Nicole - December 31, 2011, 11:59 PM, 20 seconds left
Hindi pa Bagong taon eh nagsisimula nang magpaputok ang ilang kapitbahay namin. Andaming nagpapaputok; may fountain, mga kwitis, mga watusi, may mga grabe kagaya ng sinturon ni hudas, super lolo. Nandyan din yung mga batang tapon ng tapon ng piccolo.
Napatingin ako sa kalangitan. Sa kabila ng ingay at usok, napakaganda ng kalangitan. Napakadaming tala na sinasabayan ng makukulay na mga paputok.
Mukhang magiging masaya din naman pala ‘to.
Tinignan ko ang cellphone ko.
Malapit nang mag bagong taon, kaunti na lang, kaunting-kaunti na lang. At nagsimulang sumigaw ang mga tao sa paligid ko.
10!
Mukhang hindi na maiiwasang ganito ang mangyayari sa akin. Akalain mo ‘yun? Haharapin ko ang bagong taon na ganito ang lagay ko?
9!
Kasalanan ko naman eh. Katangahan ko rin ‘to. Epekto ng pagkilos nang wala sa sarili. Buhay nga naman.
8!
Pero kahit naman isisi ko sa sarili ko ang lahat ng kasalanan sa mundo, kahit na aminin ko sa sarili kong ako din ang dahilan nitong pagiging malungkot ko, iisa lang naman ang dahilan ko.
7!
Iisa lang naman ang dahilan naming lahat.
6!
I never thought that it would be this complicated.
5!
Weird ‘no? Na sa tinagal-tagal naming magkakasama eh mauuwi sa ganito, at saktong sa bagong taon pa.
4!
Mas lumalakas ang mga sigaw ng mga tao. Nagkalat ang lahat sa daan, sa gitna man o sa gilid nito. Mga nagpapaputok at mga nanunuod.
3!
Umihip ang malakas na hangin…
2!
Ito na…
1!
At pumatak ang bagong taon habang tumutulo ang luha mula sa aking mga mata…
