Isa...
Dalawa...
Tatlo...Tama, tatlong buwan na akong ganito, nakahiga at walang malay. Humihinga pero tanging mga tubo na lang ang gumagawa niyon.
Bakit nga ba ako nagkaganito?
Ang tangi kong natatandaan ay nasa kotse ako, nakangiti habang nagda-drive. Sumasayaw-sayaw pa ako sa ritmo ng paboritong kong tugtog. tapos, nakakasilaw na liwanag ang biglang sumalubong sa akin. Kasabay nang malakas na sigaw ko ay ang pagkawala ng aking malay.
At heto, wala pa rin akong malay. Paano ko alam? A, kaluluwa na lang kasi ako, narito lang din sa loob; nagmamasid, nakikiramdam sa paligid.
Sa halos tatlong buwan ko sa pagkakahimlay, wala man lang matinong dumalaw sa akin. Ay, mayroon pala. Ang mga gahaman kong kapatid, lagi silang narito. Inaalam nila kung buhay pa ba ako o maaari na ba nilang paghati-hatian ang mga ari-ariang pinaghirapan ko.
Mga sakim at walang puso!
"Dok, ano po ang lagay ng kuya ko?" Si Agnes ang nagsalita. Sus, papahid-pahid pa siya ng luha habang sumisinghot. Kung alam ko lang, tuwang-tuwa siya dahil sa kaniya mapupunta ang bahay. Ito ang matagal na niyang pinakakaasam-asam. Sa kaniya iyon siyempre, siya ang sumunod sa akin.
Tumayo si Agnes mula sa pagkakaupo sa tabi ko at hinarap ang doktor. Sinundan ko lang siya nang tingin habang nakahalukipkip. Katabi na niya ang dalawa ko pang kapatid.
"Tatapatin ko na kayo, dalawa lang ang option na maibibigay ko sa inyo. Una, mananatili siyang ganiyan. Pangalawa, euthanasia," malungkot na saad nito habang inililibot ang paningin sa kanilang tatlo.
Kita ang pagkabigla sa mukha ni Agnes at ng dalawa ko pang kapatid na lalaki. Napaismid ako. Kung kaya ko lang na palakpakan sila sa galing nilang umarte ginawa ko na. Nabatukan ko pa sila isa-isa.
Galing!
"Puwede po ba iyong una na lang? Mahal na mahal namin si kuya kaya iyong una ang pipiliin namin." Si Marco iyon, pangalawa kong kapatid. Sinulyapan niya pa ako sa ibabaw ng hospital bed bago ibinalik sa doktor ang paningin.
Tumango-tango naman ang dalawa pa bilang pagsang-ayon.
Napailing-iling naman ang doktor.
"Pero hanggang kailan? Hindi natin alam kung kakayanin pa rin ng katawan niya. Doon din naman ang punta niyon kaya..."
"Pero, dok, subukan pa rin natin. Baka tumagal pa ang buhay ng kapatid ko at maghimala. Mabuhay siya." Si Daniel, ang aming labing pitong taong bunso. A, gusto nila akong mabuhay sa kabila ng mga ginawa ko sa kanila?
Kalokohan! Mga plastic!
Bahagya akong lumapit sa kanilang kinatatayuan. Kita naman sa kanilang mukha ang katotohanan na ayaw pa nila kong mawala.
Pero bakit?
Pagkakataon na nila ito para masolo ang lahat ng aking kayamanang maiiwan. Ano ang pumipigil sa kanila?
***
"Mga hayop kayo! Lumayas kayo sa pamamahay ko!" Dumadagundong ang boses ko sa loob ng malaking bahay na aking pag-aari. Oo, bahay ko lang. Tanging ako lamang ang nagpundar nito kaya akin lang lahat ng ito. Lahat ng nakapalibot sa amin sampu ng kanilang mga kasuotan ngayon ay pag-aari ko. Kaya wala silang karapatan na suwayin ako o kahit na pagsabihan ako ng kung ano ang dapat kong gawin!

BINABASA MO ANG
MANA - One Shot
Paranormalsino ba ang kaya mong bigyan ng mana? ***Rank 2 in Pocky Rangers 2016 Euthanasia Writing contest***