Bangon, Pilipinas!
Hindi lubos akalain nitong ating bansa,
Darating na sakuna’y ganoon kawalang-hiya,
Maraming bahay ang sinira,
Mga Pilipino’y iniwang may luha.
Sa dami ng pinagdaanan nitong ating bansa,
Bakit Bagyong Yolanda’y labis na nanalasa?
Nagkulang ba tayo sa paghahanda?
O naging kampante sapagkat inisip na kaya na?
Kahit saan mo pa man tingnan at apuhapin,
Piping tanong “Anong mangyayari sa atin?”
Makakaya pa kaya nating suungin,
Ang bukas na naghihintay sa atin?
Maiwan ng minamahal ay ‘di madaling tanggapin,
Paano pa kaya kung mawala na sila sa atin?
Kakayanin mo pa bang mabuhay sa mundo?
Kung pag-asa mo’y kasing tigas na ng bato?
Pilipino’y kilalang likas na masayahin,
Kahit anong bigat ng problema’y nakakangiti pa man din,
Ngayong kinakaharap nati’y ganito kalala,
Makakaya pa kayang tumawa ng may galak?
Kung pakaiisipi’y isa lamang ito,
Sa mga pinagdaang hirap nating mga Pilipino,
Di ba’t noon nga’y sinakop pa tayo?
Ngunit nakalaya sapagkat may pagkakaisa tayo.
Bakit hindi natin ngayon ipakita?
Na Pilipino’y hindi lang basta-basta,
Makakayang bumangon mula sa anumang sakuna,
Bangon, Pilipino! Bangon, Pilipinas!