Lumipas ang dalawang taon at nakauwi na rin si Ben. Abala ang lahat sa bahay.
“Rhian, tapos na bang iluto yung caldereta?” sigaw ko kay Rhian na kasalukuyang nasa kusina.
“Opo Ate. Ito, ihahain ko na sa lamesa.”
Maya-maya lang ay narinig na naming pumarada ang sasakyan.“Glaiza..” yun lang ang sinabi ni Ben at niyakap na ko. Niyakap ko rin siya. At sa sulok ng mga mata ko, nakita ko si Rhian na natigilan habang ilalabas sana ang caldereta mula sa kusina.
“Kuya Ben, kamusta po kayo?” bati niya kay Ben nang makabawi sa pagkabigla.
“Mabuti. Lalo kang gumanda ah. Glaiza, dalagang-dalaga na si Rhian ah. May boyfriend na ba ‘to?” nakangiting tanong ni Ben.
“Wala. Masyado pa siyang bata,” hindi ko alam kung bakit hindi ko nagustuhan ang tanong niya.
“Anong bata eh ganyang edad ka nung nagpakasal tayo?”
Hindi na ko umimik. Hindi rin nagsalita si Rhian. Ewan ko kung bakit naiirita ko sa takbo ng usapang ito.
Naging abala ang lahat at walang tigil ang kamustahan. Yung mga kamag-anak ni Ben nagpunta rin sa bahay namin. Nagpamigay siya ng pasalubong para lahat. Walang kamatayang sabon, tsokolate at lotion. Nakangiti kong hinarap ang mga bisita habang pilit hinahanap ang saya sa puso ko. Si Rhian binabantayan lang si Kat, panganay namin ni Ben. Nangingilala na kasi siya at ayaw sumama sa tatay niya.
Isang buwan lang ang bakasyon ni Ben sa Pilipinas. Sa panahong nandito siya naramdaman ko ang bahagyang paglayo sakin ni Rhian. Normal na samin ni Rhian na sabay kumain, lalo na kapag almusal. Pero simula nung umuwi ang asawa ko, ni halos ayaw niya kong tingnan.
“Rhi, mamaya na yang paglalaba. Sabayan mo muna kami ng Kuya mo,” isang oras na nga akong mas maagang gumising para lang hindi niya maidahilan na tapos na siyang mag-almusal.
“Mamaya na lang po ako Ate, baka maging maulan daw kasi ngayong araw. Sayang naman habang hindi pa umuulan makapaglaba na nang matuyo agad,” mabilis na sagot ni Rhian. At bago pa ako nakasagot ay nakaalis na siya.
Mabilis na lumipas ang mga araw at nakaalis na si Ben pabalik ng Saudi. Isang buwan pagkatapos niyang umalis, nalaman kong buntis ako sa pangalawa naming anak. Katulad ng dati, si Rhian ang nakaalalay sakin mula sa aking paglilihi hanggang sa panganganak. At kagaya rin ng dati, masaya ako na siya ang unang bumubuhat sa anak ko.
Naging siklo ang relasyon namin ni Ben. Umuuwi siya tuwing ikalawang taon at umaalis pagkatapos ng isang buwan. Mabibilang sa dami ng anak namin kung ilang beses siyang nagbakasyon – tatlo. Bente syete anyos pa lang ako ngunit tatlo na ang anak ko, habang si Rhian ay bente kwatro at napakaganda. Hindi ko alam kung kailan ko ‘to nagsimulang isipin. Maraming manliligaw si Rhian pero wala siyang sinasagot. Kapag tinatanong ko siya kung minsan ay sinasabi niyang mas gutso niya kong tulungan sa bahay at sa pagpapalaki ng mga bata. At sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakakaramdam ng saya ang puso ko.
“Ate, may naghahanap po sa inyo. Employer daw po ni Kuya Ben,” bungad sa’kin ni Rhian nung umuwi ako mula sa patahian isang hapon. Nagtataka man, agad kong pinuntahan ang aming bisita.
Aksidente daw at nangyari sa site nila sa Saudi. Dead on arrival ng dalhin nila sa ospital. Yan lang ang naintindihan ko sa sinabi sakin ng employer ni Ben. Ang dami niyang pinaliwanag pero wala na kong naitindihan. Umiyak ako; kung dahil sa lungkot, pagkagulat o takot, hindi ko na alam. Iniuwi ang mga labi ni Ben dito sa Pilipinas, inilibing namin siya. Para akong lumulutang at hindi ko na alam ang mga ginagawa ko. Si Rhian hindi umalis sa tabi ko at laging nakaalalay sa akin.
Parang hindi ako nagkaroon ng pagkakataong magluksa dahil kailangan kong maging malakas para sa mga anak ko. Malaki rin ang tulong pinansyal na ibinigay ng employer ni Ben. May steady kaming kita mula sa patahian at malaki-laki rin naman ang naipon namin. Ginugol ko halos lahat ng panahon ko sa negosyo. Alam kong hindi ako pwedeng umasa sa mga naipon lang namin dahil mauubos at mauubos ito. Si Rhian ang pumuno ng lahat ng pagkukulang ko sa bahay. Siya ang nagbabantay sa mga bata. Sinisiguro niya na maayos ang lahat.
“Ate, eto pala yung card ni Kat. Ako na umattend ng PTA meeting kanina. Maayos naman sabi ng teacher medyo mabagal lang siya magsulat. Ate ano palang gusto mong baon bukas, ipagluluto kita ng tanghalian. Sabi ni Aling Cely hindi ka na raw halos kumakain,” dire-diretsong sabi ni Rhian sakin ng minsang umuwi ako galing patahian.
Sasagot na sana ako ng napatingin ako sa kanya. Napatigil ako. Parang pumayat si Rhian. Matagal-tagal na rin simula nung huli ko siyang matitigan. Maganda pa rin ang mga mata niya pero parang may lungkot. May nangyari kayang hindi ko alam?
“Rhi, ayos ka lang ba? Pumapayat ka yata. Kung masyado ng mabigat ang mga gawain dito sa bahay pwede naman tayong kumuha ng isa pang kasama. Maayos naman ang kita sa patahian at hindi birong mag-alaga ng tatlong bata.”
“Naku Ate, wag na. Kayang-kaya ko. Kahit dalhan pa nga kita ng tanghalian araw-araw kayang-kaya ko pa rin eh. Ikaw lang ang may ayaw..”
“Naku Rhian, hindi naman ako bata na kailangan mong alagaan. Kaya ko ang sarili ko.”
“Hindi lang naman bata ang inaalagaan,” pilit pa rin niya.
“Eh sino pa?”
“Yung mga minamahal inaalagaan rin..”
Napatigil ako. Minamahal? Ahh. Syempre minamahal niya ko dahil para na niya kong kapatid.
“Ano ka ba, ako nga ang Ate sa ating dalawa. Buti na lang talaga andyan ka, ikaw yung kapatid na wala ako,” nakangiti kong sagot sa kanya. Nakita ko ang pagkunot ng noo niya. May mali ba kong nasabi? Bago ko pa siya natanong ay mabilis na siyang naglakad papunta sa kwarto niya.
“Mauna na kong matulog Ate, maaga pa bukas. Ipagluluto na lang kita ng adobo kasi yun naman ang paborito mo,” yun lang at tumalikod na siya.
Naiwan naman akong nag-iisa.