Alas onse na ng gabi. Ang mga kamay ng orasan ay dahan-dahang umiikot habang ang tunog ng teklado ay umaalingaw-ngaw mula sa ika-limang palapag ng isang gusali. Ang liwanag ay buhat lamang sa iilang bumbilya na nagsisilbing tanglaw mula sa pintuan ng silid.
"Kaunti na lang at matatapos na rin ako, maabutan ko pa ang huling byahe pa-Binangonan" bigkas ng isang lalaki sa kanyang sarili habang tinitignan ang mga alituntunin.
Biyernes at sadyang malupit ang tadhana, kahit pa umuwi na ang mga kapwa niyang empleyado mas minabuti niyang manatili upang gampanan ang mga naiwang trabaho.
Ang kanyang kanang kamay ay walang tigil sa kakapindot habang inaangat ng kaliwa ang tasa patungo sa kanyang mga labi. Dahan-dahan nyang hinigop ang mainit na kape at sa sandaling iyon, isang hindi maipaliwanag na panlalamig ang dumaloy sa kanyang batok pababa ng kanyang likuran, kasabay ang pagtaas ng kanyang mga balahibo sa kanyang balikat.
Nagulantang at napatingin ang lalaki sa gawing kanan maging sa kanyang kaliwa...dahan-dahang binaba ang kape at pinakiramdaman ang paligid.
Mula sa kanyang kinauupuan, nakabibinging katahimikan ang bumalot sa silid ngunit mula sa malayo, isang madiing tunog ng teklado ang kanyang narinig.
"Nandyan pa yata si Cora"... bulong niya sa sarili.
Di lingid sa kanyang kaisipan ang tungkol sa mga kababalaghang nangyayari sa kanilang opisina. Madalas ang mga katrabaho niya ang nakakaramdam nito o di kaya nama'y nakakakita. Subalit ganun pa man, mas pinipili pa rin niyang mag-overtime di lang dahil sa karagdagang kita o kaya nama'y mas mabilis na byahe pauwi kundi dahil mas kinatatakutan pa niyang magalit ang kanyang Boss kaysa kahit anumang maligno.
Nang muling humarap sa kanyang nabinbing trabaho, napansin ng lalaki na wala sa ayos ang kanyang monitor. Tumungo at inaayos ng lalaki ang mga kable nito ngunit bago pa man siya makaangat sa kanyang pagkakatungo isang mahinang iyak ang kanyang narinig mula sa kabilang silid. Animo'y isang batang paslit na humihingi ng atensyon... Unti-unti itong lumalakas at sa bawat paglakas ng paghikbi, pabilis ng pabilis ang tibok ng puso ng lalaki.
Siya'y napalunok at pinawisan ng malamig.
"Guni-guni ko lang siguro.." habang iniangat ang sarili at kinakabahang kinuha ang headset mula sa kanyang Bag.
Nilagay niya iyon sa kanyang mga tenga at nagsimulang makinig ng radyo at nagpatuloy sa pagbabasa. Sinubukan niyang huwag pansinin ang mga naunang mga pangyayari subalit sa pagkakataong ito nakaramdaman siya ng mga yabag. Yabag na animo'y may mga nagtatakbuhang mga bata kasabay ang pagpapalipatlipat ng kanyang pinakikinggang istasyon.
Muli siyang natigilan at pinatay ang radyo, kinuha niya ang bimpo, pinunasan ang sarili at tumayo mula sa kinalalagyan.
"Baka pagod lang ito" Hawak ang kanyang batok habang iniikot ang leeg at tiningnan ang kanyang relo. "Kinse minutos na lang naman. . . Maghahanda na ako sa pag-uwi." Batid niya sa sarili. "Sabay na lang kami ni Cora marahil tapos na rin naman siya"...sabay bitbit ang bimpo patungong palikuran.
Mula sa malayo nakita niya ang nakaputing babae patungo sa dereksyon ng silid ni Cora. Ito'y mariin niyang tinawag. . .
"Cora! Cora! Sasabay ka ba?!" ngunit hindi ito lumingon at nagpatuloy sa pagpasok ng silid.
Muli niyang narinig ang madiing paghampas ng mga daliri sa teklado.
"Mukhang hindi pa siya tapos..." dahan dahan siyang lumapit habang palakas ng palakas ang paglagitik nito.
Muli niya itong tinawag ngunit wala siyang nakuhang sagot. Nagtaka ang lalaki at patuloy niyang nilapitan. Sa bawat hakbang ay patuloy din ang pagbilis ng kanyang puso. Unti-unti na rin siyang pinagpapawisan ng malamig. Muli siyang napalunok, huminga ng malalim at lakas loob na nagtanong. . .
"Cora. . . Cora? . ." buong pagtatakang pagsambit mula sa kanyang bibig.
Nang malapit na siya sa silid nakita niya ang liwanag na nagmumula sa monitor nito. Bukas ang PC ni Cora ngunit bakit hindi siya sumasagot. Nakita nitong nakatalikod ang kanyang mataas na upuan at naririnig nito paghampas ng teklado.
"Cora. . .?" Muli niyang batid habang nilapitan ang upuan.
Hindi maipaliwanag ang mukha ng lalaki, bakas ang pagkatakot ng subukan niyang ikutin ang akala niya'y kinalalagyan ni Cora.
Walang taong nakaupo. Subalit patuloy ang pagtunog ng teklado.
Kitang kita niyang lumulubog ang bawat pindutan. . .madidiin at malalakas. Nakabibingi ngunit di niya matakpan ang kanyang mga tenga.
Hindi siya makagalaw. . .
Ang mga paa niya'y animo'y nakadikit sa sahig. . .
Ang paghinga niya'y bumibilis at lumalalim. . .
Hindi siya makasigaw. . .
Nasan ang babaeng nakita nitong pumasok kani-kanina lang. . .
". . . Jopeth. . ." . . . isang bulong ang kanyang narinig mula sa kanyang tenga.
Malamig at tila humahagod hanggang sa kanyang kaibuturan.
". . .Jopeth. . ."
Sa pagkakataong ito nilakasan niya ang kanyang loob at sa isang buntong hininga dali-daliang tumalikod at tumakbo papalayo sa silid ni Cora.
Buong tapang niyang binalikan ang kanyang mga gamit at di na pinatay ang kanyang kompyuter.
Di alintana ang pagod mula sa pagtatrabaho. . .
Tumakbo siya papalabas ng silid. . .
Dinig na dinig niya ang tibok ng puso at ang hingal mula sa kanyang bibig.
Dali-daliang binuksan ang pinto palabas ng departamento . . .
Sunod-sunod ang hakbang niya sa bawat baytang ng hagdang kanyang binababaan.
Ang kaba at takot na kanyang nadarama ay di matutumbasan ng kahit ano mang karanasan sa kanyang buhay. . .Totoo ang mga nababalitaan niya. . . Totoo ang mga ito. . . ang mga pagdududa at pag-aalinlangan lahat ng ito'y nawala sa iisang gabi lamang.
Paglabas sa unang palapag nakita niya si Manong guard. Hawak ang isang record book at bitbit nitong lente.
"Sir okay lang po ba kayo?. . .Mukhang namumutla kayo ah?" tanong ni manong.
". . .Okay lang ako. . . Manong. . ." habang hinahabol ang hininga.
"Mukhang OTng OT tayo sir ha.. Tiba-tiba nanaman" sabay tawa ni manong habang nakatingin sa orasan - 11:30 PM.
Nanlaki ang mga mata ni Jopeth habang nakatungong hawak ang kanyang mga tuhod. Hinahabol ang kanyang hininga at sinabing. . .
"T*ng - #na di ko na-file OT ko!!!". . .
- Wakas
BINABASA MO ANG
O.T.Y.
KurzgeschichtenIto ay kwento ng isang lalaking mahilig manatili sa opisina upang di lang madagdagan ang kanyang kakarampot na kinikita para sa pamilya kundi para na rin sa kanyang sarili. Ngunit isang gabi ang hindi niya inaasahang magpapabago ng kanyang buhay at...