Pa'no na kaya?

38 3 4
                                    


Isang maaliwalas na araw, sa di inaasahang pagkakataon, tinext ako ng matalik kong kaibigan.

"Busy ka? Kita tau, bez..." text niya. Nakakapagtaka dahil pinagkakasunduan muna namin yung araw na free kami bago kami magkita. May problema kaya, tanong ko sa isip ko.

Sa paborito naming tambayan ko siya natagpuan. Napahinto ako ng makita ko siya na nakaupo sa bench sa ilalaim ng malaking puno ng mangga. Alanganin akong kumaway pero hindi siya natinag sa pagkakatitig sa kung saan. Waring nakatingin sa kawalan. Nilapitan ko siya.

"Ano'ng problema?" tanong ko agad nang marinig ko ang pagbuntong-hininga niya. Hindi man niya sabihin, alam ko at nararamdaman ko may problema.

Katahimikan ang naging sagot niya sa nag-aalalang tanong ko. Nilingon ko siya. Nakatingin sa malayo ang malulungkot niyang mga mata. Hindi na'ko nag-usisa. Sinamahan ko siya sa tahimik na bahagi ng mudong kinalalagyan niya ng mga oras na'yon. Sa katahimikang 'yun, damang-dama ko ang bigat na dinadala niya. Hinawakan ko ang kamay niya para maramdaman niyang hindi siya nag-iisa. Gumanti siya ng paghawak sa kamay ko. Mahigpit na para bang nakahanap ng makakapitan upang hindi siya mahulog sa kailaliman ng katahimikang iyon.

Maya-maya lang ay naramdaman ko ang pagpatak ng tubig. Tumingala ako sa langit. Hindi naman nakikisimpatiya ang langit sa'min. Maaliwalas iyon. Naisip ko, siguro nakapalibot sa'min ang mga ulap na dapat ay naglalayag sa itaas. Muli ko na namang naramdaman ang pagpatak ng tubig... magkakasunod. Saka ko naisipang tingnan siya. Bumuhos na pala ang tubig mula sa mga ulap na nakapaligid sa'ming dalawa.

"May iba siya ..." Waring isang kulog na dumagundong sa aking pandinig ang mga salitang iyon. Imposible... Bakit siya lolokohin samantalang mahal na mahal nila ang isa't isa. Naging saksi ako. Nainggit pa nga ako eh. Gusto kong isatinig ang mga isiping iyon ngunit sa halip ay mahigpit kong hinawakan ang kamay niya at ikinabig ko ng isang kamay ang ulo niya pasandal sa balikat ko. Hinayaan ko siyang umiyak at ibuhos lahat ang sakit na nararamdaman niya. Dinamayan ko siya. At di nagtagal pareho kaming nabasa ng ulan.

Matagal na kaming magkaibigan. Sa mga panahong nandoon siya sa gano'ng sitwasyon, nandoon din ako para sa kanya. Malaya para gawin 'yun dahil wala naman akong dapat iyakan at problemahin sa mga panahong iyon. Umiiyak lang ako at namomroblema kasama niya sa tuwing naiiwan siyang mag-isa.

Ngunit dumating din ang araw na sa bahagi naman ng mundo ko umulan. At gaya ng aking inaasahan, nandoon siya para mabasa kasama ko. Sa ganun lang naman umiikot ang mundo naming dalawa. Nagiging salamin kami ng bawat isa. Magkasamang pinag-aaralan ang bawat ikot ng mag-kaibang mundo namin. At parehong hahanapan ng solusyon ang mali sa mga pag-ikot nito.

Ganun naman talaga. Bawat tao may kanya-kanyang mundong ginagalawan. Pero sa'min, nagtayo kami ng tulay na siyang nagdudugtong sa magkaibang mundo namin. Sa tulay na iyon kami nagkakasama, nagdadamayan, nagba-bonding, at nagkukulitan ... nagsasaya.

At sa bawat oras ng pagkikita namin sa tulay na iyon, lumalim at tumitibay ang pagkakaibigan namin. At di namin kapwa namamalayan ... sa paglalim at pagtibay ng pagkakaibigang iyon ay may umuusbong na kakaibang damdamin.

Muli kaming tumambay sa tulay na nagdudugtong sa mundo naming dalawa. Gaya ng dati... kulitan... biruan. Wala naman kasing ulan ng mga oras na 'yun. Masaya siya dahil napagbigyan ko siya sa maliit niyang kahilingan. Nagpasama siya sa paghahanap ng mauupahan na kwarto para malapit siya sa trabaho niya. May appointment ako nun pero pina-cancel ko para lang masamahan siya. Sa mahabang paglalakad at paglilibot sa lugar, nakahanap din kami sa wakas.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 04, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Pa'no na kaya?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon