Ikapitong Kabanata

56 7 1
                                    

VONN


Hindi naging madali ang pagmamahalan naming dalawa ni Friedrich.

Kinailangan naming itago ang relasyon naming dalawa sa mga tao sa paligid namin, lalong-lalo na sa mga pamilya namin, dahil hindi nila tanggap ang mga taong tulad namin. Tila demonyo nila kami kung ituring, mga taong gumagawa ng mga immoral na bagay. Gan'yan kami husgahan nang mga tao sa paligid namin na siyang pumuno nang takot sa aming dalawa kaya minabuti na lamang naming manatili sa loob ng kloseta nang magkasama.

Ngunit nang pumasok na kami sa kolehiyo, napagtanto namin na wala pala kaming dapat ikatakot dahil binali nang mga tao ang aming isipan at pinaniwala sa kanilang bersyon ng katotohanan. Sa aming bagong komunidad na pinaglagian sa loob ng apat na taon, natutunan namin na hindi lang iisa ang katotohanan sa mundo, at ikaw mismo ang pipili ng katotohanang gusto mong paniwalaan. Dito namin mas naintindihan ang aming sarili at ang aming pagmamahalan para sa isa't isa na siyang dahilan kung bakit mas tumibay ang pagsasama namin ni Friedrich habang iginagapang namin ang aming pagtatapos sa kaniya-kaniyang kurso. Nawala na ang takot ko para sa aming dalawa at naghari na ang kalayaan at kasiyahan sa aking dibdib.

Ngunit hindi pa ito pangkabuuan dahil may mga tali pa rin kami sa aming mga kamay.

Nang magtapos na kami sa kolehiyo, sinabi ko kaagad kay Friedrich na pagsamahin na lang namin ang kinikita naming dalawa para mas maging mabilis ang pag-iipon namin para matupad ang mga pinangako namin sa aming mga magulang – ang matiwasay na buhay. Atat na kasi ako na makasama sa ilalim ng iisang bubong si Friedrich. Atat na ako na mamuhay ng kaming dalawa na lang talaga – mas umigting kasi itong pakiramdam na 'to nang tumira kami sa iisang apartment no'ng kolehiyo. Doon kasi, mas nakilala namin ang isa't isa at napaglaanan talaga namin ng panahon ang pagmamahalan naming dalawa. Madalas nga, natatameme ako kapag nagluluto si Friedrich o gumagawa ng gawaing-bahay dahil biglang nagfa-flashforward ang paningin ko at nakikita siya – kaming dalawa – sa isang bahay na malayo sa kabihasnan, may simple at payak na pamumuhay.

Matapos nga ang pitong taon mula nang makapagtapos kami sa kolehiyo, matapos naming makapagpatayo ng bahay ng pareho naming pamilya, tuluyan na naming pinakawalan ang sarili namin sa aming mga magulang. Umamin kami sa kanila, at gaya nang inaasahan, pinagtabuyan nila kami na para kaming mga hampaslupa, na parang wala kaming ginawang kabutihan para sa kanila.

Hindi na ulit ako kinausap pa nang mga magulang ko at nang buong angkan namin, maliban na lang sa kapatid kong babae. Kahit na sa araw nang kasal namin ni Friedrich, wala sila. Ayos lang rin naman sa akin dahil masaya naman ako kahit na wala sila basta ba't kasama ko ang pinakamamahal kong tao – si Friedrich. Isa pa, wala na rin naman akong magagawa para mabago ang isip nilang makikitid dahil hindi naman nila ako papakinggan kahit anong pagpapaliwanag ang gawin ko. Hindi lang sa mga magulang ko, pati na rin sa mga taong hindi pa rin tanggap ang mga bakla, sa mga hindi maintindihan ang katotohanan na hindi pinipili ng isang tao ang pagiging isang bakla, na natural ang pagiging bakla katulad ng pagiging straight na lalake o babae.

Taon ang hinintay naming bago nag-iba ang ihip ng hangin. Taon ang hinintay namin bago kami nakapagpakasal. Taon ang hinintay namin para maging malaya't masaya na kaming tuluyan. Ngayon, malaya na naming magagawa ang gusto naming gawin sa buhay namin nang magkasama.

Ngunit tila mawawala na nang parang bula ang lahat ng bagay na pinaghirapan naming dalawa.

Naaksidente ang bus na sinasakyan ni Friedrich pauwi sa bahay. Matulin kasi ang pagpapatakbo nang tsuper dahil maluwang ang flyover, pero dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan, dumulas ang bus at lumipad palabas sa flyover. Nalaglag ito sa hilera ng mga tindahan. Walang nakaligtas kahit isa. Pero dahil nakaupo si Friedrich sa dulo ng bus, hindi agad siya nahatulan ng kamatayan. Nadala agad siya sa pinakamalapit na ospital at kasalukuyang nasa masamang kalagayan.

PahiramTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon