Si Ray ay araw-gabing nagtatrabaho bilang isang car dealer sa isang sikat na kompanya ng sasakyan upang makapag-ipon ng perang pangkasal nila ni Sharon.
Isang gabi, noong umuwi siya, kinausap siya ng kanyang kasintahan: "Ray, palagi ka na lamang pagod galing trabaho. Mag-pahinga ka kaya muna?" Sabi ni Sharon na may bakas ng pag-aalala sa kanyang mukha. "Hindi maaari mahal. Kailangan kong magtrabaho para maikasal na tayo agad." Tugon ni Ray.
"Ray, namimiss na kita eh... 'Di ba sabi ko naman sa'yo, may sapat na tayong pera para sa isang simpleng kasal." Ngumiti siya ng pagkatamis-tamis kay Ray.
"Sharon..." sagot ni Ray, "Hindi ako makapapayag na isang simpleng kasal lang ang maibibigay ko sa'yo. Tandaan mo, ikaw ang prinsesa ko at gagawin ko ang lahat para maging masaya ang isang prinsesa kagaya mo."
Isang araw, may nagpa-test drive sa kanya na kliyente para i-check kung maayos ang takbo ng sasakyan. Habang si Sharon naman ay kanina pa text ng text kay Ray kung kamusta na siya, ngunit hindi maka-sagot si Ray dahil busy nga ito sa trabaho.
Pagkapasok ni Ray at ni Mr. Lim, ang kliyente ni Ray, sa loob ng sasakyan, tumunog ang cellphone ni Ray.
"Sagutin mo na iyang tawag." Sabi ni Mr. Lim.
"Mamaya na ho sir, pagkatapos natin."
"Iho, asawa mo ba 'yan? Nako, sagutin mo na at baka mamaya eh, hindi mo na 'yan makita. Tandaan mo,hindi natin alam kung hanggang kailan lang tayo."
Sumagot si Ray, "Sir, girlfriend ko pa lamang ho, kaya nga ho ako nagtatrabaho ng maigi para maikasal na kami agad. Sige po, simulan na natin."
Naging maganda naman ang pagmamaneho ni Ray ngunit biglang may bumulaga sa kanilang kaliwa na dilaw na sports car sa isang intersection. Napuruhan si Ray at 'di maka-galaw, habang si Mr. Lim naman ay naka-labas na sa sasakyan at pumunta sa naipit na si Ray.
"Ray, gumising ka!"
"Mr. L-lim?"
"Ray! Sandali lang at tatawag na ako ng makatutulong sa atin."
Tumawag si Mr. Lim ng ambulansya. Pagkatapos niyang tumawag, kinausap siya ni Ray.
"Mr. Lim... *ehem... ehem...* p-pakisabi naman kay Sharon na mahal na mahal ko siya... p-patawad kung hindi ko siya n-nabigyan ng sapat na oras. Mr. Lim, mahal na mahal ko ho talaga siya..."
"Oo Ray, sasabihin ko... Wag kang mag-alala. Pangako ko iyan."
Nang dumating si Ray sa ospital, huli na ang lahat. Binawian na siya ng buhay. Iyak ng iyak si Sharon sa sinapit ng minamahal. Hindi siya makapaniwala na wala na ito sa kanyang piling, na hindi niya na maririnig ang kanyang mga halakhak at higit sa lahat, hindi niya na ito mahaharap sa simbahan.
Si Mr. Lim naman, tinupad ang kanyang pangako kay Ray. Pinuntahan niya ito sa kanilang bahay pagkatapos ng libing.
"Opo Mr. Lim, alam kong mahal niya ako." Sagot ni Sharon nang sabihin sa kanya ni Mr. Lim ang pinapasabi ng kanyang kasintahan.
"Alam ko rin na ginawa niya ang lahat ng iyon para sa amin." Biglang umihip ang malakas na hangin sa sala nina Sharon at ang tanging nasambit na lamang ng dalaga sa kanyang isipan ay... "Mahal na mahal din kita Ray, alam kong nandito ka lang sa tabi ko. Kakayanin ko ito."
YOU ARE READING
Pakisabi naman sa kanya
PovídkyOras ang kailangan ng ating minamahal. This is a project of mine in our Filipino class when I was in high school. This is inspired by the song "Tell Laura I Love Her" by Ray Peterson.