Nicole - December 30, 2011, 6:02 AM - Batangas
Dalawang oras na lang at nasa Calapan na naman ako. Madami na akong nabasang mga libro na tungkol sa comeback. Sa mga pagbabalik makalipas ang matagal na panahon. At sa lahat ng nabasa ko, palaging masaya at excited ang lahat ng mga tauhan ng mga kwento kapag bumabalik sila makalipas ang kanilang paglalakbay.
Taliwas ‘yun sa nararamdaman ko ngayon.
Oo nga’t sasalubungin ako ni Jane, ni Migs, at ng buong tropa.
Pero ‘yun nga ‘yung problema eh.
Yung buong tropa ang sasalubong sa akin. Ibig sabihin, kasama SIYA.
At kasama din yung babaeng ‘yun.
Alam kong three weeks na ang nakalipas simula ‘nun. Pero hindi pala sapat yung three weeks para makalimot. Hindi pala basta-basta makakalimutan yung mga bagay na tumatak sa’yo.
Nang pumatak ang 6:15 ay nakasakay na ako sa barkong magdadala sa akin pabalik.
Dumiretso ako sa taas, kung saan walang tao at tanging ang hangin at ang karagatan lang ang makakasama ko. Napatingin ako sa malayo, sinusubukang tanawin ang Calapan kahit na alam kong matagal-tagal pa ang byahe.
…
Mabilis na lumipas ang oras. Hindi ko namalayang huminto na ang barko at nagsimula nang magsibabaan ang mga pasahero. Nagsimula akong bumaba sa hagdan. Nang makababa ako eh huminga ako ng malalim. Hindi ko maipaliwanag, pero yung hangin na hininga ko eh nagsasabi sa katawan kong nasa Calapan na nga ako.
“I’m home.”
At ‘yun yung pinaka-nakakatakot na parte. I’m home.
Naglakad ako papalabas at nakita ang mga pamilyar na mukhang nakatitig sa akin. Tinuro ako ni Jane at sumigaw siya papalapit sa akin.
“Nicole!”
Huminga akong muli at pinilit ngumiti kahit na nagsimulang tumibok ng sobrang bilis ng puso ko.
“Jane!!”
Sinalubong niya ako ng yakap. Mahigpit at mainit, kagaya ng dati. Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko.
“Tara Nicole, namis ka namin!”
Hinawakan niya ang kamay ko at hinila papunta sa barkada.
Tinignan ko isa-isa ang mga mukha nila.
Nakatayo malapit sa van si Levi. Katabi niya si Tope na sigaw ng sigaw habang papalapit ako. Nasa kaliwa niya si Steph na pinipilit ding ngumiti kahit na mukhang bad trip at si-
si Danica.
Wala siya? Buti naman. Pero nasaan si-
“Nic, welcome back!” at niyakap ako ni Tope.
“Salamat.” sagot ko.
“Kamsuta naman ang Manila?” tanong ni Steph.
“Ok naman, polluted pa rin.”
“It’s good to have you back Nicole.” sabay tapik sa ulo ko.
“Balita ko nagbakasyon ka din eh.” at tinanggal ko ang kamay ni Levi.
Napalingon ako kay Danica. Nagkatitigan kami saglit pero kaagad kong binawi iyon.
“Hayaan mo na siya Nicolle. Tara, lalabas tayo. Ililibre kita.” niyakap ako ni Jane at sabay kaming pumasok sa van. Uupo na sana ako nang biglang may humawak sa braso ko.
“Kulit, dito ka sa harapan.”
Hindi ko inaasahan pero napangiti ako nang marinig ko ang boses na ‘yun. Na narinig ko yung “kulet.” Lumingon ako at niyakap ang taong alam kong makakapagpagaan ng loob ko, kahit papaano.