Pano ba makalimot?

35 2 6
                                    


Nakalimutan mo na nga siguro.

Hindi ko alam kung paano mo 'yon ginawa e. Pitong taon tayo e. Siguro naman sapat na 'yon para masabing isa ako mga importanteng tao sa buhay mo.

Ay, hindi pala.

Isa na lang ako sa mga naging importanteng tao sa buhay mo.

Pero pucha, pitong taon tayo pero bakit pakiramdam ko wala pa tayong isang buwan sa bilis mong naitapon ang pitong taong pinagsamahan natin. Hindi ko magets kung paano mo nagawang maglaho agad sa buhay ko ng ganon ganon na lang. Samantalang ako, ilang taon rin ang ginugol ko para lang tuluyang makakawala sa baliw kong ex-girlfriend bago pa kita makilala.

Paano ba makalimot?

Parang awa mo na, sabihin mo naman sa 'kin,

Kasi ang sakit sakit na talaga e.

Nakalimutan mo na ba na pitong taon sa buhay mo, naging parte ako ng buhay ko? Hindi mo na ba naaalala na ayoko sa kapeng barako at paborito ko ang calamares sa kanto ng bahay n'yo? Nawala na ba sa isip mo na takot ako sa daga at mahilig akong mag-alaga ng pusang ligaw? Nabura na rin ba sa memorya mo na may kiliti ako sa likod ng tenga ko at mabilis akong makatulog kaya ka laging nagagalit sa akin kapag nahuhuli mo akong nahilik kahit na daldal ka pa rin nang daldal?

Ang daya naman.

Kasi ako, nakatatak na sa utak ko na hindi ka nakakakain hanggat hindi mo tinataas sa silya ang isang paa mo. Hindi na matanggal sa isip ko na sobrang hilig mo sa cartoon na Sofia the First pero hindi mo inaamin na isip bata ka. Paliga ko na rin naaalala na hindi ka pwedeng kumain ng Betamax kasi hindi mo talaga gusto ang dinuguan kahit na hindi naman kayo Iglesia.

Ang damot mo naman.

Habang huihinga ka sa mundo mo kung saang tuluyan mo nang inalis ang isang katulad ko, andito naman ako sa isang gilid na pilit inaalis ang pakiramdam ng pasmado mong kamay sa palad ko.

Hindi ko pa nga rin mabitawan kahit gaano na kabasa ang kamay mo e.

Hindi ko pa rin talaga kayang bitawan.

Nasabi ko na bang sobrang sakit na talaga?

Sabi ng mga kaibigan ko, lunurin ko na lang ang sarili ko sa trabaho, alak, at babae para makalimot. Pero bakit ganon? Hindi ko na mabilang kung nakailang overtime na ako pero kabisado ko pa rin mukha mo kahit nakapikit pa ako. Hindi ko na rin mabilang kung ilang litro na ng red horse ang nalagok ko pero kabisado ko pa rin ang pagkatao. Mas lalo ko namang hindi mabilang kung ilang babae ang sinubukan kong halikan pero kahit ilang beses kong sabihin sa sarili ko na mas makinis 'to sayo, mas maganda 'to sayo, hindi ko pa rin kayang lokohin ang sarili ko.

Paulit-ulit kong binabalikan ang pitong taon sa utak ko. Hinihimay ko lahat ng memoryang mayroong 'ikaw at ako.' Hinahanap ko ang posibleng dahilan sa paglisan mo.

Naturn off ka ba dahil may tatlo akong patay na kuko sa paa? Nag-iba ba ang tingin mo sa akin simula nang malaman mo na isang beses akong pumatol sa bakla dahil wala akong pangbayad sa tuition fee ko noong last sem ko dati dahil tinigil na ng magaling kong tatay ang sustento sa akin? Nawala ba lahat ng nararamdaman mo sa akin pagkatapos mong malaman lahat ng baho ng pagkatao ko?

Kung ganon, bakit mo pa pinahaba ng pitong taon?

Bakit hindi na lang anim, lima, apat, o tatlong taon?

Baka sakaling kung mas malikli ang haba ng pinagsamahan natin, baka gumaan man lang kahit kaunti ang nararamdaman ko ngayon.

Baka mabawasan ang sakit, kahit konti lang, parang awa mo na.

Bakit ganoon? Tanggap naman kita ng buong buo ha?

Wala naman akong pakielam kahit kleptomaniac ka. Walang kaso naman sa 'kin kung ilang beses mo nang binunto ang sisi sa akin sa tuwing magnanakaw ka sa mall. Pero higit sa lahat., katabi mo ako sa korte para ipagtanggol ka noong ginahasa ka ng tito mo.

Nasa tabi mo ako para pagtagpi-tagpiin ang nawasak mong pagkatao. Hindi kita iniwan sa mga pinakamadlim na parte ng buhay mo. Minahal kita kahit pakiramdam mo ay isa ka ng maduming babae kahit mali naman ang mga iniisip mo. Andoon ako para punasan ang mga luha mo at para yakapin at bulungan ka ng "Wala kang kasalanan" para lang maniwala ka na hindi mo kagagawan lahat ng mga problemang dumadagsa sa buhay mo.

Hindi naman ata patas ito.

Ano bang nagawa kong mali? Kaya ko namang itama e. Kaya ko namang gawin ang lahat, bumalik ka lang sa 'kin.

Bumalik ka na sa akin.

Please.

Hindi ko na talaga kaya e.

Hindi mo siguro alam kung gaano kita kailangan sa buhay ko. Hindi mo siguro napapansin na ikaw na lang ang nagpapangiti sa akin. Hindi mo siguro alam kung paano ako bumaksak nang mawala ka sa buhay ko. Hindi mo siguro alam kung gaano kita kamahal hanggang sa ngayon.

Napapaisip tuloy ako kung kinailangan mo rin nga ba ako?

O kailangan mo lang talaga ng karamay sa pait ng mga naranasan mo sa buhay?

Kailangan mo lang ba talaga ng mag-aayos sa buhay mo at hindi ng makakasama sa buong buhay mo?

I hope you realize I can do both.

I can do so much for you if you just let me to.

Hinding hindi na ulit kita tutulugan sa tuwing may ikinukwento ka. Hahayaan na kitang manood ng sandamkmak na Sofia the First kahit na anniversary natin. Hindi na ako magrereklamo o magseselos kahit ma may lalaki kang kasama sa picture. Gagawin ko na rin yung mga surprise na napapanood mo sa facebook sa birthday mo. Yung tipong maraming balloons at may heart shaped pizza. Kaya ko ring magsulat ng sandamakmak ring handwritten notes.

Kaya sana maalala mo na.

Pero parang hanggang dito na nga lang talaga tayo.

Nakalimutan mo na nga.

Buradong-burado na ako sa buhay mo.

Pero sana hindi mo naman nakalimutang hindi naman ako tatanga-tanga.

Kaya pasensya na ha, nakabangon na kasi ako.

Hindi ko alam kung bakit nagulat pa rin ako na wala ka paring pakielam hanggang ngayon.

Hindi pa rin ako nakakalimot at may kirot pa rin sa tuwing naaalala kita.

Masakit pa rin, pero okey lang. Tutal, sapat lang ang sakit para hindi kita hanapin at magmakaawa ulit para balikan mo ako.

Nangalay na rin ang leeg ko sa kakasilip sa mga tao sa loob ng simbahan kung isa ka nga ba sa kanila.

Pero nakalimutan mo nga talagang pumunta.

Nginitian ko na lang ang babaeng katabi ko sa harap ng altar.

Ikakasal na ako.

Nakalimutan mo rin ba?

Katulad ng paglimot mong sumipot noong kasal nating dalawa.

Nakalimutan mo na nga siguro.

Ang galing galing mo talaga! Pero madamot ka nga lang,

Kasi hanggang ngayon, hindi mo pa rin tinuturo kung

"Paano ba makalimot?"


***

Thank you for reading! :) More one shot stories coming out soon *heart*

Paano Ba Makalimot?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon