"MEME...Meme, nasa'n ka na? Lumabas ka na riyan!"
Ito ang mga salitang malinaw kong naririnig mula sa itaas ng isang bahay na kinaroroonan ko. Paulit-ulit ito na tila umi-echo sa buong paligid. Bagaman malumanay ang boses ng babaeng nagmamay-ari niyon ay may kutob na akong masama ang binabalak nito.
Parang nahuhulaan ko na kung bakit nagtatago ang babaeng nagmamay-ari ng pangalang 'Meme,' at kung bakit paulit-ulit na naghahanap ang isang babaeng nagmamay-ari ng boses. Ngunit para makasiguro ay dahan-dahan akong umakyat sa hagdanan patungo sa pangalawang palapag.
Bago pa man ako makarating sa dulo ng hagdan ay nahagip na ng aking mga mata ang isang dalagitang may hawak na kutsilyo. Malaki iyon na tila karaniwang ginagamit na pangtadtad ng karne sa palengke. Mahigpit niya itong hawak at maingat na naglalakad sa pasilyo.
Sabi ko na nga ba. Tama ang hinala ko na sila nga ang narito.
"Meme, ano ba, lumabas ka na d'yan! 'Wag ka ngang boring! Naiinis na ako!" Narinig kong muling sabi ng dalagita.
Agad ko siyang sinundan nang makita kong pumasok siya sa isang silid na naroon. Hindi ko mawari kung bakit pero isa lang ang nasa isip ko ngayon, ang pigilan ito sa binabalak nitong gawin.
Bago pa man ako tuluyang makapasok sa loob ng silid na iyon ay umalingawngaw na ang malakas na tili ng isang babae mula roon. Pagtapat ko sa pinto ay nakita kong naka-amba na ang kamay ng dalagitang may hawak na kutsilyo at handa nang saksakin ang isa ring dalagitang noo'y nahuling nagtatago sa malaking aparador.
"Herra, 'wag!" Halos mapatid ang mga ugat sa leeg ko sa lakas ng aking pagsigaw.
Nakangising nilingon ako ni Herra.
Oo, kilala ko siya. Maging ang isa pang dalagita na si Meme, dahil ako ang lumikha sa kanila. Ako ang nagdidikta sa kung ano ang dapat nilang gawin, ikilos, at isipin. Isip ko ay isip din nila. Ngunit ng mga oras na ito ay wala akong magawa. Hindi ko sila ma-control ng maayos.
Hindi sila ang dapat na nag-iisip ng puwede nilang gawin. Ngunit hindi ko rin sila masisi dahil ang kabilang bahagi ng isipan ko ay sumisigaw na ito ang dapat na mangyari. Kailangang mamatay si Meme. Kailangang patayin ni Herra ang kapatid niyang si Meme. Kailangang mamatay si Meme sa napaka-brutal na paraan. Kailangang magkaroon ng paghihiganti. Kailangang masunod ang lahat ng nasa isip ko para mapaganda ang resulta ng lahat.
Ang hindi ko lang maintindihan sa sarili ko ay kung bakit pinipigilan ko si Herra? Bakit naaawa ako kay Meme? Hindi dapat ganito, e. Maling-mali! Magiging boring ang resulta. Mawawalan ng thrill ang lahat.
Hindi ko alam ang gagawin at iisipin ko. Nalilito talaga ako. Lalo pa sa tuwing matititigan ko ang mapupungay na mga mata ni Meme at maging ang kanyang mala-anghel na mukha. Nakakaramdam ako ng awa. May isang bahagi sa loob ko na nagsasabing hayaan ko siyang mabuhay.
"Meme..." wala sa sariling nasambit ko ang pangalan niya. Wala siyang tigil sa pag-iyak habang yakap ang sarili. Nanginginig ang buo niyang katawan sa sobrang takot at nagmamakaawang huwag siyang papatayin.
"Kara, 'wag mo 'kong pigilan sa gagawin ko. Ito ang dapat na mangyari. Ikaw rin naman ang may gusto nito," seryosong sabi ni Herra sa akin.
"Hindi," iiling-iling kong sagot. "Hindi kita dapat na pigilan, Herra. Sige na. Gawin mo na. Patayin mo na siya!"
Pinilit kong tigasan ang loob ko. Kahit bumabalot sa buong pagkatao ko ang konsensya ay binale-wala ko ito.
"Ayan ang gusto ko! Exciting 'to!" sabi ni Herra at binigyan ako ng isang matamis na ngiti.
Hindi ako sumagot. Naghihintay lang ako sa gagawin niya.
"Alam mo ba kung bakit kailangan mong mamatay, ha, Meme?" sabi ni Herra sa kakambal. Sinabunutan niya ito na halos ikapilipit nito sa sakit.
BINABASA MO ANG
Crafts Of Mind
FantasyCompilation of Fantasy Stories using different Subgenres. √ Supernatural √ Paranormal √ Fairytale √ Mystery/Thriller √ Horror √ Adventure √ Historical (...and MORE!) Let's play our mind through the maze of our imagination. Be sport and bring out...