Simula

261 15 10
                                    

SIMULA

NAKIPAGHIWALAY AKO KAY Rafael, pero nakipag-ayos din ako kaagad kinabukasan. Nagkamali ako ng ginawang desisyon kaya ngayon ay nagsisisi ako nang sobra.

Nagpadala ako sa sobrang sama ng loob at nag-akalang sa pagkakataong 'yon ay hindi niya ako magagawang bitawan. Pero sa hindi inaasahan ay hindi na siya pumayag pang ayusin namin ang problema at ang relasyon namin. Ayaw na niyang sumubok pa uli. Ayon kasi sa kanya ay hindi na maganda pang pumasok sa isang relasyong may lamat na.

Kasalanan ko. Aminado naman ako. Maraming beses na akong nakipaghiwalay sa kanya, pero hindi siya pumayag. Siguro ay napuno na siya at napagod na sa kaiintindi sa akin kaya noong huling beses na nakipaghiwalay ako ay pumayag na siya.

Iniisip kong baka nagpapasuyo lang si Rafael, na baka kailangan, this time, ay ako naman ang sumuyo sa kanya. Dahil doon ay naging desidido akong suyuin siya.

Limang araw. Limang araw kong sinubukang makipag-usap at makipag-ayos sa kanya. Pero hindi ko inasahang magagawa niya akong iwasan at itaboy.

Hindi ako sumuko. Pakiramdam ko kasi ay hindi ko pa nagagawa ang lahat ng makakaya ko. Kulang pa. Alam kong hindi ko pa isinasagad ang sarili ko kaya hindi muna ako susuko.

Sa ilang araw kong panunuyo ay sinabi sa akin ni Rafael na hayaan ko na muna siya. Ibinigay ko ang gusto niya. Hindi ko siya kinulit ng dalawang araw.

Sa eskuwelahan ay napansin ng mga kaibigan at kaklase namin na hindi kami okay. Hindi ko sinasabi sa kanila ang nangyari, maaaring gano'n din si Rafael kaya ang akala nila ay may malaki lang kaming hindi pagkakaunawaan.

Masayahin at masigla akong tao kaya kapag may problema ay kaagad 'yong napapansin ng mga taong nakapaligid sa akin. Maraming tao ang naaapektuhan kaya palagi kong ipinipilit na ipakita sa kanilang okay lang ako, na ayos lang ako.

Dalawang araw kong hindi kinulit si Rafael kaya mas lalo ko siyang na-miss. Kaya nagdesisyon akong kausapin uli siya pagkatapos ng klase ko.

Nag-text ako kay Rafael. Sinabi kong pupunta ako sa kanila at sana ay kausapin na niya ako.
Nagdesisyon din akong huli ko na 'to. Huling beses na akong makikipag-usap sa kanya at huling beses ko na rin siyang kukulitin.

Natapos ang klase ko pero wala man lang akong natanggap na reply galing sa kanya.
Dali-dali akong nagligpit ng gamit at lumabas na ng school.

Habang nasa daan ay hindi ko maiwasang isipin 'yong ilang araw kong pakikipag-ayos sa kanya. Siguro nga ay ayaw na talaga niya. Napabuntonghininga ako. Ito na talaga ang huli. Kung sa pag-uusap namin na 'to ay hindi na talaga niya gusto pang subukan uli ay tatanggapin ko na. Siguro nga ay hinihintay ko na lang talagang sabihin niya sa aking harapan na ayaw na niya. Sa tingin ko naman ay naibigay at nagawa ko na ang makakaya ko.

Pagdating ko sa bahay nina Rafael ay kaagad ko siyang tinawagan. Sinabi ko sa kanyang nandito ako sa labas ng bahay nila.

Maghihintay na lamang ako sa garahe nila at hindi na papasok.

Wala pa man siya ay parang sinasaksak na ang dibdib ko. Masyadong makirot at masakit ang nararamdaman ko.

Nagsisimula ng mag-init ang mga mata ko kaya tumalikod ako. Hindi ko kayang makita siyang lumalabas mula sa bahay nila at papalapit na sa akin. Dahil alam ko sa sarili kong makita ko lang siyang papalapit pa lang ay mag-uunahan na sa pagtulo ang mga luha ko.

Bahagya akong nagulat nang may yumakap sa akin mula sa likuran. Alam kong si Rafael 'yon dahil sa naamoy kong pabango. Hindi siya umimik at nanatili lang na nakayakap sa akin. Sa mga sandaling 'to ay hindi ko na talaga nagawa pang pigilan ang mga luha ko.

Love Me Again (REVAMPING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon