Ilang araw nang pagod at walang tulog si Nona. Tinatapos kasi niya ang apat na nobela niyang naibalik sa kanya for revision.
Sumandal na lang siya sa kanyang upuan at malakas na bumuntong-hininga pagkatapos na marahas tanggalin ang salamin niya sa mata. Ilang oras na din siyang nakikipagtitigan sa monitor ng desktop computer niya kaya naman magpapahinga na muna siguro siya. Kung hindi ay baka tuluyan nang mawala siya sa katinuan.
Sinipat niya ang relong nakasabit sa dingding ng kanyang kwarto. Maga-alas kwatro na pala ng umaga. Malamang ay gising na ang kanyang mga magulang.
Napakunot ang noo niya nang makarinig ng bulungan sa labas ng kanyang silid.
"Mama, sa tingin mo ba ay magugustuhan ni Winwin itong niluto nating almusal para sa kanya?"
"Oo naman, Papa. Pero sa tingin mo ba ay humihinga pa ang bunso nating iyon? Noong isang araw ko pa kasi siya huling nakita. Ni hindi man lang siya lumalabas ng kwarto niya."
Napangiti siya. Tama nga ang hinala niya. Gising na ang mga ito.
"Lumalabas siya ng kwarto niya, Mama."
"Paano mo naman nalaman iyan, Papa?"
"Nauubos kasi ang pagkaing iniiwan ko sa lamesa bago ako matulog tuwing gabi. Alam mo naman ang bunso nating iyon, may sa daga ata. Saka lang sumasalakay kapag wala nang tao."
"Ikaw talaga, Papa. Ginawa mo pang hayop ang bunso natin."
"Cute naman ang mga daga, ah-"
Natigilan ang mga ito nang bigla niyang buksan ang pinto ng kanyang silid at agad na napatingala sa kanya. Nakatalungko kasi ang mga ito sa harap ng kanyang silid habang may hawak na mga plato na may lamang ulam at kanin.
"Nagkampo na naman kayo dito sa labas ng kwarto ko, dear parents. At anong oras na naman kayo nagising? Wala pang alas singko ng umaga, hindi ba? Bakit gising na kayo?" nangangaral na sabi niya sa kanyang mga magulang. "Alam niyo namang sa edad niyong iyan, dapat ay nagpapahinga na kayo. Kaya ko nang ipaghanda ang sarili ko ng makakain."
Tumayo ang kanyang ina pagkatapos tulungan ito ng kanyang ama habang hawak pa din nito ang mga platong may lamang pagkaing inihanda ng mga ito para sa kanya. "Ikaw naman, Winwin. Nag-aalala lang kami sa iyo ng papa mo. Malay ba naming kung hindi ka na pala humihinga diyan sa loob ng kwarto mo? Ilang araw ka na din kasing hindi lumalabas at nasisikatan man lang ng araw."
Napailing na lang siya sa tinuran na iyon ng kanyang ina. "Ma, hindi naman po ako halaman na malalanta kapag hindi naarawan. Ang OA niyo talaga."
"O siya, tama na iyan," putol naman ng kanyang ama sa usapan nila. "Ito na ang rasyon mo para sa araw na ito bago ka matulog. Pero kung gusto mo pang manginain ng masasarap kong luto ay pumunta ka lang sa kusina at marami pa doon."
Natawa na lang siya sa sinabi ng kanyang ama. Dito marahil nanggaling ang kakulitan at magulo niyang imahinasyon na nagagamit din niya sa kanyang propesyon. Isa kasi siyang romance writer.
"Sasabay na po ako sa inyong kumain, dear parents."
Halata ang pagkagulat sa mukha ng mga ito dahil sa sinabi niyang iyon. Alam kasi ng mga ito na kapag busy siya sa pagsusulat ay mas gusto niyang mapag-isa sa loob ng kanyang silid. Saka lamang siya lumalabas kapag kumakalam ang kanyang sikmura o di kaya'y tinatawag na siya ng kalikasan.
"Sigurado ka diyan sa sinasabi mo, anak? Hindi kaya napapangunahan ka lang ng damdamin mo? Pag-isipan mo munang mabuti ang gagawin mo, Winona Magtalo-"
BINABASA MO ANG
Winning His Heart
RomanceSiya si Winona Magtalo from the Philippines. Mabait, cute, hindi gaanong katangkaran pero pwede na din naman. Winwin ang tawag sa kanya ng kanyang mga magulang, Nona naman siya sa kanyang mga kaibigan at isang malaking The Who para sa iniidolo niy...