Years ago...

"Ang hari ay naghahanap ng kawal para sa palasyo, dinig kong mataas daw ang ipapasweldo basta makapasa sa kanilang pagsusulit---" dinig niyang usapan ng mga nadadaan sa tapat ng kanilang barong-barong.

Kasalukuyan niyang inaayos ang palangganitang pinaglagyan niya ng tubig para sa pampunas sa may sakit na kapatid. Agad niyang iniwan ang ginagawa at pumunta sa sulok ng bahay kung saan malapit sa kinatayuan ng dalawang nag-uusap.

"Ngayon lang ata sila naghanap ng kawal sa loob ng sampung taon, saan mo naman 'yan nalaman?"

"Hindi ka ba nagbabasa? Nakapaskil iyon sa buong bayan."

"Sa bayan pala kasi, hindi naman ako nagpupunta doon---"

"---umalis kayo diyan! Huwag na huwag kayong lalapit sa bahay ng mga mamamatay tao!" sigaw ng isang matandang babae sa dalawang babaeng nag-uusap.

Kita niya ang sindak sa mga mukha ng mga dalaga mula sa maliit na butas ng kanilang barong-barong.

Agad tumakbo ang dalawa. Naiwan ang matandang masama ang tingin sa kabuoan ng kanilang barong-barong, may binulong pa ito bago lumayo.

Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga. Ilang taon na ang lumipas magmula ng kamuhian sila ng mga tao ngunit hindi pa din siya nasasanay. Nawasak ang reputasyon ng kanilang pamilya nang dahil sa maling impormasyon.

Isang kawal sa palasyo ang kanyang ama, isa itong heneral. Malayo man ang kanilang tirahan sa palasyo kung saan nagtatrabaho ang ama'y hindi iyon naging hadlang upang maging mas malapit sila ng ama. Siya ang panganay at dahil hindi siya lalaki'y ikinubli siya ng ama mula sa mga tao, hindi dahil ikinakahiya o kinamumuhian siya ng ama kung 'di dahil sa labis nitong pagmamahal at kagustuhang protektahan siya.

Bata pa lamang ay tinuruan na siya ng ama ng mga bagay na dapat sa mga lalaki lamang itinuturo. Ang kanilang bansa'y hindi magkapantay ang mga babae at mga lalaki. Ang mga babae'y sa mga kabahayan, taga-gawa ng mga gawaing bahay, taga-silbi ng kanilang pamilya. Ang mga lalaki nama'y ipinanganak upang maging mandirigma, mambabatas, maging mamumuno, o maging taga-gawa sa mga mabibigat na bagay.

Sa kanyang pag-eensayo ay nagawa niyang makasabay sa mga ka-edad na mga lalaki na pumapasok sa paaralan ng mga mandirigma.

Dalawa lamang silang magkapatid, ang kanyang nakababata'y lalaki ngunit ang hilig nito'y sa mga aklat at karunungan, ayaw na ayaw nito sa mga labanan at mga gawaing panlalake. Sadyang tamad ito pero matalino. Ito din ang dahilan kung bakit siya ang napalapit sa kanilang ama habang ang kapatid naman ay sa kanilang ulirang ina.

Nagagawa pa nilang magpalit minsan, dahil sa ayaw ng kanyang kapatid ang pumasok sa paaralan ng mga mandirigma, isinusuot niya ang uniporme nito at siya ang pumapasok habang ang kapatid ay nakatago sa kanyang silid at nagbabasa. Dahil na din sa magkamukha sila at magkasing-tangkad ay hindi mapapansin kung sino ang sino. Akalain ng mga nakakakita sa kanila ay mga kambal sila ngunit dalawang taon ang tanda niya sa kapatid.

Isang araw, nagkagulo sa palasyo. Nasa kanilang tirahan ang magkapatid kasama ang kanilang ina at ang kanilang ama'y nasa palasyo.

May nanggugulo sa palasyo, ibig sakupin ang kanilang lugar at nagkaroon ng labanan. Ang kanilang bayan, na kalayuan sa palasyo, ay sinugod ng mga kalaban.

"Umalis na kayo dito! Itakbo mo ang kapatid mo!" sigaw ng kanyang ina habang hinaharangan nito ang masamang taong gustong manakit sa kanila. Nakapasok ang kalaban sa kanilang tirahan at ibig silang dalhing magkapatid.

Agad niyang hinila ang kapatid at nagtago sa maliit at masikip na espasyo sa mismong baba ng kanilang bahay. Dahil gawa sa kahoy ang kanilang bahay ay kitang-kita niya mula sa mga maliliit na butas kung anong nagaganap sa itaas.

Tinakpan niya ang tenga ng kapatid upang hindi nito marinig ang tunog ng pagsaksak sa kanilang ina.

Hindi niya mapigilan ang agos ng mga luha nang mapatakan mismo ang kanyang pisngi ng malapot na likido, ang dugo ng kanilang ina na umagos mula sa butas ng mga kahoy.

Nanatili silang magkapatid sa espasyong iyon hanggang sa naramdaman nilang wala na sa bahay nila ang pumatay sa kanilang ina, hindi nila sila mahanap.

Lumabas lamang sila nang magdilim ang paligid, ang pagdating ng gabi. Pinagsabihan niya ang kapatid na bantayan ang bangkay ng kanilang ina at pupunta siya sa palasyo.

Agad niyang tinanggal ang mga mamahaling damit at kumuha ng damit ng kanilang kasambahay.

Puno ng pag-iingat ang kanyang ginawa upang makarating sa palasyo. Dahil sa trese anyos lamang siya at payat ay madali siyang nakakakubli sa mga kalaban.

Isang trahedya ang kanyang nakita nang makarating sa palasyo, ang paligid ay iniilawan ng mga apoy mula sa mga sunog, ang mga kawal at manggagawa ng palasyo ay nakahandusay sa paligid at wala nang hininga, may mga mananakop na nagbabantay sa paligid at sa kabutihang palad ay hindi siya nahuhuli.

Living In DeathTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon