Paano kung iniwan ka ng taong mahal mo? Paano kung bumalik siya? Paano kapag nalaman mong bumalik siya para lang sabihin na iiwan ka na niya? Na iiwan ka na niya ulit?
**
Narito ako ngayon sa ilalim ng puno kung saan kita unang nakita. Ito rin ang puno kung saan tayo nagkakilala. Ito ang lugar kung saan tayo nangako sa isa't isa na ang pag-iibigan natin ay hindi magbabago. Ngunit ngayon, pakiramdam ko ay unti unti nang naglalaho.
'Nasaan ka na? Bakit bigla kang nawala?'
Ang mga tanong na iyan ang pumapasok sa isip ko sa tuwing inaalala ko ang mga panahon na kasama pa kita. Mga panahong sabay nating hinarap ang problema sa buhay.
Naramdaman ko ang paglamig ng simoy ng hangin. Dumilim ang langit na para bang may nais ipahiwatig. Natagpuan kita sa sanga ng puno at nakita ko kung paano ka bumagsak mula rito. Kinuha mo ang kamay ko at dinala sa maraming paro-paro at bulaklak dahil alam mo kung gaano ko kagusto ang mga ito. Pumitas ka ng isang puting rosas at inilagay ito sa tenga ko. Nagulat ako sayo dahil sa dinami-rami ng kulay ng rosas, ay bakit puti pa ang pinili mo.
Ipinatong mo sa balikat mo ang pasamado kong mga kamay. Ikinagulat ko nang dahan-dahan kang sumasayaw. At kahit magmukha tayong engot ay nakisabay ako sa trip mo. Sumayaw tayo nang sumayaw kasabay ng malakas na buhos ng ulan.
"Maligayang kaarawan." Wika mo.
Ah, nakalimutan ko, kaarawan ko nga pala ngayon.
"Pasensya ka na. Iniwan kita nang walang pasabi." Ang dagdag mo pa.
"Ayos lang. Basta huwag ka nang aalis ah." Ang sabi ko naman.
Sumimangot ka. Kumuha ka ng dalawa pang puting rosas at ibinigay ito sa akin. Teka, may burol ba? Burol ko ba ngayon?
Hindi ko alam kung anong dapat kong maging reaksyon sa sinabi mo.
Bigla na lamang umagos ang luha ko nang sabihin mong,
"Paumanhin ngunit hindi ako magtatagal. Kailangan ko nang umalis. Ayoko mang lisanin ka, ngunit hindi tayo nararapat para sa isa't isa. Binigyan kita ng tatlong puting rosas upang ipahiwatig na 'Malaya. Ka. Na.' At bakit puti? Dahil nais kong maging mapayapa ang iyong pamumuhay. Nawa'y hindi mabahiran ng poot at galit ang iyong puso. Maligayang kaarawan at paalam."
At sa mismong araw ng kaarawan ko, tuluyan ka nang naglaho. Nalaman kong isang multo pala ang minahal ko.
Malakas pa rin ang ulan, ngunit wala akong nararamdaman ni isang patak. Nilingon ko ang aking likuran. Dahilan upang makita ko ang isang lalaking may hawak ng payong."Magkakasakit ka kapag hindi ka pa umuwi ng bahay niyo. Gusto mo samahan na kita pauwi?" Ang sabi niya.
Tinitigan ko lang ang kanyang mukha. Tumayo ako at pinisil ang pisngi niya.
"Ahh! Ang sakit nun ah!"
"S-Sorry! Akala ko kasi multo ka."
Ngumiti siya.
"Ako nga pala si Elias."
Ngunit laking gulat ko nang bigla siyang nawala. Hinanap ko siya hanggang..
"Kia! Tita, gising na po si Kia!"
Siya ang lalaki kanina.
"Ako 'to si, Eli." Ang sabi niya. "Ako ang asawa mo. Ilang linggo kang comatose. Salamat naman at nagising ka na."
Ibig sabihin ba noon na panaginip lang ang lahat?
"Wala ka bang nakitang lalaking pumasok dito?"
"Wala, bakit? Huwag mong sabihing nakita mo ang Diyos?"
Hinampas siya nung babaeng tinawag niya kaninang Tita.
"Naku, anak. Pagpagpasensyahan mo na itong batang ito. At 'wag kang maniwala sa sinabi niyang asawa mo siya dahil hindi PA nga nagiging kayo."
"Tita naman eh, hindi ako nabasted. Na- Waiting-for-the-right-time-zoned lang ako."
"Asus. Ganun na rin 'yon."
Nagulat ako nang may nakita akong tatlong puting rosas sa table.
"K-Kanino po nanggaling itong mga rosas?" Tanong ko, nagbabakasakaling makita kitang muli.
"Ah, iyan ba? Ilang linggo na iyan diyan sa lamesa. Nakakapagtaka nga at hindi nalalanta."
"Ganoon po ba?"
"Pero siguro galing iyan kay Pierre."
"Pierre?"
"Siya raw 'yung dating pasyente sa silid na 'to. Sa pagkakaalam ko, namatay siya sa sakit na cancer at punong-puno ng puting rosas ang silid noong namatay siya."
Ang sama sama mo. Pierre pala ang pangalan mo. Hindi mo man lang sinabi sa akin. Pero salamat sa iyo, Pierre. At nakilala ko siya. Nakilala ko si Eli.
Hindi man nagkaroon ng 'tayo'. Magkakaroon naman ng 'kami' dahil ginising mo ako. Ginising mo ang natutulog kong puso.
Salamat sa mga rosas at sa mga alaala.
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
RandomCollection and compilation of one shot stories written by CelestialDiossa since 2014 (her jeje days). Highest rank: #80 - one shot stories