Ikalawang bahagi- Nana Lucia at Bitoy

4.3K 187 4
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved

IKALAWANG BAHAGI

Nana Lucia at Bitoy

DALAWANG TAON BAGO ANG KASALUKUYAN.

HABANG HINIHINTAY ang mantikang binibili ay naririnig ni Bitoy ang masayang kuwentuhan ng kapwa batang naglalaro sa tapat ng tindahan. Kasama sa pinag-uusapan ng mga ito ang halagang kinita sa pangangaroling. Pinakinggan niyang maigi ang usapan ng mga bata bagaman hindi nakatingin. May gusto siyang bilhin para sa kanyang Nana Lucia at pinag-uusapan ng mga ito ang makatutulong sa kanya. Nang iaabot ng tindera ang mantika ay masigla na siyang umuwi.

Nang maghatid silang mag-lola ng mga kangkong at talbos ng kamote nang nakaraang araw sa suking tindera sa palengke ay may nakita siyang blusang bulaklakin sa puwesto ng mga damit. Naka-hanger pa iyon at magandang-maganda sa kanyang paningin. Siguradong babagay iyon sa lola niya. Sisenta pesos ang halaga ng blusa ayon sa narinig niyang usapan ng tindera at ng aleng nagtatanong. Nakadama pa siya ng panghihinayang nang bilhin iyon ng ale ngunit muling nangiti nang makitang nagsabit uli ang tindera.

Pagdating sa kanilang kubo ay maingat niyang biniyak ang alkansiyang ipunan gamit ang maliit na kutsilyong palihim na kinuha sa kanilang banggerahan. Namumuti pa sa pulbos ang mga pisong isinahod niya sa isang kamiseta upang walang mahulog sa silong at hindi rin lumikha ng kalansing. Binilang niya ang mga pisong naipon. Bumilang siya ng sampu at hiniwalay sa mga kasama.Tatlong tumpok ang nagawa niya at isang piso pa ang natirang walang kasama. Nakadama siya ng lungkot. Kulang ang pera niya at hindi sapat para sa blusang nakita sa palengke. 

Pinoproblema niya ang bagay na iyon. Ang akala niya'y marami na ang naiipon dahil mabigat na ang kanyang alkansiya. Nagsisi pa siya sa palagiang pagbili ng sorbetes sa tuwing magdadala ng kangkong at talbos sa suki. Kung sana'y inilagay na lamang sa alkansiya ang ipinambili niyon ay baka sisenta pesos na ang ipon niya.

Kaya naisip niyang mangaroling upang makumpleto ang halagang kailangan para iyon ay mabili. Ang balak niya'y surpresahin ang kanyang lola. Ang gusto niya'y makitang suot na nito ang bagong damit kapag sila ay nagsimba. Kaya nabuo ang kanyang pasya. Gagayahin niya ang pamamaraang ginagawa ng mga batang nagkukwentuhan sa tindahan. Mangangaroling din siya upang magkaroon ng pera.

Nang gabing iyon ay hindi na siya nakatulog nang maayos.  Nagmumuni siya kung paano magpapaalam sa kanyang Nana Lucia, at nitong umaga... maglalakas loob na siyang magsabi. Ilang araw na lang ay pasko na. Baka hindi makumpleto ang perang kailangan niya kung magpapatumpik-tumpik pa. 

Malalim na buntong-hininga ang hinugot niya mula sa dibdib at pinawalan sa lalamunan upang alisin ang nararamdamang kaba, at saka nilapitan ang lolang nagwawalis sa bakuran.

"N-nana, pwede po ba akong mangaroling?"

Tumigil sa ginagawa si Nana Lucia at sinulyapan ang siyam na taong gulang na bata. "P-pero..."

"Sige na po, Nana. Hindi naman ako lalayo. Dito-rito  lang ako sa malapit sa atin," pangungumbinsi niya.

"Baka kasi mahirapan ka kung lalabas pa sa gabi. Paano kung makatiyempo ka ng makamandag na hayop na gumagala sa daang putol at hindi mo magawang iwasan gawa ng madilim?" Nag-aalalang paliwanag ng matanda.

Bumalatay ang lungkot sa kanyang mukha. Mangani-nganing maiyak dahil sa kabiguan. Inaalala niya ang blusang nakita sa palengke. Baka may makabili na niyon at hindi na abutan kung hihintayin pa ang ilang araw para makapaghatid uli ng mga ani. Isa pa, hindi pa rin aabot sa sisenta pesos ang maitatabi niya. Baka tapos na ang bagong taon ay hindi pa rin nakukumpleto ang sisenta pesos na kailangan. Tinanaw niya ang daang binanggit ng kanyang lola, at muling bumuntong-hininga.

PASKO ng LAGIM #1- NANA LUCIATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon