Static

1.7K 45 19
                                    

Naramdaman ni Kerwin ang biglang pagliwanag ng kanyang k'warto kahit nakapikit pa siya. Hinawi ng tagapangalaga ng bahay ang kurtina ng kwarto niya. Pinihit nito ang seradura ng bintana at tuluyang binuksan upang papasukin ang malamig na simoy ng hangin. Kahit ayaw pang imulat ni Kerwin ang kanyang mga mata ay amoy na niya ang sariwang halimuyak ng hamog sa umaga. Itinali ng tagapangalaga magkabila ang kurtina at saka tumungo sa may night stand at inabot ang isang kwaderno na may makapal na pabalat. Hinatak niya ang kumot ni Kerwin upang wala na itong magawa kung hindi ang bumangon.

"Ano ba!" galit na wika nito sa tagapangalaga ng bahay.

Hindi kumibo si Aling Esme at bagkus ay binato nito kay Kerwin ang kwaderno. Kung hindi lamang mabilis ang galaw ni Kerwin ay tinamaan na sana siya sa mukha ng kwaderno. Tinitigan niya ng masama ang babae. Kung siya lang sana ang masusunod ay matagal na sana itong wala sa kanilang bahay.

Malaki na ang tinanda ni Aling Esme.  Matama niyang pinagmamasdan ang kanyang alaga na hanggang ngayon ay masama pa rin ang tingin sa kanya.  Tila wala naman siyang pakialam.  Kulubot na ang kanyang balat sa kamay, laylay na ang kanyang pisngi at namamaga na ang mata tanda ng kanyang edad.  Masyado na siyang matanda para pakialaman pa ang bugho ng damdamin ni Kerwin.

"Anong gagawin ko dito?" asik na sabi ni Kerwin

"Buksan mo. Isulat mo ang nangyayari ngayon", utos nito sa lalaking naistorbo na ang pagtulog.

"Bakit pa? Hindi ako teenager para magsulat sa diary"

"Isulat mo na lang", pagpupumilit nito.

Dahan-dahang binuksan ni Kerwin ang kwaderno. May nakaipit na ballpen doon na kanyang kinuha. Pagbukas niya ng unang pahina ng kwaderno ay nakita niyang may nakasulat na doon.

"May nakasulat na dito", muli niyang reklamo.

"Hanapin mo ang dulo", matatag palagi ang pagkakasabi ni Aling Esme na parang nawalan na ng emosyon.

Unti-unti niyang nilipat ang pahina ng kwaderno. Nagtataka siya sa mga nakasulat doon na parang paulit-ulit lamang.

8:20-Gumising ako 

8:24-Gising na ako 

8:29- Gising na gising na talga ako

Pagdating niya malapit sa dulo ng pahina ng kwaderno ay tumambad sa kanya ang blankong papel. Tinitigan niya nang matagal na panahon iyon na parang hindi alam kung ano ang gagawin.

"O, eto nasa dulo na ko"

"Isulat mo ang naalala mong nangyari ngayon"

Matagal niyang idiniin ang ballpen sa blangkong pahina ngunit wala siyang maisip na isulat. Tiningnan niya ang orasan at nakalagay doon ang oras na 8:16.

8:16- Gumising ako

Mayamaya pa ay agad niyang binura ang salitang iyon matapos mahirapan siyang dugtungan ang mga salitang ginawa niya. Nag-isip ulit siya ng matagal kung anong pwedeng isulat ngunit wala muli siyang maisip. TIningnan niyang muli ang orasan, 8:23. Muli siyang bumaling sa kwaderno para isulat ang nakita.

8:23 Gising na ako

Muli ay kaagad niyang binura ang sinulat matapos mapagwaring hindi niya muling masundan ang salitang gusto niyang isulat. Nagsimula na siyang maging mainitin ang ulo at hindi niya malaman kung bakit hindi niya magawang ituloy ang nais niyang isulat. Sa ikatlong pagkakataon ay muling bumaling ang kanyang pansin sa orasan na nasa night stand, 8:26. Muli niyang isinulat ang nakitang oras sa kwaderno. Isusulat niya sana na gising na siya ngunit nang makitang may nakasulat nang una at nakabura na lamang ay inis niyang sinulat ang salitang "gising na gising na ako".

Static-A Love Story (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon