Amnesia

83 3 0
                                    

Kalmado ang bawat alon sa dagat. Malamig ang bawat ihip ng hangin. Malapit ng magtakipsilim ngunit marami pa rin ang tao sa baybayin. Abala sila sa kani-kanilang gawain. Dalawang dipa sa aking kanan ay isang pamilya, Mayroon silang kambal na anak. Nakakatuwa talaga ang mga bata. Makukulit ngunit hindi ka magsasawang sawayin. Ang kanilang simpleng ngiti ay nakakapagpawi ng anumang pagod. Isang lalaki ang umupo sa pagitan namin at ng mag-anak. Mukhang problemado at malalim ang iniisip. Sa aking kaliwa namanay magkasintahan. Mukhang mayroon silang di pagkakaunawaan. Gustong magpaliwanag ng lalaki ngunit ayaw makinig ng babae. Pag-ibig nga naman.

Madalas akong magpunta dito. Maganda ang tanawin at payapa ang lugar. Tamang-tama para sa mga taong gustong maglibang, magmuni at maghanap ng kasagutan. Dito, ang bawat tao ay walang pakialam. Ang lahat ay may sariling mundong ginagalawan. Dito ako kalimitang dinadala ng aking mga paa. Lalo na kung mayroong bumabagabag sa akin. Importante ang baybayin para sa akin. Malaki ang naging parte nito sa aking buhay. Lagi ko siyang kasama sa pinakamadilim na bahagi nito. Ang bawat himig ng alon, ang paghampas nito sa lupon ng mga bato, ang huni ng mga ibon at ang pagaspas ng mga dahon. Lahat ng ito ay mga elemento na animo’y magneto na humihigop ng negatibong damdamin.

Hindi alintana sa akin ang bawat dyipney na dumaraan. Ang bawat harurot ng sasakyan. Para sa akin, ito ay aking paraiso. Ako at ang dagat ay iisa. Malakas ang hampas ng alon kapag nagngangalit ngunit humuhupa rin kalaunan. Nagiging payapa, marahan at marikit. Nakakapangakit at pilit tumatawag ng pansin. Ngunit, ang tanging pagkakaiba namin ay ang dami ng kanyang tagahanga. Marami pa rin ang maiiwan kahit na ako ay lumisan. Ni hindi mapapansin nino man ang aking paglayo.

Lumubog na ang araw at tanging ang buwan na lamang ang ilaw na gumagabay sa sa aming mga tagahanga. Lumisan na ang mag-anak at mukhang nagka-ayos na rin ang magkasintahan. Mangilan-ngilan na lang kaming mga tagahanga niya ang naiwan. Isang sulyap sa kalangitan ang nagpawari sa akin. Tila walang nakalatag na bituin sa langit. Mukhang nag-aamba ang isang malakas na ulan. Pinulot ko isa isa ang mga ideya sa aking isipan. Aakma na akong umalis ng biglang nagsalita ang problemadong lalaki sa aking kanan.

“Madalas ka ba dito Ms.?” tanong niya.

Tinignan ko ng mabuti ang lalaki. Hindi ko gaanong maaninag ang kanyang mukha. Kinilatis ko ang kaniyang pagkatao. Hindi kami marahil nagkakalayo sa edad. Mukha naman siyang mabait at walang masamang binabalak. Malungkot ang aura na bumabalot sa kaniya. Kung ano man iyon ay marahil napakabigat nito. Ngayon ko lamang siya nakita sa baybayin. Hindi siya suki nito katulad ko. Marahil ay bagong salta at napadpad lamang dito dahil sa problemang kaniyang dinala.

“Ah. Oo. Madalas ako dito” aniko.

“Dati na din ako dito nagpupunta. Natagalan lang bago ako makabalik. Ngayon ko lang nalaman ang importansya ng baybayin na ito sa aking buhay. Nakakalungkot dahil mukhang huli na ang lahat para maibalik ang dati.”

Aalis na dapat ako dahil alam kong mas dumilim pa ang kalangitan. Ngunit may kung anong gustong magpanatili sa akin at makinig sa kwento na lalaki. Marahil ay kailangan niya ng isang tagapakinig. Nagkataon na naroon ako, wala naman sigurong mawawala kung ako’y makinig at makatulong sa aking kapwa.

“Madalas ako dito at ang aking kasintahan. Dito kami lagi namamasyal. Dito namin binuo ang aming mga munting pangarap. Matamis ang aming pagmamahalan. Kami na siguro ang pinakamasayang magkasintahan noon. Mahal na mahal niya ako ngunit hindi ako nakuntento. Isang araw nagising akong hindi na siya ang itinitibok ng puso ko. Ang baybaying ito mismo ang nakasaksi ng lahat. Noong gabing iyon sinabi ko sa kanya ang lahat. Sinabi ko kung ano ang nilalaman ng aking puso, ang paglaho ng aking pagmamahal.

May kung anong kirot ang biglang pumuslit sa aking puso. Isang mahapding kirot na nagpadaloy sa aking mga luha. Kasabay nito ay ang pagbagsak ng kanina pang nag-aambang ulan. Malamig ang bawat patak nito. Ngunit mainit at nakakapaso ang bawat pagdaloy ng aking pagtangis. Kung ano man ang dahilan ay hindi ko alam. Nagpatuloy ako sa pagkinig sa kuwento ng lalaki.

“Ipinaglaban niya ako ngunit hindi ko na maibabalik kung ano man ang nawala na. Nakita ko kung gaano siya nasaktan at lumuha. Sa harap ko mismo, nasaksihan ko ang kanyang paghihirap. Hinangaan ko siya mula noon dahil nagawa niya akong pakawalan. Pinalaya niya ako. Noong gabing iyon, sa unang pagkakataon, umuwi ako ng nag-iisa. Iyon ang huling gabing nakita ko siya, nakausap at naramdaman. Sinunod ko ang kagustuhan ng aking damdamin. Naging Masaya ako, ngunit may kung anong kulang sa buhay ko. Pilit kong ininda sa pag-aakalang dulot lang ito ng aking konsiyensya. Tinapos ko din ang bagong tagpong kasiyahan. Napagtanto ko na wala itong patutunguhan. Nagpakalayo ako at hinanap ang tunay na kaligayahan. Sa aking paglalakbay, napansin ko na lang na dito ako dinala ng aking paghahanap. Napakatanga ko para pakawalan ang pagmamahal na wagas. Nagkamali ako at kung bibigyan ako ng pagkakataon, gusto kong bumawi sa mga nagawa ko. Patawarin mo ako mahal ko. Alam kong dito ko siya makikita. Alam kong andito lang siya” aniya.

“N-napakalungkot pala ng kuwento mo Mister. Sana ay makita mo ang taong hinahanap mo. Matagal na akong nagpupunta dito ngunit wala akong nakikitang babae na naghihintay. Kalimitan ay pamilya o di naman kaya’y magkasintahan ang nagtutungo dito” ang sabi ko sa lalaki.

Sana’y magbalik ka na—“

“Sige ho, mauuna na ako. Malayo pa kasi ang inuuwian ko. Maiwan ko na po kayo”

Mabigat ang mga paa kong lumayo sa aking paraiso. Sa paraisong hindi ko na muling maaaring babalikan. 

TwistedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon