Araw ng Linggo nung ikasal kami ni Ben. Bente anyos ako nun, siya naman bente syete. Siya ang una kong kasintahan. Unang manliligaw. Unang halik. Gusto siya nila tatay dahil wala ka namang aayawan sa kanya. Maginoo, matalino, magalang. Wala naman akong naramdamang pagtutol sa kalooban ko nung sinagot ko siya dahil kagaya nga ng sinabi ko, wala kang aayawan sa kanya. Pero kahit minsan hindi niya pinabilis ang tibok ng puso ko. Akala ko normal lang yun, sanay naman kasi ako sa ordinaryo. Kagaya ng pangalan ko – Glaiza. Lahat sa buhay ko ordinaryo. Ultimo pagpili ng araw ng kasal ko walang kahulugan. Linggo para libre ang lahat. Walang pasok sa trabaho at sigurado ang schedule ng pari sa simbahan.
“Ate Glaiza, andyan na sila Kapitan. Pinapasok ko na. Pinaupo ko na rin dun sa naka-reserba sa kanilang lamesa. Tsaka nagpalabas na ulit ako ng menudo, paubos na kasi yung kanina. Naku Ate tulungan na kita diyan sa pag-zipper ng damit mo,” si Rhian aligaga nanaman. Halos tatlong taon ang tanda ko sa kanya. Anak siya ng isa sa mga pinakamatagal naming katiwala sa patahian. Sa amin na siya lumaki at hindi na rin niya nakilala ang Briton niyang ama.
“Kalma ka lang Rhian, hindi aalis ang mga bisita. Tsaka andun naman si Ben at si Tatay sa labas, sila na muna bahalang mag-estima. Ang init init ng traje de boda,” natatawa kong sabi habang nagbibihis ng mas komportableng bestida.“Ate Glai, ang ganda ganda mo. Ang swerte-swerte ni Kuya Ben.”
Tipid lang ang ngiting sinagot ko sa kanya. Kasing tipid ng kasiyahang nararamdaman ko. Hindi ko matukoy kung saan nanggagaling ang pakiramdam ko na may kulang. Hindi ko pa naman kasi naranasang sumaya ng sobra. At buong buhay ko ayos na ko sa ganito. Ordinaryo at tipid, malayo sa komplikasyon. Hindi masayang-masaya pero hindi na rin masama. Natutunan ko na ring tanggapin na ito na ang kapalaran ko.
Wala pa kaming isang taong kasal ni Ben nung umalis siya papuntang Saudi. Limang buwan akong buntis noon sa una naming anak. Mas maganda kasi ang offer sa kanya dun bilang isang inhinyero. Walang-wala sa kinikita niya dito sa Pilipinas.
“Mag-iingat ka at tatawag agad pagdating mo ha? Yung mga gamit mo bantayan mong maigi. Yung passport mo, baka mawala. At wag ka masyadong kakain ng maanghang at baka sikmurain ka dun. Naku, hindi mo pa kabisado mga gamot dun,” paalala ko sa kanya habang nasa sasakyan kami papuntang NAIA. Lumuwas kami para ihatid siya.“Wag mo ko masyadong alalahanin, ikaw nga ‘tong iniisip ko. Pasensya ka na at wala ako sa tabi mo paglabas mo kay Junior.”
“At pano mo naman nalaman na Junior ‘to eh hindi pa nga tayo nagpapa-ultrasound?”
“Basta alam ko lang. Lalaki yan, tagapagpatuloy ng apelyido ng mga Alves.”
“Ikaw Rhian, anong palagay mo?” tanong ko kay Rhian na tahimik lang sa loob ng sasakyan at nakikinig sa usapan namin.
“Ate, sa palagay ko po ay babae,” parang nahihiyang sagot niya.
“Paano mo nasabi?”“Basta lang Ate. Nararamdaman ko lang,” napangiti ako. Kakampi ko talaga ‘tong si Rhian. Si Ben nanahimik na lang kahit bakas ang pagtutol sa mukha niya. Nginitian ko si Rhian at nahihiyang yumuko naman ito. Hanggang ngayon nararamdaman ko pa rin ang pagkailang niya sa akin kung minsan lalo na at kasama ko si Ben. Halos magkapatid na kami kung tutuusuin dahil magkasama kaming lumaki. Wala kasing mag-aalaga sa kanya gawa ng nasa patahian namin ang Nanay niya sa maghapon kaya naman sa bahay na lang namin siya madalas kasama ko. Naalala ko nung dose anyos siya. Mangiyak-ngiyak na lumapit siya sa akin.
“Rhian anong, nangyari sa’yo?” nag-aalala kong tanong.‘Ate, may dugo po sa panty ko,” maluha-luha niyang sagot.
“Naku Rhian, dalaga ka na!” nakangiti kong sambit.
Tuluyan na siyang umiyak at bumakas sa mukha niya ang pagtataka. Nakaramdam ako ng awa sa kaniya dahil sa kawalan ng oras ng Nanay niya na ipaliwanag sa kanya ang mga sensitibong bagay katulad nito.
“Wag ka nang umiyak, normal lang yan. Akong bahala sa’yo. Tara, bibigyan kita ng bagong underwear tsaka napkin,” sabay hinawakan ko ang kamay niya. Simula noon, naramdaman ko na sa sarili ko na hindi ko siya pababayaan kahit kailan.
Naputol ang pag-iisip ko ng tumigil ang sasakyan. Mabilis lang ang paalaman namin ni Ben dahil ayaw niyang magtagal pa kami dun at mapapagod lang daw ako. Niyakap niya ko at hinalikan. Pagbaba niya, nakatingin lang sakin si Rhian at mukhang hindi malaman ang gagawin. Niyakap ko siya. Sa totoo lang, hindi naman ako sobrang nalulungkot sa pag-alis ni Ben. Oo, may konting lungkot siguro pero walang pangungulila. Kung bakit, hindi ko rin alam.
“Ate, nagugutom ka ba? Pinagbaon kita ng sandwich tsaka santol,” nakangiti niyang sabi sakin. Parang hinaplos ang puso ko. Maalalahanin talaga ‘tong si Rhian kahit kailan. Kahit tapos na ang mga buwan ng paglilihi ko eh lagi pa rin akong pinagdadala ng santol dahil alam niyang paminsan-minsan eh bumabalik ang cravings ko.
“Salamat Rhi, kain ka rin,” habang inaabot ko sa kanya ang isang sandwich.
Ngumiti lang siya sakin. At katulad ng maraming pagkakataong nakakalma ang puso ko ng mga ngiti niya, napayapa niya ako.
“Rhiaaaaaaannnn!” sigaw ko sa kanya isang madaling-araw na naramdaman ko ang matinding paghilab ng tyan ko.
“Bakit po Ate?” pupungas-pungas na tanong niya.“Manganganak na yata ako.”
Daig pa ni Rhian ang binuhusan ng malamig na tubig. Hindi niya malaman ang uunahin niyang gawin.
“Rhi, nakaayos na ang mga gamit natin. Pakitawag mo na lang si Manong Ed para magmaneho.”
Agad naman siyang tumalima at ilang sandali lang ay bumalik na siya kasama si Manong Ed. Hawak ni Rhian ang mga kamay ko sa loob ng sasakyan. Mas kalmado na siya at masuyong hinahaplos ang braso ko na para akong kinakalma; sinasabi na andito lang siya sa tabi ko. Babae ang naging panganay namin ni Ben, tama si Rhian. Sa totoo lang nung sinabi niya pa lang sa loob ng sasakyan na babae ang magiging una kong supling, naniwala na ko. Meron kaming hindi maipaliwanag na koneksyon ni Rhian. Alam ko ang nararamdaman niya kahit hindi niya sinasabi. Alam niya kung anong kailangan ko sa isang tingin lang. Siguro dahil na rin ‘to sa tagal na naming magkasama.
“Ate, ang ganda ganda ng anak mo. Kuhang-kuha sa’yo ang mga mata..” ngiting-ngiti siya habang sinasabi ito. At sa hindi ko malamang dahilan, parang naging tama sa pakiramdam ko na siya ang unang bumuhat sa anak ko at hindi si Ben. Parang naging tama na siya ang nandito ngayon.
................................................................................Hi. This is something new. Medyo mas mabigat ng konti dun sa Next Year. I'm sort of experimenting so please bear with me. Let me hear you, wanna know your thoughts. Salamat! :)