Pamaskong Limos ng Batang Pulubi... Raf Echanova

102 0 0
  • Dedicated kay Mga Batang Kapus-palad
                                    

PART ONE

Nag-ring ang alarm clock. Napitlag si Zaldy. Biglang bangon.

"Pambihirang buhay ito." Pasigaw nyang sabi, deretso sa banyo. Kinukuskos ang ulo.

"Sorry mahal," si Elaine humahangos na pumasok sa kuwarto

galing ng kusina. Dala ang ternong unipormeng pinlantsa para sa asawa.

Lumagabog ang pinto ng banyo. Dagdag kaba sa ninenerbiyos nang si Elaine. Alam n'yang galit ito dahil ibinilin sa kanya ng asawa na gisingin siya isang oras bago tumunog ang alarma.

Hinagilap isa-isa ang pinaghubarang damit ng asawa nang umuwi kaninang madaling araw. Nagkalat sa sahig. Pantalon, medyas at polong uniporme.

Ugali na ni Elaine na dukutin sa mga bulsa ng pantalon at damit ni Zaldy ang mga laman nito. Minsan, may naiiwang konting barya, pera at mga resibo. Minsang nabulyawan siya nang humawa sa kanyang damit ang tinta ng naiwang bolpen. Hindi niya na check kaya nagsilbing leksyon sa kanya.

Nagulat siya nang may madukot siyang isang resibo. Binuklat nya ito. Binasa. Victora Court. Lahat ng tao alam ang Victoria Court  lalo na sa gawi ng Pasig. Hindi maikakaila ang logo: isang babaeng ang hintuturo ay nakatapat sa kanyang nguso at parang nagsasabing: "Shhh... wag kang maingay.

Hindi nga dapat mag-ingay si Elaine. Nag iba ang timpla ng kanyang pakiramdam. Parang may tumatahip sa kanyang dibdib. Animo'y may isang banda ng musikerong rumorondalya sa kanyang dibdib. Pakiramdam niya nakainom siya ng isang galong purong kape. Uminit ang buo niyang katawan.

Napabuntong hininga siya. Ano'ng ibig sabihin nito? Tanong sa sarili. Eh di may babae ang asawa mo. Sagot din n'ya sa sariling tanong. Bigla siyang natigilan.

Tumulo ang luha ni Elaine. Magkahalong emosyon. Parang naaawa sa sarili at panibugho sa asawa. Napahagulgol siya nang pigil. Nang maramdamang tapos nang maligo ang asawa, pinunas n'ya ang luha gamit ang maruming damit ni Zaldy. May naamoy s'ya. Pabangong pambabae. Masidhi ang amoy. Parang mamahalin. Bumalik sa alala n'ya ang amoy ng pabango. Gaya ng niregalo sa kanya noong anniversary nila dalawang taon na ang nakakalipas.

Bumukas ang pinto. Nakita ni Zaldy ang mapulang mukha ng asawa, pati na ang mga mata.

"Ano na namang drama ba yan?" Pasigaw n'yang sabi.

"Wala, napuwing lang ako," kaila n'ya.

"Mahihiya sa 'yo ang artista. Puro ka drama." 

Hindi na lang umimik si Elaine. Sa gilid ng kanyang mga mata, kitang kita niya ang hubad na katawan ng asawa. Pinagmasdan niyang maigi ito. Hindi nga malayong may mahumaling kay Zaldy. Maayos ang pangangatawan. Naaalagaan ang sarili. Bumalik sa kanyang ala-ala ang huling gabing pumanhik sila sa glorya. Limang buwan na ang nakakaraan. Umuwing lasing si Zaldy. Gusto n'yang umuuwing lasing ang asawa kung minsan. Agresibo ito. Malambing. Mapusok. At nagsalo sila sa glorya nung gabing iyon. Pero hindi na nasundan. Limang buwan na. Bilang na bilang n'ya ang bawat araw at linggo.

"Yung iskul ni Mahdie okay ba?" Tumango lang siya.

"Si Dexter, me baon pa?" Tanong uli. Tango lang din siya.

"Malayo ang ruta ko ngayon; malamang bukas na ko makauwi."

Nang matapos magbihis akmang hahagkan ni Elaine pero umiwas ang asawa. Pasupladong umalis deretso sa maliit nilang garahe. Napahiya s'ya sa sarili. Sinundan lang ng tingin ang asawa. Maya maya pa, umarangkada na ang kotse nilang second hand. 

Nilinga ni Elaine ang paligid ng kanilang munting bahay. Alam niya na maghapon na namang walang pahinga. Sa isang sulok ay ang maliit nilang Chrsitmas tree na kakukuha lang niya sa cabinet na kung saan niya itinago noong isang taon.. Naroon din ang ilang kulatay ng Christmas lights na sana ay natapos na niyang gawin kahapon. Hindi na niya naharap sa sobrang daming ginawa. Inilagay na lang muna sa isang tabi ang mga ito. Kalahatin na ng Oktubre pero hindi pa niya natatapos gawin.

Pamaskong Limos ng Batang Pulubi...   Raf EchanovaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon