Nagising ako
Nagising ako na wala akong katabi.
Wala ka na sa aking tabi.
Natulog tayo nang magkasama,
Sa kamang ito na medyo may kasikipan.
Pinilit nating pinagkakasya ang ating mga sarili
Sa kakarampot na espasyong mayroon tayo,
Kahit pa ikahulog ko, uusad ako sa pinakadulo, maibigay ko lang ang ginhawa para sa'yo.
Idadantay ko ang braso ko,
'Di bale nang mangalay,
Para sa dalagang pinakamamahal lahat ay kaya kong ialay.
Yayakapin kita ng mahigpit na mahigpit,
Hindi dahil masikip ang espasyo at kailangan nating magsumiksik sa isa't isa.
Hindi.
Yayakapin kita ng mahigpit na mahigpit dahil mahal na mahal kita at ayokong malayo sayo.
Ayokong mawala ka sa aking tabi.
Mahal, ayokong mawala ka.
At sa ating pagtulog,
Pinangako mo na mahal
Hindi mo ako iiwan,
Sabay tayong gigising at sasalubungin ang ating kinabukasan.
Umulan man o umaraw, may bagyo man o wala, magkasama tayo. Walang iwanan.
Nangako ka mahal,
Na hindi ako mag-iisa sa kamang ito.
Sabay tayong matutulog nang magkatabi,
Magkayakap sa malamig na gabi at magbibigay init sa katawan ng isa't isa.
Walang iwanan.
Nangako ka kasi mahal,
Na sabay tayong babangon sa kamang ito,
Sasalubungin ang mundo sa labas ng magkasama.
May digmaan man o wala, may trabaho man o wala. Magkasama tayo. Walang maiiwan at walang iiwan. Magtutulungan tayo sa lahat ng bagay, sa lahat ng pagkakataon, sa hirap o ginhawa magkasama tayo. Walang iwanan.
Dahil mahal nangako ka,
Na aantayin mo rin akong magising katulad ng kung paanong inaantay kong magpikit ang 'yong mga mata, masilayan lang kitang mahimbing natutulog magdamag, kalong ng aking bisig.
Bisig na magtatanggol sa lahat ng may nais ng mananakit sa'yo.
Bisig na handang masaktan huwag lang ang dalagang pinakamamahal.
Bisig na handang mangalay mabigyan ka lang ng mahimbing na tulog
Bisig na nakalaan para lamang sa'yo
Dahil nangako ka mahal.
Nangako ka pero ang bawat pangako mo'y isa-isang napako sa puso't katauhan ko.
At sa bawat pagbaon ng pagkakapako nitong mga pangako mo ay ang unti-unting pagtulo ng dugo sa aking puso't katauhang tumatangis.
Dahil nangako ka mahal,
Pero pinako mo ang mga pangako mo.
Kaya nagising ako.
Mahal nagising ako
Nagising ako na wala ka na sa aking tabi
Hindi na kita kapiling.
Nagising ako na mag-isa at tanging unan at kumot na lang ang aking kapiling sa kamang ito.
At nakakatawa na ang dating kamang masikip at kailangan pa nating magsumiksik sa isa't isa ay tila ba napakalawak ngayon.
Nakakatakot.
Dahil para akong estranghero sa isang bayang kinalakhan ko.
Gitarista na tumutugtog ng gitarang wala sa tono.
Manunulat na nangangapa sa mga talinhaga at mga salita.
Natatakot ako.
Dahil iniwan mo na ako.
Mahal iniwan mo na akong nag-iisa sa kamang ito.
Ramdam na ramdam ko ang lamig ng gabi at tanging kumot na lamang na naiwan ang pilit kong binabalot sa aking sarili maibsan ko lang ang panlalamig. Nasamyo pa kita.
Mahal nasamyo ko ang amoy ng paborito mong pabango sa naiwan mong kumot.
Nagugunita kita.
Iniwan mo akong mag-isa at aminado ako mahal natatakot ako sa espasyong binakante mo.
Tanging ang mga unang bakas pa ang amoy ng shampoo mo ang aking yakap gabi-gabi.
Kipkip sa bawat pagpikit ng aking mga mata, inaalala ang bawat gabing kalong pa kita sa aking bisig.
Nagugunita kita.
Dahil gabi-gabi ay naroon ang multo mo, natutulog sa tabi ko.
Pero alam kong hindi ikaw iyon,
Ilusyon lamang iyon.
Ilusyon ng kahapon na ayaw magpatulog.
Hindi ako pinapatulog.
Dahil gabi-gabi ko pa ring inaantay pagbalik mo.
Hanggang sa ang gabi ay maging araw.
At kailangan ko nang bumangon sa kamang minsan nating pinagsaluhan.
Sa kamang naging saksi ng ating pagsasama.
Sa kamang naging tagapakinig ng ating ungol at hagikgik sa bawat pagtatalik ng ating damdamin.
Sa kamang nakapanood sa tagpo ng paglayo mo.
Sa kamang ito na sumalo ng luha't damdamin ng wasak na ako.
Kailangan ko nang bumangon sa alaala ng kahapon at harapin ang ngayon.
At sa oras na ang muling magdilim.
At muli akong babalik sa kama ng mag-isa.
At kailanganan ko nang matulog.
Ang panalangin ko lang,
Sana
Sana lang.
Sana lang talaga.
Bukas magising na ako.
Magising na ako sa katotohanang
Wala ka na sa aking tabi
Wala ka na sa aking piling
Wala ka na sa aking buhay.
Wala ka na sa aking buhay.
Wala ka na talaga sa aking buhay.
Magising na sana ako.
Nagising na ako.<

BINABASA MO ANG
NAGISING NA AKO (SPOKEN WORDS)
PoezjaIsang araw magigising ka na lang na wala na pala siya sa tabi mo at isang araw magigising ka na lang din sa katotohanang wala na siya sa buhay mo. Move on pre. #wattys2016