The Next After Me
By: Rashid Flores"Hey! Maaga practice tomorrow. Don't forget!" paalala ng coach saming mga teammates at agad na kaming iniwan sa gym.
Tumayo na ako bitbit ang gamit na dala ko at tahimik na nilakad ang hallway ng building pababa.
Makulimlim ang kalangitan nang pagmasdan ko ito mula sa labas. Kibit balikat akong naglakad patungo sa parking lot ng university dala ang gym bag na puno ng gamit.
Naramdaman ko kaagad ang lamig sa labas nung umihip ang malakas na hangin. Mabilis kong hinawi ang buhok pataas sa noo ko dahil bahagyang gumulo dahil sa hangin.
"Pre- pautang pang gas!"
Napalingon ako at natigil sa pag-aayos ng gamit sa narinig na boses galing sa likuran.
"Mambuburaot ka lang, Diego! Uuwi na ako."
"Damot," aniya tapos hinampas ako sa balikat at mabilis siyang tumakbo papunta sa kanyang sasakyan.
"Tang*ina mo!" sigaw ko at natawa.
Mabilis kong inilagay sa compartment ang dala kong gamit at tumungo na sa driver seat. Mabilis kong sinarado ang pinto ng sasakyan nung makasakay na ako tapos biglang pumatak ang ulan sa windshield hanggang bumuhos na ito nang malakas.
Natawa ako nang makita ang mga ilan kong kaklase na tumatakbo papunta sa shed malapit sa isang karinderya at nag-aagawan sila sa pwesto para hindi mabasa.
Mabilis nahagip ng mga mata ko ang isang lalaki nang ibaling ko ang tingin sa kabilang banda at bitbit niya ang kulay asul na payong. Dumiretso ito sa 7/11 na katabi ng campus.
Bumagsak na lang bigla ang balikat ko sa hindi ko malamang dahilan at nawala na ako ang focus dahil sa kanya. Nakatitig lang ako at parang inugat ang mata sa kanya.
Hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya habang nakatayo sa gilid ng convenience store. Sa tulong ng wiper ng sasakyan tanaw ko pa rin siya kahit malakas ang buhos ng ulan.
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa manibela dahil hindi ko alam kung uuwi na ako para magpahinga pero mas pinili kong pagmasdan siya sa kalagitnaan ng malakas na buhos ng ulan.
Isa siya sa dahilan kung bakit hindi ako makapag focus sa training namin sa nalalapit na basketball league. Hindi ako mapakali. Gusto ko siyang makausap. Ngayon ko lang ulit siya nakita dahil busy sa practice nung mga nakaraang linggo.
Madami kaming pinagsamahan ni Paulo at masasabi kong isa siya sa masasabi kong mabait na kaibigan. Hindi siya mahirap pakisamahan sa lahat. Sobrang bait at wala akong masabi.
Muli kong nilingon si Paulo at nakita ko na napapailing siya sa pagbuhos ng malakas na ulan at nakikipagsiksikan siya sa gilid para sumilong.
Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at mabilis kong kinuha ang payong sa dashboard at walang pagdududa para lapitan siya doon at para makausap na rin siya. Baka sakaling mawala na ang bumabagabag sa isipan ko.
Nang sumulong ako sa malakas na ulan patungo sa kinatatayuan ni Paulo, balewala ko ang lakas ng hangin at buhos ng ulan para lang malapitan siya doon.
Pagkadating ko sa kinatatayuan niya napatingala siya at nanlaki ang mga mata ng makita ako.
"Mike. Ikaw pala!" aniya at nakita kong nailang siya dahil kita ko sa mga mata niya.
"Pauwi ka na?" tanong ko at alam kong mukha akong gago sa harap niya.
"Oo, eh. Wala pa kasing dumadaan na taxi. Ang lakas pa ng ulan." sagot niya bago napakibit balikat.
Ano ba ang mga naiisip mo, Mike? Bakit mo ginagawa 'yung mga bagay na 'yan? Madami pa namang iba diyan ah?