Alapot at Alimusom

2 0 0
                                    

Sa mundong patuloy na nagbabago, marami tayong nararanasang maganda at hindi maganda. Mula pagkabata, maraming pagbabago ang nangyayari sa ating pisikal na kaanyuan at katangian. Maging ang ating boses ay maaari ring magbago. Gayunpaman, ang ating mga kinaugalian ay mahirap nang itama at baguhin lalo na kung ito ay nakasanayan na.

Ating saksihan ang buhay ni Debrina Lauré Valiente sa kanyang paglanghap ng alimusom mula sa kanyang kasuotang kalauna'y naging alapot. Alapot na maihahalintulad sa kanyang pag-uugali.

**

"Mayroon pong diperensya sa pag-iisip ang pasyente." Sambit ng doktor.

"Mukha ba akong may pakialam sa sinasabi mo? Hala sige, umalis ka na. Dami mo pang satsat eh." Naiinis na lumabas ng klinika si Debri at napiling pumunta na lamang sa kinaroroonan ng kanilang negosyo.

Bilang isang fashion designer, hilig na ni Debri ang pagkokolekta ng mga materyales para sa kanyang pagtatahi. Subalit, lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang na ang ilan sa mga ginagamit ng dalaga ay mula pala sa kanilang negosyo.

Ang mga magulang ni Debri na sina Ginang Demetria at Ginoong Loreto Valiente ay lumaki sa hirap. Bagama't pinagkaitan sila ng tadhana, sa kanilang palagay ay maswerte pa rin sila sapagkat pinagkalooban sila ng masiglang anak na babae. At nang ipanganak si Debri, lumago rin ang kanilang negosyong patahian. Hindi nagtagal ay nakapagpatayo sila ng sariling bahay na tila kasinglaki ng mansyon. Ang kanilang lupain ay sadyang napakalawak din kung kaya't marami silang tauhan upang pangalagaan ang kanilang mga pananim at alagang hayop. Ang lahat ng ito ay ipinagpapasalamat nila sa Diyos at sa kanilang nag-iisang anak.

Ngunit sadyang mapaglaro ang kapalaran. Kung noon, ang mag-asawa ay butas ang mga bulsa pero may mabuting asal, ngayon, ang kanilang anak ay nag-uumapaw ang biyaya pero may maitim na budhi.

"Hoy, ikaw! Bigyan mo nga ako ng mainit na kape." Malakas na sigaw ni Debri mula sa labas matapos iparada ang kanyang sasakyang Mercedes Benz C300 Cabriolet. Talagang paborito na ng dalaga ang mga kapeng inaalok sa Toffee Coffee Mallows, isang tanyag na kapehan sa buong Pilipinas.

Kaagad namang naghanda ng double shot espresso ang isang empleyado at dinala sa lamesa ni Debri.

"Ugh! Bakit mas masarap 'yung dati kumpara rito?" Hindi nag-aatubiling ibinato ni Debrina ang tasa. "Ay! Nabasag ko. Pasensya na. Pakilinis na lang."

"At oo nga pala. Bigyan niyo ako ng refund o kaya nama'y bigyan niyo ako ng mga best seller ninyo para naman hindi masayang 'yung pagpunta ko. Saka, VIP ang pamilya ko rito tapos ganito serbisyo niyo?" Dagdag pa ni Debri.

"Ma'am, hindi po–"

"Unang salita mo pa lang, hindi ko na nagugustuhan! Nasaan ang manager dito?!"

Maya-maya pa'y dumating din ang manager ng kapehan sapagkat narinig nito ang sigawan. Nang makita siya ni Debri ay nilapitan niya ito. "Ano pong problema?"

"Ibalik niyo ang pera ko o bigyan niyo ako ng kahit anong compensation. Ngayon din! Dalhin niyo sa veranda lahat!"

Dahil sa posisyon ng pamilya Valiente sa industriya ng pagnenegosyo, walang nagawa maging ang manager. "Mukhang malaki ang ikakaltas sa kita ko ngayong buwan ah." Hindi niya napigilang magbuntong hininga.

Lihim na napangiti si Debri sapagkat hindi na naman niya kailangang gastusin ang kanyang pera para makuha ang kaniyang mga gusto. Sinuri niya ang laman ng kanyang pera sa bangko at napagdesisyunan niyang mangibang-bansa. Tila umuulan ang pera para sa kanya. Hindi niya kailangang magpakahirap pa para kumita para sa sariling kapakanan.

Pagkatapos ng ilang buwang paninirahan sa Europa, nakilala niya si Chase Guillebeaux. Dahil sa angking kakisigan ng binata, nahumaling kaagad si Debri sa una nilang pagkikita. Ilang beses din silang lumabas para mas makilala pa ang isa't isa.

Kung ang pangalan at ugali ni Debri ay maikukumpara sa basura o debris sa wikang Ingles, ang pangalan at katangian naman ni Chase Guillebeaux ay may kahulugan din. Si Chase ay habulin ng mga babae kahit na isa siyang gilbo o lalaking bastos at walang-galang sa kung sinuman. Ito ang isang bagay na hindi alam ng mga babaeng nagkakagusto sa kanya: ang tunay niyang kulay.

At dahil walang alam sa katotohanan, nabulag si Debri sa pagmamahal. Hindi niya nakita ang tunay na pagkatao ni Chase kung kaya't ikinasal pa silang dalawa. Nakalulungkot isiping ang una at huling anak ng mag-asawang Valiente ay hindi ang una at hindi rin magiging huling asawa ni Chase. Hindi pa man naiisilang ni Debri ang kanilang anak ni Chase ay nahuli niya itong may kasamang ibang babae. Ang mas nakakapanlumo pa, hindi lamang pala ito ang unang beses na nakipagkita ang lalaki sa iba't ibang mga babae. Sa tuwing maglalakbay ang mag-asawa, humihiwalay si Chase upang magbigay kasiyahan sa iba.

Naging matindi ang pag-aaway nina Debri at Chase hanggang sa nauwi ito sa hiwalayan. Dulot ng labis na pagdaramdam, bumitaw ang bata sa sinapupunan ni Debri. Ang anim na buwang nakalipas ay puno ng pagtitiis. Subalit sa isang iglap lamang ay nawalan ng saysay.

Nanumbalik ang pagka-adik ni Debri sa kanyang bisyo.

"Kung hindi ako swerte sa pag-ibig. Dito ko na lamang isusugal ang buhay ko."

Naubos ang lahat ng perang mayroon ang babae kaya't bumalik sa Pilipinas upang muling makasama ang mga magulang.

"Tuluyan na pong nalugi ang kompanya. Maraming mga kasosyo ang umurong. Nalubog po sa utang ang inyong mga magulang ngunit ayaw nilang ipaalam sa inyo ang kalagayan nila."

Humagulhol sa pag-iyak si Debri nang malamang wala na ang kanyang mga magulang. Maya-maya pa'y nakatanggap siya ng malakas ng hampas mula sa kanyang tiyahin.

"Aba! Baka nakakalimutan mo ang utang niyo sa akin?!"

Sinubukang pakalmahin ni Debri ang kanyang Tiya Glorieta. Nagtungo ang dalawa sa bangko, nagbabakasakaling may natitira pang pera mula sa kanyang savings account. Sa kasamaang palad ay dormant account na pala ito. Kahit loan ay hindi rin aprubahan lalo na't wala na siyang trabaho. Nagwala at nagsisigaw si Debri. Dahil ilang araw nang hindi kumakain at natutulog, nawalan ito ng malay at bumagsak sa sahig.

"Mayroon pong diperensya sa pag-iisip ang pasyente." Sambit ng doktor.

Marahil ay may mga tao pa ring mabubuti ang kalooban. Dinala ng mag-asawang sina Demara at Lorenzo Argente ang walang malay na si Debri. Doon nila nalamang may schizophrenia pala ito.

Sa katunayan, lumaki sa hirap si Debri. Sa tabi ng tambakan ng basura siya nanirahan mula pagkabata kaya't alapot ang kanyang mga damit. Hindi totoong mayroon siyang mapagmahal na magulang sapagkat lumaki siyang wala ang mga ito. Sina Demetria at Loreto Valiente ay nilikha niya lamang mula sa katauhan ng nina Demara at Lorenzo Argente. Si Debri ay isang mananahi at amo niya ang mag-asawa.

Si Chase ay kathang isip lamang din sapagkat ang kaniyang naging asawa ay basagulero at mapanakit. Nagkaroon sila ng dalawang anak na lalaki ngunit binawian ng buhay ang bunso dulot ng pambubugbog ng asawa ni Debri.

Isa sa sintomas ng schizophrenia ang grandiose delusions na siyang nagkukumpirmang may sakit sa pag-iisip ang babae. Dahil sa hindi magandang karanasan ni Debri mula noong siya ay bata pa lamang, naging mapagmataas siya sa lahat. Sa tingin niya ay siya ang reyna. Dapat siya ang sinusunod. Para sa kanya, siya ang pinakamaganda, pinakamagaling, at pinakamayaman.

Ipinakilala niya ang sarili bilang Debrina Lauré "Debri" Valiente. Ngunit hindi iyan ang tunay niyang pagkakakilanlan.

Siya ay si Sampaguita Bartolome, isang alipin ng lipunan at isang pulubi sa aruga at pagmamahal. Ang kanyang pagsilang ay parang alimusom ng bulaklak na sampaguita. Siya ay nagdala ng pag-asang maaaring maging marahuyo ang daigdig.

Subalit sa marahas na mundo ng kahirapan, marami kang pagdadaanan. At may pagkakataong sa hagupit ng kapalaran, ikaw ay mapag-iiwanan. Sa sitwasyon ni Sampaguita, ang mga karanasan niyang nais ibaon sa limot ay nagdala naman ng mga guni-guning mas lalong nagpahirap sa kanya.

Hindi lahat ng nakikita ng mata ay totoo. Walang sinuman ang may karapatang manghusga. Ang lahat ng tao ay ipinanganak na may malinis na puso. Tanging ang kapaligirang kinalakihan at ang mapangmatang lipunan ang nag-uudyok sa taong gumawa ng bagay na hindi nararapat gawin.

Ito ang alapot at alimusom ng buhay ni Sampaguita. Naamoy mo ba ang kanyang kapalaran?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 30, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon