Busy si Elvyne sa pagsusulat ng kanyang nobela. Break time nila sa trabaho ng oras na iyon kaya naisipan niyang doon na lang sa cafeteria ipagpatuloy ang pagsusulat ng kanyang nobela habang kumakain. Isang call center agent si Elvyne, at katulad ng mga katrabaho niya doon, na-engganyo siyang pasukin ang ganitong trabaho dahil sa laki ng binibigay na sahod dito.
“Elvyne, my friend.”, tawag sa kanya ng kaibigang si Xyrylle nang makita siya nito.
“Oh, bakit?”, nagtatakang sagot niya.
“Ano ka ba?! Malapit ng matapos ang break time natin, gusto mo bang ma-late sa pagpasok? Bumalik na tayo sa station natin. Ayokong makipagunahan at makipagsiksikan sa elevator.”, sagot nito.
Doon niya lang napansin na nagsisi-alisan na din ang ibang mga empleyado sa cafeteria.
“Naku, pasyensya ka na, hindi ko kasi namalayan ang oras.”, paumanhin niya sa kaibigan habang nag-aayos ng kanyang gamit.
“Sige, mauuna na ako sa may elevator, bilisan mo na lang at sumunod ka na agad.”, sabi nito saka naglakad papunta sa elevator area.
“Sige, susunod na ako.”, nagmamadaling sabi naman niya.
Apat ang elevator sa kanilang kumpanya, ngunit sa dami nilang nagtatrabaho doon, hindi maiiwasan ang mag-unahan at magsiksikan sila makasakay lang dito.
Medyo marami ng tao ang naghihintay sa may elevator area ng dumating siya kaya agad niyang hinanap ang kaibigan.
“Andito ako, Elvyne.”, tawag sa kanya nito habang kumakaway. Nasa may bandang unahan ito. Lumapit siya dito.
Naisipan niyang ayusin ang sarili habang hinihintay na bumukas ang elevator sa harap nila. Nanalamin siya upang tignan kung maayos pa ba ang make-up at buhok niya.
Naalis bigla ang kanyang pansin sa ginagawa ng mapansing nagkakagulo ang mga tao sa paligid niya. Ang iba ay impit na tumitili at ang iba naman ay kinikilig. Nang lingunin niya ang mga ito ay namangha siya sa lalaking nasa gawing likuran, na ngayon ay naglalakad papunta sa kanila at pumwesto sa may kaliwa niya.
‘My goodness!' The guy is so damn gorgeous. Parang sinalo na yata nito lahat nang magsabog ang Diyos ng kagwapuhan sa mundo. Lalo pang nagpadagdag sa kagwapuhan nito ang suot na executive suite. Titig na titig siya sa mukha nito. Parang pamilyar ang mukha nito, ‘Saang magzine ko ba siya ito nakita?’, sabi niya sa sarili.
“Friend, baka matunaw si gwapo sa kakatitig mo.”, natatawang bulong sa kanya ng kaibigan.
“Hindi ko siya tinititigan noh. ‘Wag ka ngang maingay diyan.”, pagtataray niya ditto.
Napansin sila ng lalake kaya tumingin ito sa gawi nila at nginitian sila. ‘Siyeet na malagkeet!’ Lalo itong gumwapo dahil sa sparkling white teeth nito! Sigaw ng isip niya.
Nag-blush siya at binawi ang kanyang tingin. Parang may kung anong nagtutulak sa kanyang tignan itong muli pero nilabanan niya ang kanyang sarili.
“Friend, ang gwapo noh! Super hot! Tapos tinignan at nginitian pa tayo! Bilib na talaga ako sa ganda natin teh! Pati yang si gwapo napapalingon sa atin!”, kinikilig na bulong sa kanya ng kaibigan.
“Tumahimik ka nga diyan. Baka mamaya, bisita yan ng mga boss natin, nakakahiya kapag narinig niya tayo. ”, saway niya sa kaibigan.
“Hmmp… Teka, bakit namumula ka diyan? Nag-ba-blush ka dahil tinignan at nginitian ka nung gwapo noh.”,panunukso sa kanya ng kaibigan.
“Hindi noh. Imagination mo lang yun. Gutom ka pa yata eh.”, pagtataray na naman niya.
Sakto namang bumukas ang elevator kaya nagpauna na siyang pumasok sa loob nito. Dahil sa dami nila ay nagkahiwalay silang magkaibigan sa loob ng elevator. Napunta ito sa may gitna at siya naman ay napunta sa may likuran. Katabi niya pa rin ang gwapong lalake. Napilitan siyang magbaba ng tingin dahil nahihiya pa rin siya sa nangyari kanina, ng mahuli siya nitong titig na titig dito.