Minsan tinatanong ko kung paano nga ba tayo nagsimulang dalawa?
Paano nga ba nagsimula tayong dalawa, ang tayong dalawa.
Hindi ko na yata maalala kung paano ba?
Pero naalala ko minsan ako ay mag-isa.
Hanggang dumating ka
Dumating ka, walang pasabi na magnanakaw ka pala.
Nanakawin mo pala ang aking pag-iisa.
Ang ang aking pag-iisa na tila naging kwento na ng aking buhay...
Kasama niyon ay ang aking kalungkutan sapagkat pinatawa mo ako.
Pinangiti at pinasaya
Mula noon, nakalimutan ko na ang mag-isa, pagkat kasama na kita.
Kasama na kita.
Kasama na kitang tumawa, kasama na kitang kumain.
Kasama kita.
Kasama kitang tumingala sa langit.
Kasama kitang natulog sa ilalim ng mga nagliliwanag na mga bituin.
Kasama kita.
Kasama kitang bumuo ng mga pangarap.
Kasama kitang bumuo ng ating mumunting tahanan.
Kasama kita.
Kasama kitang lumuha, sa bawat problemang magkasama nating hinarap.
Kasama kitang tinawag na inay ang aking ina at ama ang iyong ama.
Ngunit naalala ko, kasama rin pala kita noong gumuho na ang aking mundo.
Pagkat ang kasama kita ay naging alaala na lamang.
Hindi mananakaw, ngunit hindi ko rin na mapupuntahan.
Ang kasama kita, ay isa na palang kabanatang natapos na.
Ngayon, paano nga ba ako mag-sisimula?
Magsisimulang mag-isa?
Mag-isa na muli ako.
Nawala na dati ang mag-isa lang ako.
Ngunit ngayo'y muli niya akong dinalaw upang sabihing kasama mo ako.
At muli ka nang mag-iisa.
Paano kong haharapin ang mga araw na nakasanayan kong ikaw at hindi ang mga unan ng alaala mo ang kasama.
Ikaw at hindi ang mga unan na lamang ang kasiping ko sa gabing malamig.
Ikaw at hindi ang mga unan na lamang ng mga masasayang araw na kasama ka.
Ngayon, dapat siguro ay malunod na muli ako sa aking sariling baha.
Baha na sanhi ng mga luhang pinaagos para hugasan ang damdaming nalunod na.
Nalunod na nga ba? O malulunod pa lamang?
Kahit ano pa man, gusto kong matutunang muli ang simula.
Ang simula ng aking muling pag-iisa.
Hanggang sa huli kong simula, sana. Sana.