Chapter 2

1.7K 28 1
                                    

Isang umaga, habang kasama ko si Linda na nagpapaaraw, bigla siyang may itinuro sa akin.

“Ate, yun ba yung anak ni Mang Kevin?”

Sinundan ko ang kamay niya at nakita ko ang isang malaking bata, si Peter. Nakatayo ito sa tapat ng kanilang bahay, naka-uniporme at naghihintay ng kanyang service.

“Ah, oo. Si Peter ‘yan.”

“Grabe. Ang cute-cute niya, ate! Ang lusog-lusog!” sabi ni Linda na para bang kinikilig.

“Oo nga. Ang lakas daw kasi niyang kumain,” sagot ko.

Simula noon, lagi na niyang binabati si Peter. Kadalasan pa nga ay sinasamahan niya ang bata tuwing umaga habang naghihintay ng sundo nito.

Subalit lumipas ang mga araw at hindi ko na nakikita si Linda na kasama si Peter. Lagi na lamang itong nasa loob ng kanyang bahay. Nang bumisita ako sa kanya para kamustahin, nakita ko na parang pagod na pagod siya at mukhang walang tulog.

“Linda, kamusta ka na?”

“Naku ate, thank you sa pagbisita,” sabi niya sabay ngiti. “Heto, medyo puyat. Naglilikot kasi si baby kapag gabi. Hindi tuloy ako makatulog.”

“Bakit kasi wala kang kasama rito? Okay lang ba sa parents mo na nag-iisa ka lang dito?”

“Naku, okay lang po ako. Kayang-kaya ko ito. Ilang buwan na rin lang naman at lalabas na si baby,” masayang sagot niya.

Nagpaalam na rin ako kaagad para siya makapagpahinga.

Kinagabihan, nagulat ako ng ibalita sa akin ni Lando na isinugod sa hospital si Peter.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

###

     Pagkalipas ng ilang araw ay bumisita kami ni Lando sa hospital. Nagulat ako ng makita si Peter. Ang dating malusog at masiglang bata, halos buto’t balat na ngayon. Wala ring kalakas-lakas ang kanyang katawan. Nakahiga lamang ito sa kama habang sangkatutak na tubo ang nakakabit sa kanya.

“Pareng Kevin,” bati ni Lando sa ama ni Peter. Parang tumanda ang lalaki ng sampung taon sa loob lamang ng ilang araw.

“Pare, mare, salamat sa pagbisita. Nagkamayan silang dalawa, at pagkatapos ay ako naman ang kinamayan.

“Kamusta na si Peter? Anong sakit niya?” tanong ko.

Umiling si Kevin. “Hindi pa rin matukoy ng mga doktor. Kung anu-anong test na nga ang ginawa nila, pero wala silang makitang diperensya sa anak ko.” Tumalikod si Kevin, pinipigilan ang pag-iyak.

“Walang diperensya?” pagpapatuloy niya. “Tingnan mo nga ang anak ko. Iyan ba ang matatawag mong walang diperensya!”

Hinawakan ni Lando si Kevin sa balikat. “Huwag kang mag-alala. Malalaman din nila ang sakit ni Peter. At sigurado, gagaling siya.”

Hindi sumagot si Kevin. Tahimik lamang ito habang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata.

(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)

PaglilihiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon