The 1000th Soul

196 7 7
                                    

Naaalala niya si Erenea, suot ang puti nitong bestida, sa gitna ng mga pula at magagandang bulaklak ng cattail. Banayad ang pag-ihip ng hangin at ang ngiti nito, ang siyang bumihag sa kanya.

Naaalala niya kung paanong mapapalingon ito sa direksyon niya at makikita siya, saka ito ngingit ng matamis. Ngunit ang magandang larawang 'yon ay biglang mababasag na tila salamin sa kanyang isip at babalik siya sa kasalukuyang kinalalagyan.

Hindi na dapat siya nabuhay muli.

TInitigan niya ang bundok Erenea at tumalikod upang sulyapan ang bundok Macthenos. Nakatayo lang siya sa gitna dilim ng parang na puno ng mga cattail flowers, at inaalala ang nakaraan.

Umikot siya upang harapin ang nakahandusay sa lupang itim na lobong naliligo sa sarili nitong dugo. Pinulot niya ang nakapatong na shell sa ibabaw ng isang itim na sombrero sa lupa at lumabas ang munting nilalang na naninirahan sa loob niyon. Ibinuka nito ang munting bibig at hinigop ang itim na lobong naging tila itim na apoy. Nang matapos ito sa paghigop sa lahat ng itim na apoy ay dumighay ito, kasabay niyon ang paglabas ng isang gintong hiyas.

Iyon na ang ika-siyam na raan at siyamnapu't siyam na masamang kaluluwa.

Naabot na niya ang sapat na bilang ng mga dinalisay na kaluluwang kailangan upang talunin ang isang makapangyarihang itim na mangkukulam.

Muli niyang hinarap ang bundok Erenea.

Sa wakas, makikita na kitang muli.

***

Tahimik lang na nakaupo si Mack sa gilid ng fountain, ninanamnam ang pag-iisa sa panonood sa mga taong parito't paroon sa masiglang pamilihan, malamang nagmamadali nang makauwi ang mga ito dahil maggagabi na.

Alam ng lahat na hindi makakabuti ang manatili sa labas ng kanilang mga bahay pagsapit ng gabi. Iniiwasan ng lahat na mapahamak dahil sa mga masasamang espiritung hilig kumain ng laman ng tao.

Naghahalo-halo ang samyo ng lupa sa mga gulay, ang matamis na amoy ng mga prutas, ang halimuyak ng mga bulaklak at pati na ang mapanghalinang amoy ng bagong lutong tinapay sa Red-headed Merman Bakery na patok sa mga dayo sa lugar na ito. Panira nga lang ang masangsang na amoy sariwang isda at karne.

Kaliwa't kanan ang tawaran, baratan at mga pagsigaw ng tinderang iniistorbo ng mga batang palaboy sa kalye.

Maya't maya ring maririnig ang takatak ng bakal na sapatos ng mga kabayong hila ang mga karwaheng sakay ang mga mahaharlikang kababaihang ikinukubli ang mga labi sa likod ng magagarang pamaypay ngunit bakas pa rin sa mga mata ang tinatagong kagandahan.

Tinititigan na naman niya ang bundok Erenea, isa sa magkatabing bundok na sikat sa Cattail Valley. Katambal nito ang bundok ni Mactheros at sinasabing ipinangalan ito sa dalawang magkasintahan na nabuhay isandaang libong taon na ang nakalipas.

Iniiisip niya kung ano ang pumasok sa kokote ng mga tao sa nayon na 'yon para ipangalan sa isang itim na mangkukulam ang isang bundok. Hindi yata alam ng mga ito na ang Erenea na pinagmulan ng pangalan ng bundok ang siyang pinagmulan ng mga nagkalat na masasamang espiritu sa daigdig ng mga tao,

Isinubo niya ang hawak na sigarilyo at sinimulang hithitin 'yon.

Patuloy lang siyang nanood. Hanggang sa paunti-unting nabawasan ang mga nagdaraang tao at karwahe. Unti-unting nawala ang mga ingay. Maging ang mga mapanghalinang samyo ng bulaklak at pagkain. Hanggang sa siya na lang ang naiwang tao sa lugar, nakaupo pa rin sa gilid ng fountain at nakatingala sa buwan.

"Kuyang cowboy, anong pangalan mo?" tanong ng isang batang babaeng biglang sumulpot sa harapan niya.

Tinitigan niya muna ang batang babaeng umistorbo sa katahimikan. Nagniningning ang bilugang mga matang nakatitig rin sa kanya. Nakatali sa dalawang ponytail ang buhok nito may mga lasong kulay pula. Ngumiti ito at ang ngiting 'yon, pati na ang suot nitong puting bestida, kahit pa anuman ang anyo nito, ay nagpaalala sa kanya sa iisang tao lamang.

Si Erenea.

"Ako si Mack. Mukha sigurong cowboy. Pero wala naman akong baril. Walang lubid. Walang kabayo," sagot niya habang sinusundan ng tingin ang bawat kilos ng batang babae.

"Ilang taon ka na, Mack?" usisa nito, palakad-lakad, tila marahang nagsasayaw at ngumingiti sa tuwing titingin sa kanya.

"Dalawampu't tatlong taon?" sagot niya.

"Talaga?" tanong naman ng bata.

"Oo naman," sagot niyang may panindigan. Dalawampu't tatlong taon siya noon. At magmula nang araw na iyon, hindi na nadagdagan pa ang edad niyang iyon.

Hindi na siya dapat nabubuhay.

"E bakit mukha ka nang matanda? Hindi ba't matatanda lang ang nagpapatubo ng buhok sa mukha?" anito sabay lapit sa kanya. Pinakakaobserbahan nito ang baba niya.

Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito. Alam niyang si Erenea ang batang iyon.

Alam niyang nakikipaglaro lang ito sa kanya.

Nabigla siya nang kurutin nito ang baba niya.

"Aray!" bulalas niya.

"Naku! Pasensya na! Akala ko, may naligaw na garapata sa mukha mo. Ang laki kasi saka ang itim. Matagal na ba 'yang nandiyan?" anito.

Natawa siya sa sinabi nito. "Baka nalilimutan mong isa 'yang epekto ng ginawa mong ritwal sa 'kin, Erenea."

Tumawa ang batang babae. Nagliwanag ang katawan nito at unti-unting lumaki ang hugis taong liwanag. Nang mawala iyon, lumabas ang tunay na anyo ng babaeng una at huli niyang minahal.

"Nangulila ako sa 'yo," aniya.

"Hindi ka na ba galit sa 'kin?" tanong ni Erenea.

"Matagal akong nag-isip. Hindi ko pa rin kayang iwan ka," aniya.

"Mack, ginawa ko ang lahat para sa 'yo. Masaya akong bumalik ka na sa 'kin," anitong naluluha sa tuwa.

Hindi niya na maalala kung kalian ang huling pagkakataong nahawakan niya ang mukha nito. Napakapayat nito. Tila hinigop ang lahat ng kasiglahan nito. Iyon ang kapalit ng ritwal na ginawa nito para lamang buhayin siya. Nang buhayin siya nito, inangkin ng masasamang espiritu ang kaluluwa niya at ginamit na daan upang makapasok sa mundo ng mga tao.

Lahat ginawa nito para sa kanya. Ganoon siya nito kamahal. Kaya gano'n din ang gagawin niya para rito.

Buong tiwalang yumakap sa kanya si Erenea. Sa pagyakap nito, mabilis niyang tinawag sa isip ang alaga niya at nag-anyong espada iyon. Mula sa likod ni Erenea ay ibinaon niya iyon hanggang tumagos patungo sa sarili niyang katawan.

Isa iyong Sword of Salvation na makakamit lang matapos mapadalisay ang siyam na raan at siyamnapu't siyam na masasamang kaluluwa. May kakayahan ang espadang ito na dalisayin ang kaluluwa ng isang itim na mangkukulam nang sa gayon, hindi na maaaring gamitin ng mga masasamang espiritu ang kaluluwa nito at makakalaya na ito sa sumpang kapalit ng kapusukang ritwal na isinagawa nito.

"Mack.." sambit nito sa kabila ng sakit na dulot ng talim ng espada.

"Ililigtas kita, Erenea," aniya. "Hindi natin kailangan ang buhay na walang hanggan kung nangangahulugan naman 'yon na magiging pag-aari ng mga demonyo ang kaluluwa mo."

Hindi na dapat siya binuhay pang muli kung ang kapalit naman ay ang kaluluwa ng kanyang pinakamamahal.

Kaya minarapat niyang kalapin ang sapat na kakayahan upang iligtas ito.

Unti-unting naging itim na apoy si Erenea at naging isang itim na bilog na apoy na saksak pa rin ng espada. Unti-unting nawala at napalitan ang itim na apoy ng puting liwanag.

"Erenea...malaya ka na," sambit niya habang pinapanood kung paanong unti-unting nawala ang putting liwanag ni kaluluwa ni Erenea.

Hindi nagtagal, humandusay na rin siya sa lupa at naging malaya na rin.

Catharsis III: Round OneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon