Boto ni Bibo

51 4 2
                                    

NAE-EXCITE na akong maipanganak!

Napabuntung-hininga na lang ako nang maalalang hindi nila ako maririnig sa labas. 'Di bale, mag-iika-siyam na buwan ko naman nang nasa madilim na lugar na ito. Sabi noong huling check-up sa doktor, malapit nang makalabas si Bibo! Yehey!

Naramdaman kong naglakad si Mama't unti-unti'y nakarinig ng mga boses.

"Pare, sino bang iboboto mong presidente?" Si Papa 'yon!

Iyang tanong na naman na 'yan?

Nitong mga nakaraang araw, imbis na hele ni Mama, mga jingle ng mga pulitiko ang naririnig ko. Mag-eeleksiyon na raw kasi kaya ganoon.

"Naku, Pare. Ayoko na ngang bumoto, e," sagot ng isa. Mukhang bisita ito ni Papa. "O, kamusta'ng pagbubuntis, Mare?"

Napasipa ako nang bahagya."'Eto, ayos naman si baby Bibo namin," ramdam ko ang sayang sagot ni Mama. "A, e, ba't naman hindi ka boboto, Kumpare?"

'Yon din ang tanong ko. Kapangyarihan daw ang pagboto— parang superpowers na makakapagpabago sa mga masasama sa mundo— sabi sa TV. Kaya nga paglabas ko rito, 'yon ang gusto ko—ang bumoto! Ang maging superhero!

Pero bakit ayaw bumoto ng isang 'to?

"Pare, Mare, alam niyo naman ang takbo ng pulitika sa bansang 'to."

Ha? Anong ibig niyang sabihin? Anong mayroon sa Pilipinas?

Maya-maya'y sumagot si Papa, "Pero sayang naman kung hindi ka boboto," anito.

"Naku, baka tinatamad ka lang naman pumila para sa biometrics?" panunudyo ni Mama sa kaibigan ni Papa.

Nagtawanan sila saglit at sumunod ang katahimikan.

'Di naglao't sumagot ang kausap nila Mama, "Wala, suko na 'ko. Suhulan doon at dito ang makikita mo kahit saan ka tumungo. Kunwari pang ang mga ipinamimigay ay insentibo, pero sadyang suhol lang, 'yon ang totoo."

Naramdaman ko ang pagbuntung-hininga ni Mama kaya napabuntung-hininga rin ako.

"At ang mga kumakandidato para sa pagka-pangulo, tignan niyo: dalawang manduduwit, isang may sakit, isang mamatay-tao, at isang 'Kanó. Hindi ko na alam kung kanino itatapon ang boto ko."

Ano? Ganoon na ba ang mga tumatakbong pulitiko?

"Sa bagay, may punto ka, Pare," pagko-komento ni Papa. "Kung sino mang manalo sa kanila, mukhang ang magagawa na lang natin ay umasa."

Maya-maya'y sumingit din si Mama. "Balita ko nga rin ay tapos na ang laban dahil may hacker nang nabayaran para mapasok ang sistema sa Mayo. Isang pangalan na lang ang mangingibabaw sa halalan. At ang pangalan pang 'yon ay hindi maaasahan."

May ganoon? Teka—ano ba 'yon?

Hay, teka, naguguluhan na ako. Akala ko ba ang pagboto ay para sa pagbabago ng mundo? Para mawala ang masasama? Bakit ang mismong mga kandidato ang gumagawa ng ganito?

Kung ganoon, bakit sa TV, 'pag nanonood si Mama, ay naririnig kong tinuturuan ang mga tao sa tamang pagboto? Panay naman pala ang suhulan at dayaan doon at dito.

Bakit panay magagaganda naman ang ipinapangako ng mga kumakandidato—totoo ba 'yon o puro lang panloloko?

Bakit mukhang marami naman na silang nagawa para sa bayang ito?

Akala ko ba, ang mga masasama ang pagbabaguhin nila? E, parang sila naman ang masama!

Mukhang wala pa nga akong alam sa bansang kalalak'han ko. Hindi pa nga siguro kumpleto ang mga naririnig-rinig ko. Pagdating ng araw ay mamumulat din ako rito. Pero... paano naman ang pagboto ko, sa pagdating ng panahon, kung mananatiling ganito? Paano na ako? Paano na ang kinabukasan ko?

Napa-isip ulit ako. Ganoon na pala sa lugar na masisilayan ko. Para tuloy... ayoko nang maipanganak.

Boto ni BiboTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon