Para Kay Samson

101 2 0
                                    

Ang Tanga Lang Kasi...

Akala ko hindi ako tatablan ng pag-ibig. Sa buong buhay ko dalawang klaseng pag-ibig lang ang tunay kong nadama. Ang pagmamahal ng pamilya ko at ang pagmamahal ng mga kaibigan ko. Noon iyon, hindi na ngayon! Umiikot ang buhay ko sa dalawang aspeto ng pag-ibig na ito. Masaya, dahil alam mong may nag-aalala sa iyo sa tuwing wala ka pa sa bahay niyo. Nakakagaan ng loob, dahil mayroon kang mga totoong kaibigan na kaya kang ipagtanggol at bigyan ng maiinam na payo sa tuwing nawawala sa iyong wisyo.

Sa ganoong aspeto ng pag-ibig tumakbo at nanatili ang buhay ko. Noon iyon, hindi na tulad ngayon. Subalit mayroon pa palang isang pag-ibig na tila nakaligtaan kong tambayan. Ang pag-ibig ng isang espesyal na tao. Ang pag-ibig ng isang espesyal na tao na bumubuhay sa bawat araw mo. Ang pag-ibig ng isang espesyal na tao na dahilan ng paggising mo. Ang pag-ibig ng isang espesyal na tao na dumating na, ngunit pinakawalan mo pa!

Tama! Alam kong dumating na siya, pero heto ako si tanga napakawalan ko na pala! Nasanay kasi ako sa dalawang aspeto ng pag-ibig na alam kong nandiyan at alam kong mayroon ako, na alam kong parte siya noon. Hindi ko namalayan na buhay pala ang pag-ibig! Lumalaki, lumalawak, sumasabog, lumalago, nagbabago at binabago ka.

Ang tanga-tanga ko, hindi man lang ako nasabihan na dapat sumabay ako sa pagbabagong ito. Hindi man lang ako ginising sa nakasanyan kong buhay. Walang nagsabi sa akin, "hoy, manhid ka ba? O, sadyang tanga lang?" Kaya nga ngayon, naiwan ako sa isang sitwasyong... mahal ko pala siya, pero wala na siya... pag-aari na siya ng iba!

Ang sakit pala? Ang sakit-sakit pala! Hindi ko alam kung paano at bakit ako nasasaktan? Nasasaktan ba ako dahil may kasama na siyang iba? Puwede naman kami magkita, pero hindi na tulad ng dati. Nasasaktan ba ako dahil hindi ko binigyang pansin ang nararamdaman kong pagtrato niya? Baka! Kasi, kahit saan mo tignan... may mali ka... naging manhid ka! Nasasaktan ba ako dahil iniisip ko na may mahal na siyang iba? Kung tutuusin, ako dapat ang kayakap niya...kahit yakap lang masaya na ako. Nasasaktan ba ako dahil kapag hindi nila ako kasama baka mas sweet sila? Ang sakit, kasi ako dapat iyon at hindi siya! Nasasaktan ba ako dahil lahat ng ito ay tama? Oo, dahil sa isa na namang pagkakataon hindi lang ako naging manhid, naging napaka-tanga ko pa!

Ang mga Problema mo...

Limiin natin ang problema mo. Una, bakla ka! Check! Pangalawa, takot ka! Check! Pangatlo, malihim ka! Check! Pang-apat, sinungaling ka! Check na check! Panglima at huli, tanga pa! Check, check na check! Kahit saan mo tignan, pagpalit-palitin mo man ang mga enumerasyong iyan. Isa pa rin ang mananaig diyan. Ang panglima, kasi tanga ka. Bakla na nga tanga pa!

Sandali, hindi ba masyadong sinasaktan ko na sarili ko? Hindi po, kasi bagay iyan sa iyo! Talakayin natin ang limang nabanggit. Magsimula tayo sa una. Bakla ka! Iyan ang una mong problema. Tama naman ang isipin mong walang "fairytale ending" sa buhay pag-ibig ng mga bakla. Malas ka at naging bakla ka! Bilang lang sa sampung mga daliri ng mga baklang nagtagumpay sa kanilang buhay pag-ibig. Kung mayroon man, oo nga't nagtagal pero nagtapos din dahil bakla sila! Alam kong tila wala akong tiwala sa pag-ibig na kayang ibigay ng mga lalaki, o ng kapwa kalahi sa tulad naming mga bakla. Pero, magpakatotoo na tayo, hindi kasing kulay ng bahaghari ang buhay pag-ibig naming mga bakla. Bagamat ito ang watawat na sumisimbolo sa aming pagkakakilanlan.

Bakit ka aasa sa isang sitwasyong alam mo naman sa bandang huli ay uuwi kang talunan? Tama na medyo mali. Tama dahil alam mong mahuhulog ka lang naman sa bangin. Alam mong lalapain ka lang doon ng mababangis na leon. Alam mong walang mabuting mangyayari sa iyo doon, masasaktan ka lang at ang mas malala sasaktan ka lang. Pero sa kabilang banda, mali! Kasi, dapat lumaban ka. Dapat sinubukan mong mahulog sa bangin, malay mo andoon pala siya hinihintay ka para saluhin ka! Dapat sinubukan mong magpalapa sa leon, malay mo nakakadena naman ang mga hinayupak na leon. Kinadena niya para hindi ka malapa bagkus para malapitan mo siya. Dapat sumubok kang suungin iyon kahit alam mong masasaktan ka. Malay mo sa una lang ang sakit pero sa huli sasaya ka naman dahil kasama mo siya!

PARA KAY SAMSONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon