Interview: John Barrios
ni Noel Galon de Leon
Hindi lamang guro at manunulat si John Barrios, isa rin siyang iskolar sa wika, isang artista. Ang totoo niyan isa si Barrios sa kaabang-abang na manunulat sa panitikang Akeanon, bukod sa palaging bago sa panlasa ang inihahain niyang mga dula at maikling kuwento, katangi-tangi niya pang naipakikita ang kultura ng Aklan na sa tingin ko ay nag-angat kay Barrios sa mga kasabayan niyong manunulat sa Kanlurang Visayas, ang lugar kung saan hinubog ang isang manunulat na mulat at malay sa pangangailangan ng isang panitikang nanahimik sa matagal na panahon.
John Barrios sa 2012 UP National Writers Workshop (Larawan mula sa upworkshop2012.wordpress.com)
Kasalukuyang Komisyoner sa Wikang Hiligaynon ng Komisyon ng Wikang Filipino si Barrios. Naging bahagi na rin siya ng pagpapalabas ng ilang dula habang nanunungkulan bilang guro sa UPHS-Iloilo. Nariyan halimbawa ang mga dulang Paglilitis ni Mang Serapio (ni Paul Dumol) na itinanghal ng UPHSI Junior Theater Arts Club (December 2005); Sweet-hearts (Theater Arts Guild of UPV, 2006); Karoling (UPHSI Junior Theater Arts Club, December 2006); at Tinyinti Gimo mits Marya Labo (UPHSI Junior Theater Arts Club, December 2008). Ilan sa mga librong naipalimbag ni Barrios ay ang The Katipunan in Aklan (with co-authors Melchor F. Cichon and Dominador I. Ilio, Manila: National Centennial Committee, April 1997);Selebrasyon at Lamentasyon: Antolohiya ng Maikling Kuwento sa Panay (co-editor, Diliman: Sentro ng Wikang Filipino, U.P. System, 1998); Engkant(aw)o ag iba pa nga matag-ud nga mga istorya (Manila: National Commission for Culture and the Arts, 20050; Bigkas Binalaybay: Kritisismo at Antolohiya (co-editor, Iloilo: Sentro ng Wikang Filipino, U.P. Visayas at National Commission for Culture and the Arts, February 2008); at Engkant(aw)o at iba pang mga maikling kuwento (Translation, Iloilo: Invictus-Imprenta Igbaong, 2009).
Dahil sa sipag at pagpupursige ni Barrios bilang manunulat sa mga wikang Aklanon, Hiligaynon, Filipino at Ingles tumanggap na rin siya ng ilang pagkilala at grants mula sa ilang respetadong institusyon, nariyan halimbawa ang 1995 Cultural Center of the Philippines Literary Grant for Short Story, National Commission for Culture and the Arts Ubod Series for Short Stories (2005), Metro Manila Cultural Commission Professorial Chair Lecture (2006), Most Outstanding Alumnus, Regional Science High School of Aklan (2006), Most Outstanding Kalibonhon – Historical Research (2006),Fray Luis de Leon Creative Writing Grant (2007), at Metro Manila Cultural Commission Professorial Chair Lecture (2008).
Upang mas makilala pa natin ang isa sa itinuturing na haligi ng panitikang Akeanon sa Filipinas, narito ang pakikipanayam ko sa kaniya.
Kalatas: Sino si John Barrios sa Panitikang Akeanon? At paano mo tinitignan ang Panitikang Akeanon mula sa iyong mga panulat?
Barrios: Dalawang bagay: organisasyon at panulat. Ang panitikang Akeanon o panitikang nasusulat sa wikang Akeanon ay matagal na nawala sa sirkulasyon ng mga babasahin (nabuhay ito noong unang tatlong dekada ng 20 dantaon sa mga pahayagan) at muling nabuhay noong inorganisa namin (kasama si Joeffrey Ricafuente bilang Presidente at Melchor Cichon bilang Adviser) ang Akeanon Literary Circle (ALC) noong 1991. Ang ALC ay nakapagdaos ng mga workshop (sa ilalim ni Leoncio Deriada) at nakapaglathala ng Bueabod Literary Journal. Nakilala ako, una, sa aking mga tula na nalathala sa mga antolohiya at journal ng CCP at NCCA. Pero naging malaking bagay ang pagkamit ng CCP Grant sa Pagsulat ng Maikling Kuwento sa Akeanon na nakamit ko noong 1995 at kung saan nalathala sa isang koleksiyon na inilabas ng NCCA Ubod Series, ang Engkant(aw)o ag Iba pa nga matag-ud nga Istorya. Ang pagkakaroon ng salin ng aking mga maikling kuwento sa Filipino sa ibang antolohiya at koleksiyon ang nagpakilala sa akin bilang manunulat. Para sa akin ang panitikang Akeanon ay hindi lang nasusulat sa wikang Akeanon. Itinuturing kung ang pagsusulat ko ng mga kuwento (at tula) tungkol sa Aklan at bilang isang Akeanon ay isa nang asersyon na merong isang espasyong puweding tawaging “Aklan” at kung saan maaaring magmina ng mga isusulat. Kahit na nagsusulat ako sa Filipino para sa mga antolohiyang nilalathala ng mga editor at manunulat sa Filipino ay inaaku ko pa rin ang aking posisyon bilang Akeanon lalo na kapag ako’y nagkukuwento tungkol sa Aklan.