"Are you two dating?"
Kabababa ko pa lamang ng motor ay iyon na ang ibinungad sa akin ni Hazel, nagpapalipat-lipat ang tingin sa amin ni Nathan na nakasakay pa rin sa motor niya. Nag-isip tuloy ako kung isusukbit ko ba talaga iyong bitbit kong backpack sa balikat ko o ihahampas ko iyon sa mukha niyang ngiting-ngiti.
Napatingin na lang ako kay Nathan at hinayaan siyang sumagot. Kung ako kasi iyon, mas mahaba pa sa buong Philippine Constitution ang maililitanya ko ng wala sa oras na magsisimula sa isang mura at matatapos sa isang mas malutong pang mura.
"Break na kami," Tumatawa lang na sabi ni Nathan bago ako hinarap.
"Anong oras ka pupunta sa apartment?" Tanong niya sa akin na lalong ikinalaki ng mata ni Hazel. Halatang-halata sa mukha niya na iba na agad ang iniisip.
Muli ko na namang ikinunsidera ang hampasin si Hazel gamit ang backpack ko. Pasalamat na lang siya at may lamang laptop iyon at wala akong balak na isakripisyo ang susi ng kabuhayan ko para lamang matanggal ang malisyosong ngiti niya.Concept Developer kami ni Hazel para sa isang maliit na film production at may meeting kami kasama ang isang indie film director ng araw na iyon.
"Tatawag na lang ako mamaya," Sagot ko na lang. Hindi ko din naman kasi talaga alam kung anong oras matatapos ang meeting namin. Bago Iyong direktor na makakatrabaho namin nina Hazel kaya hindi namin alam kung ano ang diskarte.
Nagkataon na nagyayang mag-jogging si Nathan biglaan kaya kami magkasama. Dumating siya na naka-motor sa apartment na tinitirhan ko ng umaga pero iniwan na niya iyon doon dahil malapit lang naman iyon sa compound ng Provincial Capitol kung saan kami madalas tumakbo. Nakikain na din siya ng agahan sa apartment ko ng makita niya iyong niluto kong bistek. Paborito niya kasi iyon.
Nang malaman niyang may meeting ako sa kabilang bayan ay siya na mismo ang nagprisinta na ihatid ako para bawas pamasahe na lang din kumbaga. Bayad na daw niya sa paglamon niya. Umoo na lang ako. Sabado naman kasi noon at wala siyang pasok sa eskwelahan kung saan siya nagtuturo.
"Sige. Sunduin pa ba kita mamaya?" Tanong pa niya ulit. Sakto namang kapaparada din ni David, kasamahan din namin ni Hazel, ng motor niya sa tabi namin kaya narinig niya iyon.
"Uy! Dalagang Pilipina! Sinusundo!" Sabi agad ng mokong na ngiting-ngiti.
"Kayo?" Dagdag tanong pa niya na sa akin nakatingin. Ang sarap lang talaga nilang pagbuhulin ni Hazel.
"Break na kami!" Sabay pa naming sabi ni Nathan. Nagkatinginan tuloy kaming dalawa ng wala sa oras at natawa. Naki-fist bump pa siya sa akin na pinagbigyan ko naman.
Sinabihan ko na lang si Nathan na tatawag na lang ako kung anuman. Tumango lang naman siya at pinaandar na ang motor. Nang makaalis si Nathan, nauna na akong pumasok sa coffee shop at literal na hindi pinapansin ang mga makahulugang tingin nina Hazel at David sa akin.
Kumpara kay Nathan, mas matagal ko nang kaibigan ang dalawang kampon ng kadiliman. At kung meron mang tao sa buhay ko na atat na atat na magtawid bakod ako ay silang dalawa na iyon.Openly gay naman kasi talaga si David kahit hindi halata sa kilos at galaw. Si Hazel naman ay isang bisexual. At dahil parehong single, ang pagiging malapit namin ni Nathan ang pinagdidiskitahan nilang dalawa na hindi ko din talaga maintindihan kung minsan.
"Para pare-pareho tayong malunod sa dagat-dagatang apoy!" Pabirong sagot lamang noong dalawa noong tinanong ko iyon sa kanila.
"I can swim," Sabi ko na din lang noon at hindi na nagtanong pa ulit. Alam ko din naman kasi na kahit na anong sabihin ko, magagawan at magagawan nila ng paraan iyon para bigyan ng ibang kahulugan
Kung tutuusin naman ay hindi kami madalas na magkasama ni Nathan. Madalas na iyong magkita kami ng dalawang beses sa isang buwan dahil na din sa mga trabaho namin. Busy siya sa pagtuturo tuwing weekdays. Ako naman ay weekends din lang ang pahinga na itinutulog ko talaga maghapon at magdamag kung pwede. Literal na kain at ihi lang ang gising, kumbaga.Iyon nga lang at pagdating sa Facebook, talagang halos araw-araw kaming magka-usap at alam iyon nina Hazel at David dahil imbes na sa chat, madalas na sa comments sa mga posts namin kami nagdidiskusyon. Iyon bang tipong literal na ginagawa naming chat box ang comment box madalas. Idagdag pa na madalas din niya akong itina-tag sa mga post niya at ganoon din naman ako sa kanya.
Kaya nga hindi na din ako nagtaka na may mga taong nag-iisip ng iba tungkol sa amin. Nangunguna na doon sina Hazel at David. Wala namang kaso sa akin iyon kasi alam ko naman kung ano talaga ang estado naming dalawa. Iyon nga lang at minsan, naiinis na din ako sa pang-aasar nina Hazel at David. Lahat na lang kasi ng bagay, nabibigyan ng kulay na ayaw ko sanang mangyari.
"Bakit ka pupunta sa bahay nila mamayang gabi?" Tanong sa akin ni Hazel hindi pa man kami nakaka-upo sa loob ng café. Agad ding napatingin sa akin si David, halata ang interes. Tatatlo pa lang kami ng mga oras na iyon kaya mukhang balak talaga akong gisahin ni Hazel.
"Magkakamutan ng kati, bakit? May problema ka?" Pambabara ko na lang. Idiniretso ko na doon dahil sigurado ko din namang doon ang kapupuntahan ng usapan. Short cut kumbaga para matapos na agad.
"Saka pwede ba, tigil-tigilan na ninyo akong dalawa! Hindi ba kayo nag-sasawa sa pang-i-issue sa amin?" Dagdag ko pa.
"Ehhhhh, pagbigyan mo na kami! Sa inyo na nga lang kami kinikilig eh." Sabi lang ni Hazel na sinang-ayunan naman ni David. Hindi na lang ako kumibo.
Simula pa lang naman kasi ay alam na nilang bukas ako sa isang alternatibong relasyon. Kaya nga kami naging malapit ay dahil na din doon at sa pagiging vocal ko sa aking pagsuporta sa LGBT community.
Ang sa akin naman kasi, walang karapatan ang ibang tao para sabihan ka kung sino ang dapat mong mahalin. Everyone has the right to live their life the way they see fit kumbaga at kasama na doon ang pamimili nila sa kung sino ang gusto nilang makasama habang-buhay.
Isa pa, sa industriyang ginagalawan ko, normal na din naman kasi ang mga ganoong relasyon kaya kumbaga, nasanay na din ako.
Iyon marahil ang dahilan kung bakit makita lang nila akong may kasamang lalaki ay nagtatanong na silang dalawa kung naglipat bakod na ba ako, lalo pa nga at magta-tatlong taon na din akong walang girlfriend. Para bang napakalaking bagay sa dalawang ugok na mag-ladlad ako, ganun. Tinatawanan ko na lang madalas.
Pero iba kasi iyong kaso namin ni Nathan.
Nahalata naman yata ng dalawa na wala ako sa mood na makipagdiskusyon tungkol sa relasyon namin ni Nathan at nanahimik panandalian. Tipo bang nananantiya kung pwede pa ba silang magtanong ng tungkol doon.
Kahit naman kasi gusto ko silang pagbigyan at i-entertain iyong idea na maging kami ni Nathan ay wala talaga. Unang-una, isa siyang Born Again Christian. Pangalawa, hindi man siya against sa LGBT community ay hindi din naman niya ito sinusuportahan.
"I don't hate the person, just the act," Iyon ang lagi niyang linya kapag napag-uusapan namin iyon.
Pero ang pinakamalaking dahilan ay ang katotohanang may asawa na siya. Nasa ibang bansa nga lang si Claudia, nagtratrabaho bilang nurse kaya hindi sila makasama.
Guwapo si Nathan kung itsura din lang ang pag-uusapan. Mas maliit lang siya sa akin ng tatlong pulgada sa taas niyang five-six. Medyo pahabang bilugan ang mukha niya, singkit ang mga mata, matangos ang ilong, mapupula ang sakto lang ang kapal niyang mga labi, may kakapalan ang kilay, at sa deskripsiyon ni David, nakakalaglag bayag kung ngumiti. Idagdag pang makinis ang maputi niyang balat na normal na yata sa mga katulad niyang may lahing Igorot.
Matalino din siya kaya nga kami naging magkaibigan. Sabihin nang mayabang pero hindi ko talaga matagalang kausap iyong mahina ang utak, at kung hindi ko pa nakakausap ng minimum of four hours na isang upuan ang isang tao, hindi ko pa siya kinukunsidera na kaibigan.
At iyon ang nagustuhan ko kay Nathan dahil kaya niyang makipagsabayan. Kahit na magkaiba ang opinion namin sa madaming bagay, lalo na pagdating sa relihiyon, ay hindi naman siya katulad ng mga ibang Kristiyano na wala nang ibang sinasabi kundi, "Iyon ang nakasulat sa Bibliya."
Pareho din kaming mahilig sa panood ng pelikula at pagbabasa. Nagsusulat din siya ng mga short stories at essays katulad ko kaya kami talaga nagkasundo.
Nakilala ko si Nathan ng minsang maimbitahan ang grupo namin sa unibersidad kung saan siya nagtuturo para magbigay ng seminar para sa film production. Valentine's Day noon pero wala lang, hindi uso sa akin kumbaga dahil nga matagal na ding single at wala pa talaga akong balak pumasok ulit sa isang relasyon. Magdadalawang-taon na akong walang girlfriend noon pero hindi ako apektado kahit pa nga ang dami-dami kong nadadaanan na mag-siyota.
"Bakit ang daming may dalang bulaklak? Undas ba?" Tanong sa akin ni David na kasama ko noong araw na iyon. Parte din kasi sila ni Hazel ng team na magbabantay sa workshop at seminar. Kabe-break lang nila ng long time boyfriend niya noon kaya bitter na bitter pa siya sa mundo.
"Magbe-break din kayo," Pabulong pa niyang sabi nang may dumaang mag-jowa sa harapan namin.
Dahil inalihan ako ng saltik, inulit ko ang sinabi ni David pero mas malakas. Pinatulan ko lang iyong trip niya kumbaga. Napatingin tuloy sa amin iyong mag-jowa bago nakasimangot na umalis.
"Ang bitter niyo lang!" Bara sa amin ni Hazel na may hawak ding bulaklak. Bigay iyon ng lesbian partner niya bago kami nagpunta sa university. Masamang tingin lang ang ibinigay namin sa kanya ni David.
"Tayo na lang kaya," Maya-maya ay sabi ni David sa akin. Umakma pa siyang hahalikan ako sa labi pero binatukan ko lang siya.
"Hindi ako pumapatol sa pokpok!" Sabi ko na lang. Nag-make face lang sa akin ang kumag. Aminado naman kasi siya na kindatan lang siya ng konti eh sige na siya agad basta tipo niya. Kaya nga pokpok ang tawag sa kanya ni Hazel na nagaya ko na din. Imbes na mainsulto, mukhang proud pa ang gago.
"Correction, ang pokpok, binabayaran. Ang isang iyan, kalabitin lang, basta guwapo, tutuwad agad. Isa siyang naglalakad na pangkamot ng kati!" Buska pa ni Hazel kay David.
"And I'll be taking that as a compliment!" Sabi lang naman ng huli, pero halatang malungkot pa rin.
Si James na kasi ang pinakamatagal na n naka-relasyon ni David at sa unang pagkakataon, talagang hindi siya nagluko. Ang kaso, nakarma yata, ayun, siya naman ang pinendeho.
Itinutok ko na lang ang atensiyon ko sa pag-alala ng mga dapat naming gawin ng araw na iyon at hinayaan silang mag-angilan.
Dahil ako naman ang head writer ng grupo namin, ako ang natalagang magpa-writing workshop sa mga estudiyante. Nagkataon namang siya pala ang adviser ng writing guild noong unibersidad kaya siya nandoon.
Napansin ko na si Nathan simula pa lang. May ugali kasi siyang basta na lamang tumititig sa ibang tao at ng mga panahong iyon, sa akin nakatutok ang mga tingin niya. Nailang pa nga ako noong una pero hinayaan ko na lang. Akala ko kasi estudiyante din kaya hindi ko masyadong binigyan ng pansin. Medyo inis din ako sa kanya noon dahil late siyang dumating. Iyon pa man din ang pinakaayaw ko sa lahat.
Nagulat pa ako ng bigla siyang lumapit sa akin pagkatapos kong magbigay ng activity sa mga estudiyante at magpakilala bilang adviser ng writers guild. Ang bata niya kasing tignan at talagang mapagkakamalan mong estudiyante.
"I like you," Sabi pa niya na nakangiti. At dahil malapit sa akin sina Hazel at David noon, narinig nila ang sinabi ni Nathan. Ngiting-ngiti pa sa akin ang dalawa na kulang na lang ay maglabas ng banderitas at fireworks ng wala sa oras. Nagtatatalon pa ang dalawa na parang mga tanga. Tinignan ko na lang sila ng masama lalo na ng mapansin kong nakatingin na din sa kanila si Nathan.
"Thank you. I like myself too." Sabi ko na lang na tinawanan lang niya ng malakas. Napatingin tuloy sa amin ang mga estudiyante ng wala sa oras. Si Nathan naman ang tinignan ko ng masama.
"Pwede ba akong mag-private lessons sa iyo?" Tanong pa niya na ikinataas na lang ng kilay ko. Ni hindi man lang ito naapektuhan sa pambabara ko. Kung ibang tao iyon, napahiya na at basta na lamang umalis. Napatitig ako sa kanya ng wala sa oras.
Medyo malambot siyang magsalita pero hindi mo naman masasabing bading. Lalaking-lalaki naman kasi siyang kumilos at idagdag pang lalaking-lalaki din ang pangangatawan. Hapit kasi ang suot niyang t-shirt noon kaya halatang-halata ang umbok niya sa dibdib at ang flat niyang tiyan. Kitang-kita din ang braso niya na may cuts talagang masasabi.. Meron din siyang paunang tubo ng balbas na nakarugtong na sa patilya niya.