Prologue

6.2K 116 12
                                    

A/N: The story has not yet been edited kaya kung may ma encounter po kayo na maling grammar at mga typos, please do pm me so I could fix it. Sana po ay magustuhan ninyo ang story na ito..

****************

"Hello, Albay! I'm  home at last!" masayang wika ni Leester habang papalabas sa airport.

Walang pasidlan ang tuwang nadarama niya dahil after five years, nakabalik na rin siya sa kanilang probinsya. Sa katunayan, kaninang madaling araw pa lumapag ng Manila ang eroplanong sinakyan niya galing New York subalit naisipan niyang tumuloy muna sa kaniyang condo sa Makati para kumustahin ang kaniyang kapatid. Ang kapatid niya kasi ang tumira muna doon habang nasa ibang bansa siya.

Bitbit ang isang di kalakihang maleta, mabilis niyang tinungo ang nag-aantay na taxi. Hindi na kasi siya nag-abala na magpasundo sa kanilang driver dahil balak niyang sorpresahin ang kaniyang mga magulang.

Hapon na nang makarating siya mansiyon. Mabilis siyang bumaba nang huminto ang taxi sa harap ng kanilang bahay, ngunit napatda siya sa kaniyang kinatatayuan nang umalingawngaw ang sunod sunod na putok ng baril na nanggagaling sa loob ng kanilang bahay.

Agad siyang binalot ng takot ngunit naroroon pa rin ang pagiging alerto niya sa mga ganoong sitwasyon. Nagmasid-masid muna siya sa paligid, at nang makita niyang walang tao ay marahan niyang binuksan ang gate para makapasok sa loob.

Marahan niyang tinungo ang bintana para silipin kung ano ang nangyayari sa loob. Nagtagis ang mga bagang niya sa nakita! Galit ang kaniyang naramdaman habang pinagmamasdan kung paano pinapahirapan ng dalawang lalaki ang kaniyang ama.

Gustong gusto na niyang pumasok sa loob para tulungan ang kaniyang ama subalit napansin niya na may nagbabantay sa main door kaya naisipan niyang dumaan sa likod ng kanilang bahay.

Pumihit siya para pumunta sa likod-bahay nang maramdaman niya ang malamig na bagay sa kaniyang batok.

"Saan ka pupunta?" tinig iyon ng isang lalaki. Sinubukan niyang lumingon para makita kung sino ang nasa likod niya nang bigla niyang maramdaman ang tila isang mabigat na bagay na dumapo sa kaniyang ulo.

Patihaya siyang bumagsak sa lupa kaya nagkunwari siyang nawalan ng malay.

"Parehas talaga kayong mag-ama, ang titigas ng ulo ninyo," saad ng lalaki at itinutok ang hawak na baril sa kaniyang ulo.

Hindi na siya nag-aksaya ng oras mabilis niyang hinuli ang kanang kamay nito na nakahawak sa baril at pinilipit, kaya tumilapon ang baril sa 'di kalayuan.

Nang akma niyang susuntukin ang lalaki sa tagiliran, mabilis nitong nahuli ang kamay niya at inundayan siya ng sunod-sunod na suntok sa panga at dibdib. Namimilipit na siya sa sakit ngunit walang awa ang lalaki. Mabilis itong tumayo at pinagsisipa siya.

"Kung ibinigay lang sana ng ama mo ang nais namin...pero wala, eh. Masyado kayong tuso," narinig niyang wika nito. Naroon ang pait at panghihinayang sa boses nito.

Dala na rin ng pagod sa biyahe,  mabilis siyang nanghina. Umaagos na rin ang dugo mula sa gilid ng kaniyang bibig, ngunit 'di niya ito alintana, pinilit niya pa ring tumayo. Hindi pa siya nakakatayo nang maayos nang bigla na naman siyang suntukin at sipain. Sa lakas ng sipa nito, tumilapon siya kung saan tumilapon 'yong baril kanina.

Halos 'di na siya makagulapay sa sakit ngunit iniisip niya ang kaniyang ama na nasa loob ng kanilang bahay. Kailangan niya itong iligtas.

Mabilis siyang nilapitan ng lalaki para sipain uli ngunit napansin niya ang baril, kaya mabilis niya iyong kinuha at itinutok sa lalaking nagpahirap sa kaniya.

Matapos kalabitin ang gatilyo ng baril ay agad ding nalagutan ng hininga ang lalaki. Narinig din niya ang dalawang putok ng baril sa loob ng bahay nila kasabay ng pagkarinig niya sa boses ng kaniyang ama na tila humihingi ng tulong.

Ilang segundo lang ang dumaan, mabilis na tumakbo palabas ng bahay ang dalawang lalaki kaya naman pinaputukan niya ito at natamaan ang isa. Bumulagta ito sa kalsada habang 'yong isang lalaki ay mabilis na sumakay sa naghihintay na kotse at mabilis iyong pinaharurot palabas ng gate. Papalabas na sana siya ng gate para habulin ang kotse ngunit naalala niya ang kaniyang ama. Nangangailangan ng tulong ang kaniyang ama. Kailangan niya itong madala sa ospital sa lalong madaling panahon.

Mabilis siyang pumasok sa loob ng mansiyon para daluhan ang ama subalit nadatnan niya itong nakabulagta sa sahig. Walang malay habang umaagos ang masaganang dugo mula sa dibdib nito. Wala na rin itong hininga kaya labis na nabahala si Leester. Galit ang nadarama niya sa mga lalaking pumasok sa bahay nila.

Habang yakap niya ang ama, ay hindi niya maiwasang isigaw ang galit na nararamdaman.

"Magbabayad kayong lahat!"

"Pagbabayaran ninyo ang ginawa n'yo sa Papa ko!"  sigaw niya at nagtagis ang kaniyang mga bagang sa sobrang galit.

Papalubog na ang araw subalit ang sigaw ng pagtangis ng isang anak ang maririnig sa apat na sulok ng mala palasyong bahay na iyon.

************

Please vote and comment kung nagustuhan po ninyo ang story..

Thank you....


















...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon