Ngayon ko lang napatunayan na napaka unfair pala talaga ng buhay.
Ngayon alam ko na yung pakiramdam ng mga bangkong basketbolista sa twing mumuntikan nang maishoot nang ace player nila yung 3-points na magpapapanalo sana sa kanila. PAASA. Yung pakiramdam ng mga pasmadong karpintero kapag napupukpok nila yung daliri nila. MASAKIT.
At yung nararamdaman ko. Parang karpinterong nagbabasketbol na hindi naipasok yung winning shot nya dahil napukpok nya yung kanyang daliri. SOBRANG MASAKIT AT TRIPLENG PAASA to the nth power. Para akong batang uhaw sa kaligayahan na pinagkaitan ng isang simpleng regalo mula kay Santa.
Akala ko ok ang lahat, hindi pala. Akala ko yun na, pero di pa pala. Ang masaklap nun, ako mismo ang may kagagawang kung bakit pinagdadaanan ko ang lahat ng ito ngayon. Kung hindi ba naman ako saksakan ng tanga. Assuming lang ba akong galit sya? Magagalit kaba kung sabuyan ka ng secret potion a.k.a baha, ng kung sinong abnormal na tao? Baka naman may chance na natuwa sya sa isang banda. Sa bandang panaginip at ilusyon.
Siguro nga simpleng bagay lang iyon. Siguro nga hindi ko sinasadya ang mga nangyari, pero hindi ko parin maiaalis na AKO ang may kasalanan. Ganito ata ang pakiramdam pag nabasted ka kahit hindi ka pa nga nagsisimulang manligaw. Yung pakiramdam na mag break kayo kahit tila malabo pa sa tubig kanal na naging kayo. MAGULO. MASAKIT na ewan.
Parang binabangungot ako gabi gabi kapag ipinipikit ko ang aking mga mata sa twing matutulog na ako. Nakikita ko kasi ang blanko nyang mga tingin, yung basa nyang buhok, damit at pantalon, yung muka nyang hindi maipintang mistulang abstrak painting na sinawsaw sa toyo. Parang the grudge. Joke lang. Cute padin syempre.
Hindi naman sa matatakutin ako, pero nakakadurog lang siguro talaga ng puso na maisip na yung matatamis na ngiti at maamong nyang mga mata na naka double sided tape sa memorya ko ay napalitan na ng ganito kasaklap na tagpo. Na yung mga gabing kinikilig ako dahil sa kanya ay napalitan na ng mga gabi ng lagim.
Hindi ko rin alam kung dapat ko nalang ba syang kalimutan o dapat ko bang ipagpatuloy ang paghahanap ko sa kanya. Bumawi. Minsan pa nga, kumakausap ako ng mga kulisap. Nag babakasakaling sila pala ang mag bibigay liwanag sa nababaliw kong puso.
Bakit ba kasi ako ganito makareak sa mga nangayari sa paligid ko. Nakasakay ko lang naman sya sa pedikab. Nagkatinginan. Nagkangitian. Normal lang naman yun diba?? So bakit ako nag kakaganito ngayon? Bakit parang may nararamdaman na agad ako para sa kanya? Baka nga wala lang sa kanya ang lahat ng nangyari nung gabing yun eh. Malay natin baka pala-ngiti pala talaga sya since Grade 1 at ako lang talaga yung nag bigay ng meaningful meaning ng nginitian nya ako. Baka nga hindi nya ako namukaan sa mga eksenang yon eh. Siguro hindi nya ako nakita kasi maitim ako??
Pero isa lang ang sigurado ako. Tandang tanda nya ang pagmumuka ko nung gabing halos sabunin ko ng kahihiyan at paliguan ko sya ng tubig kanal. At malamang baka meron na syang mini-manika sa kwarto nya't gabi gabi akong isinusumpa. Muka pa naman ding bago yung suot nyang pantalon at muka ring galing pa sya sa gimik noon at ako ang dahilan kung bakit nasira ang gabi nya.
RISE AND SHINE!!!
Sinisigaw ko lagi dati sa twing gigising ako. Kulang nalang ay mag tutumbling ako habang kumakandirit sa ere sa sobrang siglang aking nadarama. Gumigising akong masaya noon dahil para sakin, ang bawat pag sikat ng araw ay panibagong pagkakataon para masilayan kong muli ang aking prinsesa.
Pero ng umagang 'yon, ewan ko ba. Nakakatamad bumangon. Ang bigat ng katawan ko. Nakatulala lang ako sa kisame kahit wala naman kami nito. Malayo ang lipad ng utak pero walang eksaktong iniisip.Napilitan lang akong bumangon nang katukin nako ni nanay para hindi ako malate sa puccang'inang 7am class ko.
Pagkalabas ko ng kwarto, nakita ko agad sa sala ang pink na payong na naiuwi ko kagabi. Remembrance ng isang karumal dumal na krimen kung saan ako ang prime suspect.