayaan ko lang kayong dalwa habang ako, ito, umiiyak.
Mahal na mahal kita pero kahit kelan, hindi ko ito nasabi sayo. Pinangunahan ako ng takot, takot na baka malayo ka sa akin.
Isang gabi, bigla kang tumawag sa akin sa telepono na agad ko namang sinagot.
"Umiiyak ka ba?" sambit mo sa kabilang linya. Hindi kita sinagot at tuloy pa rin ako sa pag iyak.
"Jenna, nagmahal ka na ba?" hindi uli kita sinagot. Ilang minuto kang natahimik at muli kang nagsalita.
"Nasaktan ka na ba?" sinundan mo agad ung tanong na iyon.
"Naging dahilan ba ako?" binabaan na kita at humagulgol na ako sa pag iyak.
Tinanong mo ako kung nagmahal na ako, kung nasaktan na ba ako.
Oo. Nagmahal na ako.
Oo. Nasaktan na ako.
At oo. Ikaw lahat ang naging dahilan ng lahat ng iyon.
Oo. Iyan ang sagot ko.
(A/N: Take a look for the guy's perspective, 'Siguro')