KABANATA I
___________
TILA mga bubuyog na naghuhuntahan ang mga pasahero at kanilang mga pami-pamilya sa isang terminal ng airport kung saan naroroon si Lia. Ang iba sa kanila'y mangingibang-bansa upang doo'y makipagsapalaran para sa ikagiginhawa ng kanilang mga pamilya. At ang iba nama'y mga balik-bayan at turistang lulan ng kalalapag lamang na eroplano mula sa iba't ibang bansa.
"Finally, I'm home!" sambit ni Lia sa kanyang sarili matapos hawiin ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa kanyang makinis na mukha.
Saglit niyang pinasadahan ng tingin ang nadaanang dingding na gawa sa salamin upang ayusin ang suot na ray ban aviator. Bagay na bagay ang pagkakalapat no'n sa puno ng may katangusan niyang ilong. Nang makuntento'y muli niyang hinila ang dalang Louis Vuitton na maleta at isinukbit sa kanang balikat ang regalong Hermes bag ng kanyang daddy na ngayon nga'y sa New Jersey na naninirahan kasama ang bago nitong pamilya.
Napapitlag siya nang sabay na magvibrate at tumunog ang kanyang cellphone na nakalagay lamang sa bulsa ng bag. Pagkababa pa lamang kasi ng eroplano'y inalis na niya iyon sa pagkaka-airplane mode no'nupang hindi makaligtaan ang tawag ng kanyang kuya na inaasahan niyang susundo sa kanya. Nang sipatin niya iyon ay tumambad sa kanya ang hindi nakarehistrong numero. Kinain siya nang kuryosidad kaya't kaagad niya iyong sinagot.
"Hello?" kunot noong tanong niya.
Dinig ni Lia ang pagngisi ng lalaki sa kabilang linya.
"Twenty minutes, you're late huh!" sagot nito sa kanya.
Lumikot ang mga mata ni Lia sa narinig. Huminto siya sa paglalakad at takang luminga-linga sa paligid.
"Huh? Sino 'to?" muli niyang tanong.
"You look blooming, eh? Nagkaboyfriend ka ba sa New Jersey?"
Panay pa rin ang pagsuyod niya ng paningin sa parteng iyon ng airport. Napakaraming tao ang naroroon kaya't maliit lamang ang tiyansa niyang makita ang kausap kung hindi ito kusang magpapakita sa kanya. Pakiramdam niya'y pinagmamasdan lamang siya ng lalaking ito mula sa kung saan.
"I said sino ka?" naiirita niyang tanong nang marinig ang pagtawa ng lalaki sa kabilang linya.
Kaunti na lamang ay mauubusan na siya ng pasensiya. Ayaw niya ng pakiramdam na iyon, 'yung tipong pinaglalaruan ka na sa malayo nang hindi mo pa alam. Puputulin na sana niya ang tawag nang muling magsalita ang lalaki. Bakas pa rin ang pagkaaliw nito sa paraan nito ng pagsasalita ngunit hindi na niya iyon napagtuunan pa ng pansin nang mapagsino ang kausap.
"Liliana Villareal-Mendez, ilang buwan ka lang nawala nakalimutan mo na ang pinakagwapo, pinakamabait, pinaka---"
"Oh! Shut up Andrew!" putol ni Lia sa kausap. Hindi na niya kailangan pang marinig ang lahat ng sasabihin nito para hindi mapagtantong ang pinsan ang kausap. Kahit kailan talaga'y mahilig magbuhat ng bangko ang pinsan niyang iyon.
Tumawa ang binata. Muling iniayos ni Lia ang ray ban aviator at pinaikot ang mga mata.
"Tapos ka na bang tumawa?" maya-maya'y tanong ni Lia kay Andrew nang sa wakas ay tumahimik na sa kabilang linya.
"Kararating mo lang, ang init kaga'd ng ulo mo. Hindi ba malamig ngayon sa New Jersey?" pang-aasar pa ng binata sa kanya.
"Holy crap! I'm tired Andrew, may jetlag ako. Please 'wag mo muna kung bwisitin---"
Hindi naituloy ni Lia ang sasabihin nang biglang sumingit ang pinsan. "Relax! Pero mamaya pwede na?" humagalpak sa tawang tanong ni Andrew.
"Err! Bwisit!" sigaw ni Lia sabay patay ng hawak na cellphone.

BINABASA MO ANG
Almost Over You
RomantikLumaki sa isang marangyang pamilya si Lia kasama ang ina at dalawang nakatatandang kapatid na lalaki. Hiwalay man ang mga magulang ay hindi naman iyon naging hadlang upang siya'y maging masaya. Mula sa isang wasak na relasyon ay tumakas ang dalaga u...