Chapter 1: The Siblings

33 5 3
                                    


Higit isang buwan ang nakakaraan...

Patapos na ang Oktubre, at unti-unti nang lumalamig ang simoy ng hangin. Napayakap ang bente-dos anyos na si Asher Rozan sa kanyang sarili nang umihip ang hangin. Kasalukuyan siyang nagsasabit ng mga dekorasyon sa bago nilang bahay. Ang nagsisilbing ilaw niya sa mga sandaling 'yun ay ang umaandap-andap nilang Christmas lights.

Bumaba si Asher sa ginagamit na ladder.Umatras siya ng kaunti at pinagmasdan ang mga bagong lagay na Christmas lights at parol sa harapan ng bago nilang bahay. Napangiti siya. Tiningnan niya ang kanyang wristwatch. 8:00 p.m. Bago pumasok ay iniligpit muna niya ang mga ginamit sa pagsasabit ng Christmas decorations.

Pagkapasok ng bahay ay nadatnan niya si Carlisle ,ang dose-anyos niyang kapatid na babae. Nakasandal siya sa sofa, nakataas ang dalawang paa habang nanonood ng pelikula sa kanyang tablet."Kuya Ash naman eh. Di pa ako pinatulong sa paglalagay ng decorations,"wika ni Carlisle.

"Gabi na kasi,bunso. I'm sure, magaalala sina Mama at Papa kapag may nangyari sa'yo,"sabi ni Asher."Pero di bale, tulungan mo ako sa pagaayos ng Christmas tree next time. Deal?"

Nakangiting tumango si Carlisle."Deal yan, Kuya ha?"

"Syempre." Nakipag- fistbump si Asher kay Carlisle. Pagkatapos ay pumunta siya sa kusina upang kumuha ng maiinom. Doon ay naabutan niya si Sophia, ang kapatid niya, na kagagaling lang ng banyo. Kaliligo lamang nito at balot ng tuwalya ang buhok.

"Ah...ah...ahchooo!!!" Kunwaring bumahing si Asher pagkadaan ni Sophia. "Grabe naman! Ang sakit sa ilong! Naligo ka ba?" pangaasar niya.

"Nagsalita ang di pa naliligo," sagot sa kanya ni Sophia. Humarap ito sa salamin na nakasabit malapit sa hagdanan. Tinanggal niya ang nakabalot na tuwalya sa kanyang buhok. Muli niya itong tinuyo at saka sinuklayan.

Hindi pa rin tumigil si Asher sa pangaasar."Galing ha? Tibay naman ng salamin. Di nababasag." Napansin din niyang pinigilan ni Carlisle ang matawa.

"Whatever, Kuya."Ipinagpatuloy ni Sophia ang pagsusuklay. Alam niyang may pagkapilyo si Asher. Pero kahit ganun ay mabait at responsable naman ang panganay ng pamilya Rozan.

*******************************

Kausap ni Carlisle sa kanyang cellphone ang kanyang Mama Gretchen. Nasa labas siya ngayon ng bahay. "Ok lang ba kayo diyan,Carlisle?"

"Opo,Mama. Katatapos lang nina Kuya Ash at Ate Sophia na ayusin yung mga gamit. Ang cool nga po eh. Silang dalawa lang ang nag-ayos ng bahay. Tutulong sana 'ko kaso ayaw ni Kuya."

"Alam ng mga kapatid mo kung bakit. Delikado kasi. Baka mapaano ka pa," paliwanag ng nanay niya.

"Big girl na po 'ko,Mama."

"Hindi katwiran 'yan, Carlisle. Ngayong kayo na lang na magkakapatid ang nandyan sa bahay, hindi namin kontrol ni Papa mo ang mga nangyayari. Makakatulong ka pa rin naman. Wash the dishes, sweep the floor...a lot of things,wag lang yung mga mabibigat."

Napaisip si Carlisle. Kung sabagay, may point ang Mama niya. Simula nang bata pa siya ay higit pa sa kayamanan ang turing ng kanyang Mama at Papa sa kanilang magkakapatid, lalo na sa kanya. Todo-alaga at todo-suporta sila.Nang manalo ng house and lot ang Kuya Asher niya ay pumayag naman ang mga magulang niya na bumukod ang kanyang kuya. Dahil nakikita namang responsable, ipinasama na rin silang dalawa ni Ate Sophia niya. Mas magiging malapit rin kasi sila sa pinapasukang school.

"I miss you,Mama."

"We also miss everyone of you. But don't be sad. Bibisita kami dyan kapag may time," sagot ng kanyang Mama.

"I'm not sad. I just miss you and Papa." Pinigilan ni Carlisle na lumuha."Sige po,Mama. Gabi na po. Tulog na po 'ko."

"Ok bunso. Good night."

"Good night din po sa'nyo dyan." Tinapos na ni Carlisle ang tawag. Magaalas-dyes na ng gabi. Tanging siya na lamang ang nasa labas ng bahay ng mga sandaling iyon. Tahimik at malamig ang hanging umihip sa kanyang maalong buhok.

*******************************

"Nasaan ako?"

Ito na lamang ang mga naibigkas ni Carlisle nang mapagmasdan ang paligid niya. Nasa tapat siya ng kanilang bagong bahay,pero may mali. Wala na ang mga Christmas decorations na nagbibigay ilaw sa paligid. Sa katunayan, wala man lang kahit kaunting liwanag na nanggagaling mula mga kapitbahay nila. Napakatahimik ng paligid.Animo'y parang ghost town ang napuntahan ni Carlisle. Tanging ang malamlam na tanglaw mula sa buwan ang nagsisilbing ilaw ni Carlisle nang mga sandaling iyon.

Hindi nagdalawang-isip si Carlisle na pumasok ng bahay. Umingit ang pinto nang kanya 'tong buksan. Sumalubong sa kanya ang dilim."Hello? Kuya Ash? Ate Sophia?" tawag niya habang kinakapa ang switch ng ilaw. Nang mahanap niya ang switch ay sinubukan niyang buksan ang ilaw, pero walang nangyari. Habang sinasanay ang mga mata sa dilim ay napansin niyang gulo-gulo na ang mga gamit sa paligid."Ano bang nangyari?"

Nasalat ni Carlisle ang makapal na alikabok sa handrail ng hagdan habang papaakyat siya sa second floor. Sa bawat tapak niya sa mga steps ng hagdan ay umiingit ito."Kuya?Ate? Nandyan ba kayo?" tawag niya muli sa kanyang mga kapatid. Nakabibinging katahimikan ang tanging naisagot sa kanya.

Inisa-isang buksan ni Carlisle ang mga kuwarto nilang magkakapatid. Walang katao-tao. Napapabahing si Carlisle sa tuwing malalanghap ang alikabok sa bawat kuwarto. Bakit ganun? Parang napakatagal nang abandonado ang bahay?

"Carlisle..."

Nagitla si Carlisle nang may tumawag ng kanyang pangalan. Tumindig ang balahibo niya sa lamig ng boses na 'yun."Si...sino 'yan?"

"Carlisle...Dito...Dito sa kuwarto mo..."

Dala na marahil ng kuryosidad kaya niya naihakbang ang mga paa papunta sa kanyang kuwarto. Muling umingit ang pinto nang binuksan niya ito."Hello? Sinong nagsalita?" Hindi mapigilan ni Carlisle ang malakas na kabog ng kanyang dibdib habang papasok siya.

"Sa salamin..."

May nagsasalita sa salamin?, naisip niya. Mas lalo lamang siyang natakot.

"Di kita sasaktan, Carlisle..."

Hindi malaman ni Carlisle kung ihahakbang ba niya ang kanyang mga paa papunta sa harapan ng salamin. Nakakaramdam siya ng takot, pero kuryosidad din ang nagdidikta sa kanyang lumapit.

Bumuntong-hininga siya. Pumunta siya sa harapan ng salamin.

Napakunot-noo si Carlisle nang makitang walang kakaiba sa salaming nasa harapan niya. May alikabok ang ibabaw nito at may sapot ng gagamba.Bukod doon ay wala nang iba.

"Guni-guni ko lang yata yun,"sabi ni Carlisle sa sarili.

Subalit hindi pa man siya nakakagalaw sa kinatatayuan ay nahagip ng kanyang paningin ang kaunting pagkilos sa salamin. Sa kanyang paglingon ay nakita niya ang sariling repleksyon na nagbabago ng anyo!

Ang suot ni Carlisle na sky blue T-shirt ay naging itim na blusa. Ang wavy niyang buhok ay umunat at naging buhaghag. Nagkaroon ng mga sugat at pasa ang kanyang balat. Tumangkad nang kaunti at nag-iba ang mukha ng kanyang repleksyon.

Hindi makagalaw si Carlisle dahil sa nasasaksihan. Paanong nag-iba ang repleksyon niya gayong walang nagbago sa kanya?

"Malapit na ang oras, Carlisle. Malapit na..." wika ng babae sa salamin. Unti-unting gumuhit ang isang ngiti sa kanyang maputlang mukha."Makakalaya na ako. At ikaw ang makakapagpalaya sa'kin."

"Sino ka ba? Anong ibig mong sabihin? Ba't ako nandito?" sunod-sunod na tanong ni Carlisle. Hindi niya alam kung anong gustong ipaunawa ng babae sa salamin.

Simple lang ang kanyang tugon kay Carlisle:

"Malapit na."

To Be Continued...

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 25, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

CarlisleWhere stories live. Discover now