Seulement Vous, Aileen (Only You, Aileen)

57 4 6
                                    

“May mga alaalang dapat nang kalimutan. Mayroon din namang mga alaalang itinatago at dapat na pahalagahan. At isa ka sa mga alaalang iyon.”

•••••

    

“FINALLY, here we are, Mhie. At the city of lights and love... Paris!” Lumatay ang ngiti sa mga labi ni Sebastian nang magbukas ang pinto ng silid na kanilang tutuluyan.

     Pumanhik sa loob at nagderetso siya sa bintana. Hinawi ng lalaki ang kurtinang humaharang. Unang bumungad kay Sebastian ang matayog na Eiffel Tower sa kalayuan. Isa lamang ang toreng iyon sa pinakasikat na atraksiyon sa Paris. Ang taas at kakaibang istrukturang ito ng Paris ang dahilan kung bakit ito sikat hindi lamang sa Europe, kundi pati na rin sa buong mundo.

     Lumapit ang lalaki sa asawang si Aileen at iginiya ito palapit sa bintana.

     “Ang ganda talaga rito sa Paris, 'di ba, Mhie?” At bumaling ito sa asawa. What he saw was her genuine smile. “Look, natupad ko na rin ang matagal ko nang pangarap para sa atin...” aniya at deretsong tinitigan ang magagandang mga mata ni Aileen. Puminta sa mga labi ang ngiting walang kasintamis.

     Sa pagtitig sa asawa’y naglakbay ang isip pabalik sa alaala ng nakaraan na hinding-hindi malilimutan. Silang dalawa ni Aileen, nakaupong pareho sa isang bench at may galak na nakatanaw sa mga batang naglalaro sa parke.

     “ANG KU-CUTE talaga ng mga chikiting, ano?” Si Aileen na masayang nakatingin sa mga bata.

     “Yup, they’re cute just like you...” Sinabayan niya iyon ng pagpisil sa pisngi ng nobya. Pinamulahan ng mukha si Aileen. Marahil ay dahil sa sinabi ni Sebastian.

     “Nakakainis ka talaga, Dhie! 'Wag ka ngang ganiyan...” Itinutok niya ang digital camera sa dalaga na nakaismid, subalit hindi naman maitanggi ang tuwang nasa mukha.

     Sebastian chuckled when he saw Aileen’s reaction. “Why? I’m just tellin’ the truth.” Pansamantalang inalis ang atensiyon sa camera at bumaling sa nobya na kanina pa niya kinukunan ng video. “But you know what?”

     “Hrmp. Ayaw kong malaman,” wika ni Aileen sa masungit na tono. Kunwa’y nagtatampo habang humahalukipkip pa ito.

     “C’mon, Mhie. Alam ko naman na hindi ka galit, eh. At saka may gusto lang naman akong sabihin... Sige ka, baka lalong dumami 'yang pimples mo... 'wag ka nang magalit, please? Bawal ang nakasimangot...” paglalambing niya na nakuha pang manakot.

     Ang kaninang nagtatampong dalaga’y unti-unting nagbago ang timpla ng mukha.

     “Sige na nga. Okay, ano ba iyon?” untag nito kay Sebastian. Nakangiti nang malapad.

     Napangiti rin si Sebastian nang marinig ang sinabi ng nobya. Sandali muna niyang itinigil ang pagkuha ng video.

     “Alam mo bang isa sa mga pangarap ko kapag nakasal tayo’y ang makapunta sa Paris? Gusto kong magkasama tayong pupunta roon upang sabay nating makita ang ganda at tayog ng Eiffel Tower,” wika niya na nakatitig lamang sa mga mata ng nobya. Hindi maikubli ang saya sa mga mata. “At doon tayo maninirahan at bubuo ng pamilya...”

     Sinuklian siya ni Aileen ng isang matamis na ngiti. “Iniisip mo na kaagad ang kasal natin, eh, hindi ka pa nga nagpo-propose. Kumo-corny ka na talaga, Dhie. Hindi ako sanay na ganiyan ka.” Totoong hindi pa nakapagpo-propose si Sebastian sa dalaga, kumukuha pa ito ng tamang oras at tiyempo.

Seulement Vous, AileenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon