Chapter 1: The FinaleYUMI
"Kanta."
Hinila ni Yumi ang laylayan ng kanyang damit. Nanginginig ang tuhod niya nang ibinuka niya ang kanyang bibig. Pawisang-pawisan siya.
Nailang si Yumi sa tingin ng babaeng kaharap niya. Nakaupo ito sa isang itim na monoblock. Nakade-kuwatro ito at tila natutuwa sa napapanood niyang mga naghihirap makapasok lamang sa pangarap nilang trabaho.
"Kanta." Tugon nitong muli. Nawala sa isip ni Yumi na maglabas ng tinig mula sa kanyang nakabukas na bibig. Gusto niyang kumanta pero walang lumalabas na boses. Mas lalo siyang pinagpawisan sa tingin ng babae.
Mas lalong nanlambot ang kanyang mga tuhod. Nagsayang nanaman siya. Ilang oras ang ginugol niya makapunta lang sa audition na ito. Pero ang ginawa niya lang ay tumayo at ibuka ang bibig sa harap ng nakaka-intimidate na babae na nakilala niya sa buong buhay niya.
Tinalikuran niya ang babae at binuksan ang pinto palabas. Muli niyang sinulyapan yung babae ngunit isang lalaking nakasuot ng puting polo shirt at nakasumbrero ng pula ang nakita niyang nakaupo sa itim na monoblock na inuupuan ng babae kanina. Nakatitig ang lalaki sa kanyang orasan. Malaki ito at kulay pula. May puting ibon sa tuktok ng orasan. Gamit niya ang kanyang dalawang kamay sa paghawak sa nito.
Nagulat si Yumi ng bumaling ang tingin nito sa kanya. Hinanap niya ang babaeng kaharap niya kanina. Pero sa liit ng kuwarto ay wala na siyang nakita bukod sa isang lalaking may hawak ng malaking orasan.Agad niyang kinusot ang kanyang mata. Nagbabakasakaling nagdediliryo lamang siya dahil sa pagod at panghihinayang. Nang iminulat niya ang kanyang mata ay tila walang nangyaring kakaiba sa loob ng maliit na kuwarto ng gusaling tinatapakan niya.
Nakita niyang nakatitig sa kanya ang babae. Nagbalik na ulit sa dati. Inilibot niya muli ang kanyang mata sa kuwarto para hanapin yung lalaki kanina. Ngunit kahit anong bakas niya ay walang nakita si Yumi. Isinara niya ang pinto. Pumikit agad. Huminga siya ng malalim at kinagat ang ibabang labi niya. Hindi naman siguro ito totoo. Baka namalik-mata lang si Yumi. Siguro nga ay dahil lang sa pagod niya ito ngayong araw. Nagpakapagod lang siya para sa wala at kung anu-ano na agad ang nakikita niya. Tinungo ni Yumi ang banyo. Tiningnan niya ang sarili niya sa salamin. Natawa siya sa hitsura niya.
May malalim na eyebags, puro tigyawat, buhaghag na buhok, kalat-kalat na make-up. Dry lips, parisukat na hugis ng mukha. Tao pa ba 'to? Ito ang lagi niyang itinatanong kapag nakikita ang repleksyon sa salamin. Kahit naman anong gawin niyang pag-aayos ay wala pa ring epekto. Walang pagbabagong nagaganap sa mukha. 'Plain ogre.' 'Ugly troll.' Ilan lamang iyan sa bansag sa kanya simula highschool hanggang college. Lahat na ata ng uri ng panglalait ay narinig na niya. Isa lang naman ang dahilan kung bakit siya binubully. Kitang- kita sa salamin ang isang mahabang guhit na dahil sa isang kasalanang nagawa niya sa buhay niya. Pure ugliness. Her beautifully flawed face. Ang panglabas nyang anyo.
Hindi nga siya makapaniwala na nagawa niyang matapos ang kolehiyo ng puro masasakit na salita ang ibinabato sa kanya.
Miranda Clementir.
Iyan ang pangalang ibinasura ng lahat. Ang pangalang walang kakwenta-kwenta. Ang pangalang walang kagandahan sa katawan ang nagmamay-ari.
Matagal niya ng tinaggal sa buhay niya ang dating siya. Si Miranda. Siya na ngayon si Yumi. Bagong pangalan, bagong personalidad.
Sinubukan niyang baguhin lahat. Sinimulan niya sa pananamit. Hanggang sa dumating ang punto na pati ang ugali ay binago niya. Pero kahit anong gawin niyang pagbabago ay hindi pa rin nito matakpan ang dati nitong sarili, na siya ay si Miranda. Hindi Yumi. Sa tuwing tumitingin sa salamin, nakikita niya si Miranda sa loob ni Yumi. Isang babaeng pilit tinatakpan ang hitsura. Isang babaeng uhaw sa kagandahan.