Wala ako sa sarili habang ginagamot ng mga doktor at mga nurse ang aking anak sa emergency room. Wala akong magawa kundi ang umiyak. Pilit akong kinakalma ni Lando ngunit hindi ko siya napapansin. Hindi ko maalis sa aking isipan ang duguang katawan ni Emmy.
Ilang minuto ang lumipas at lumapit sa amin ang isa sa mga doktor. Seryoso ang kanyang mukha na lalong bumuhay sa takot sa aking dibdib.
“Malayo po sa panganib ang inyong anak, pero…”
Biglang parang hindi ako makahinga.
“Kailangan po siyang sumailalim sa operasyon para maalis ang mga bubog na nasa kanyang mga mata.”
“Diyos ko po!” naibulalas ko. “Anong mangyayari sa anak ko?”
“Gagawin po namin ang lahat para matanggal ang mga bubog sa mga mata ng inyong anak. Medyo maselan po ang operasyon. Ang ipagdasal na lang po natin, sana’y walang malubhang pinsala ang kanyang mga mata na maaaring magdulot ng pagkabulag.”
Para na rin akong pinatay ng doktor sa kanyang sinabi.
“Mabubulag ang aking anak!”
“Iyan po ang gusto nating maiwasan. Kaya nga po natin gustong maipasok na kaagad ang inyong anak sa operating room.”
Biglang nanghina ang aking tuhod. Buti na lang at nasa tabi ko lang si Lando at nasalo niya ako.
“Gawin niyo po ang lahat, dok,” pagmamakaawa ng aking asawa.
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
###
Halos tatlong oras ang lumipas bago lumabas sa operating room ang doktor. Kahit parehong pagod at walang tulog, mabilis naming sinalubong ni Lando ang doktor.
“Dok, kamusta na po ang anak namin?” tanong ko.
“Natanggal na po namin ang lahat ng bubog na pumasok sa mga mata ng inyong anak. Pinalipat ko na rin po siya sa ICU. Ginawa na po namin ang lahat ng aming makakaya. Ang magagawa na lamang po natin sa ngayon ay ang maghintay hanggang sa magising ang inyong anak para malaman kung mayroong tinamong pinsala ang kanyang mga mata, permanente man o hindi.”
Ilang katanungan namin ang sinubukang sagutin ng doktor bago niya kamin iwanan. Ang pinakaimportanteng tanong lamang ang hindi niya nasagot.
Makakakita pa kaya ang aming anak?
(This is an original work by MartinTristan M. Carneo. For more stories from this author, please visit kuwentonghorror.wordpress.com)
###
“Hon, mukhang magtatagal pa tayo rito,” sabi ni Lando. “Bakit hindi ka muna umuwi para kumuha ng mga gamit? Pagbalik mo ako naman ang uuwi para makapunta sa opisina at makapag-file ng leave.”
Bagamat ayokong umalis ng hospital ay napilitan na rin ako. Nagsisimula ng magliwanag ng makarating ako sa aming bahay. Mabilis akong nag-empake ng ilang mga gamit – mga damit, kumot, unan, tubig, at pagkain. Mabilis ko ring nilinis ang nagkalat na basag na salamin at pagkatapos ay tinakpan ko ang aming bintana ng isang kapirasong plywood.
Paglabas ko ng aming bahay, napansin ko ang apartment na tinutuluyan ni Linda. Basag ang isa sa mga bintana at nakabukas ang pintuan. Bagamat nagmamadali ay hindi ko mapigilan ang mag-alala para sa babae. Lumapit ako sa kanyang apartment at sumilip sa bintana.