Bangungot

40 0 0
                                    

Isa.. Dalawa.. Tatlo..

Eksaktong tumunog ang aking telepono. Hudyat para ako ay bumangon at gumising. Lumipas ang buong magdamag ngunit walang antok ang dumalaw sa akin. Sa paglalim ng gabi, habang ang lahat ay payapang nahihimbing sa pagtulog, dimawari ang aking isipan. Upo. Tayo. Higa. Hindi ko alam kung anong pwesto ang gagawin sa kama makuha lamang ang antok na inaasam. Nang lumaon ay pinagmasdan ko na lamang ang bawat pitik ng kamay ng aking orasan. Kasabay nito ay ang milya-milyang paglipad ng aking isipan.

Bakit ngayon pa? Bakit doon pa?

Paulit-ulit na tanong ng aking isipan. Isang buntonghininga ang aking pinakawalan.

Bangon na. Traffic na naman sa EDSA. Kung ayaw mong abutan nang mabagal na usad ng mga sasakyan, init ng ulo ng mga motorista at talamak na ugali ng mga taga-bantay trapiko, kumilos ka na. Bulong ng isip ko.

Bumalik sa kasalukuyan ang lumilipad ko na namang isipan. Matamlay na bumangon ako sa aking kama. Medyo mataas na ang sikat ng araw ngunit malamig pa din ang simoy ng hangin. Dala siguro ito ng pagpapalit ng panahon. Narinig ko sa balita kamakailan na unti-unti ng mararanasan ang epekto ng hanging amihan. Ibig sabihin nito ay nalalapit na naman ang kapaskuhan. Napangiwi ako sa aking kinatatayuan.

Tatlong taon. Ganoon kahabang panahon ang lumipas. Akala ko tapos na. Akala ko nasaid na ako ng kahapon. Mayroon pa rin pala. May natitira pa palang binhi na handang sumibol ano mang oras. Pagkarinig ko ng boses ng lalaking iyon, akala ko nagkataon lamang. Pareho ang timbre pati na ang pagkalumanay ng bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig. Mas nakumpirma ko ang lahat ng simula niyang isalaysay ang kanyang kwento. Biglang bumalik sa akin ang lungkot at sakit na pilit kong kinalimutan. Lahat ng poot na ibinaon ko sa ikabuturan ng baybaying iyon ay tila isdang gustong pumalaot sa pampang. Lahat ay sumariwang muli sa aking damdamin. Saksi ang baybaying iyon sa bawat araw na ako ay naghintay. Araw-araw akong bumalik. Araw-araw akong umasa. Baka sakaling nagkamali lamang siya ng desisyon. Baka sakaling magbago ang kaniyang isip. Baka sakaling malaman niya na ako pa rin ang mahal niya. Baka sakaling masaktan siya at tumakbo pabalik sa akin. Baka kailanganin niya ulit ako.

Baka...

Linggo. Buwan. Taon. Naramdaman ko na lamang na unti-unting nababawasan ang kalungkutan sa aking puso. Para bang sa tuwing makikita ko ang bawat paghampas ng tubig sa naglalakihang bato, sabay nitong hinihigop ang lahat ng negatibo sa damdamin ko. Pinagpasyahan ko na simula sa araw na iyon, ang baybayin ang magiging katuwang ko sa buhay. Sa tuwing ako ay masaya o di kaya'y malungkot, ito ang lagi kong karamay. Ito ang naging sikreto kong himlayan. Walang sino man ang nakakakilala sa akin kaya't naipapakita ko dito ang totoo kong nararamdaman. Unti-unti ay naging normal na muli ang aking buhay. Umikot ang mundo ko sa aking pamilya, mga kaibigan at higit sa lahat ang aking trabaho. Isang umaga ay nagising na lamang akong wala nang maramdaman na lungkot at sakit. Kaya ko na ulit makipagsapalaran sa mundong magulo, mapanlinlang, ngunit tanging nagbibigay buhay sa akin. Laking pasalamat ko sa mga tao na nakapalibot sa akin habang ako ay tumatayong muli, at higit sa lahat ay sa mabuting epekto na dulot sa akin ng baybayin.

Hindi ko ubod akalain na kagabi na pala ang magiging huling sandali na makakarating ako sa baybaying iyon. Iyon na pala ang huling pagkakataon na mapanood ko ang mga alon sa dagat at marinig ang mga huni ng ibon. Hindi ko na rin muling makikita ang mga tao na kapwa mga taga-hanga ng baybaying iyon. Bakit naman kasi sa lahat ng mga taong pwedeng bumisita dito ay siya pa? Siya na pinakahuli sa aking hinagap na pupunta sa aking paraiso. Siya na binura ko na sa puso ko at isipan.

Limang minuto akong nahuli sa normal kong pag-alis ng bahay. Sa limang minuto na iyon, napuno na agad ng mga sasakyan ang malaking kalsada ng EDSA. Tatlumpung segundo ang pagitan ng bawat paghinto at paggalaw ng mga sasakyan. Isama mo pa ang makulit na mga kababayan natin na tumatawid sa hindi tamang tawiran. Isang patunay na madiskarte tayo ngunit hindi nagagamit sa tamang paraan. Sampung minuto bago ang nakatakdang pasok sa aming opisina, narating ko na ang bungad ng gusaling aking pinapasukan. Isang liko na lamang at makakapasok ako ng hindi nahuhuli. Ngunit, kamalasan nga naman at sarado ang kalyeng tumutumpok sa aming gusali. Ginagawa na naman ang kalye. Ito na yata ang pangalawang paghuhukay ng mga ito sa loob lamang ng isang taon. Ni hindi ko nga alam kung may nagbabago sa tuwing matatapos silang maghukay. Bumabaha pa din naman dito ng bahagya kapag malakas ang ulan. Bakit hindi na lang nila pagtuunan ng pansin ang mas malalaking problema ng lipunan? Ang mga kurakot sa politika, baldadong tagapagtanggol kuno ng mga mamamayan na wala namang inisip kundi ang tumaas ang posisyon at madagdagan ang sweldo, wala na siguro silang pondo sa nalalapit na eleksyon. Hindi ko naman sila nilalahat, may mga mangilan-ngilan pa din na serbisyong publiko ang totoong layunin, kaya nga maraming blangko sa aking balota tuwing botohan.

Ayan ka na naman sa pagiging aktibista mo. Tigilan mo na ang masyadong pag-iisip at magmaneho na lamang. Mahuhuli ka na sa opisina. Singit ng makulit kong isip.

Dali-dali akong bumaba sa aking kotse pagkatapos ko itong maiparada. Takbong kuneho kong hinabol ang pagsara ng elevator. Wala na akong sapat na panahon para maghintay ng susunod at hindi ko rin kayang tumakbo sa hagdanan.

"Good Morning Mam Vernice!" bati ng attendant sa aming floor.

"Good Morning Shiela." tugon ko naman sa kanya.

Mayroon pa sana siyang sasabihin kaya lamang ay sumenyas na ako na kailangan ko ng pumasok sa opisina. Magsisimula na naman ang aking araw. Binansagan ako ng aking mga kaibigan na workaholic. Hindi ko naman iyon ikinakaila. Para sa akin naman, hindi pagtatrabaho ang tawag doon kung gusto mo ang iyong ginagawa. Buong puso kong inilaan ang aking lakas at panahon sa aking trabaho. May mga pagkakataon na halos gawin ko ng bahay ang aking opisina lalo na kapag may malalaki kaming event. Isa ako sa tinatawag na Event Organizer. Kami ang umaayos ng mga selebrasyon ng ibang kompanya, mga product launching, fund raising at iba pa.

Agad kong binuksan ang pintuan ng aking opisina. Napatigil ako ng maramdaman kong bukas ang aircon. Inalala ko kung nakalimutan ko ba itong patayin kagabi sa pagmamadali na pumunta sa baybayin. Alam kong napatay ko ito bago ako umalis.

"You are 10 minutes late. I don't expect a performance like this from an Event Director" bulalas ng taong nakaupo sa swivel chair.

Bigla akong napako sa aking kinatatayuan ng maranig ko ang boses na iyon. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin nang biglang umikot ang swivel chair na kanina ay nakatalikod sa akin. Tumambad sa aking harap ang taong hindi ko kailanman inaasahan na makikita ko sa aking opisina.

"Ba- bakit ka nandito?" pautal kong tanong.



TwistedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon