"Ano, tara na?"
"Sunod na ako sa inyo sa lib. Bili lang ako ng tinapay. 'Di pa ako nagbreakfast."
Pagkapasok ko sa canteen, halos 'di mahulugan ng karayom sa sobrang dami ng estudyante. Understandable naman dahil first week ng klase. Masipag pa mga estudyante.
Pumila ako sa stall na may pinaka kaunting pila. Kaya naman pala onti lang 'yung pila. Wala na halos paninda. Isang ensaymada at isang Safari na lang na chocolate bar ang binili ko. Paborito ko kasi itong Safari. Bihira na nga ako makakita ng ganito. Tapos lumiit pa yung serving size.
Una kong binuksan 'yung chocolate at nagsimulang maglakad papunta sa library. Siguro dahil na rin sa sobrang daming tao, may nabunggo ako/nakabunggo sa akin dahilan para malaglag 'yung Safari ko. Na-catch naman nung nakabungguan ko 'yun at inabot muli sa akin. Mas matangkad siya sa akin kaya tiningala ko siya para sana magpasalamat pero nakayuko naman siya kaya hindi ko makita ang hitsura niya. Bago pa ako makapagpasalamat para sana makaalis na rin, bigla kong narinig 'yung boses niya.
"Mahilig ka pa rin pala dyan."
THUMP. THUMP.
Biglang bumilis yung tibok ng puso ko. Bago pa tuluyang maproseso ng utak ko 'yung nangyari, umalis na 'yung lalaki at nawala na sa dagat ng mga tao.
H-hindi k-kaya...? Pero imposible. Bakit dito? Bakit ngayon? B-bakit...?
Bigla kong naramdaman ang pag-agos ng mga luha ko.
"Mahilig ka pa rin pala dyan."
Parang may sariling isip ang mga paa ko at binalikan ang tinahak ng lalaki kanina. Hindi ako pwedeng magkamali. Siya lang ang nakakaalam na paborito ko ang Safari.
'Pagkat dahil sa kanya kaya ko naging paborito 'yun.
Isang bulto ang nakita kong nakatalikod sa isang tabi. Tumayo balahibo ko. Biglang nanariwa sa akin ang isang pamilyar na likod na pinaka-paborito kong tinititigan. Ang bilis ng tibok ng puso ko. Wala namang mawawala kung susubukan ko.
Huminga ako ng malalim. Matagal na rin ang panahon nang huli kong mabanggit ang pangalan niya.
"A-Ang--"
Biglang tumunog yung cellphone ko sa bulsa. Kinapa ko ito at tinignan ang tumatawag. 'Yung mga kasama kong maglalibrary. Ini-swipe ko yung screen at sinagot.
"Hello?"
Hinanap ng mga mata ko yung lalaki.
"Oh, Nena, asan ka na? Malapit na mag-time. Mauubos na free time natin."
Wala na siya.
"A-ah, oo. Papunta na. Marami kasing tao dito sa canteen eh. Sige, paakyat na ako."
"Huy! Kanina ka pa lutang dyan. May naiintindihan ka pa sa binabasa mo?"
"H-Ha?"
"Thirty minutes na lang bago 'yung research subject natin. Blangko pa rin 'yang papel mo."
"Mali ata 'yung desisyon nating maglib ngayon. 'Di pa naman tayo pinaparequire ng research proposals eh."
"Ewan ko dito kay Nena. Huy, okay ka lang?"
"A-ah? Oo."
Sinara na nila yung malaking libro sa harap ko na ni hindi ko man lang napasadahan ng tingin.
"S-sorry." Sabi ko nang makalabas na kami sa library papunta sa susunod naming klase.
"Ano ba kasing nangyari sa'yo? 'Di ba nakabili ka naman ng breakfast mo? Matagal pa naman bago yung susunod nating break."