KABANATA V
_______
ISANG makahulugang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Idris. Naroroon siya sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa tapat ng katabing restaurant ng Sweets Haven. Pinaandar niya ang makina nang matanaw ang palabas na bulto ng babaeng sinadya niya roon. Si Lia.
Binuksan niya ang bintana sa front seat. Kitang-kita niya ang gulat na rumehistro sa magandang mukha ng dalaga nang makita siya.
"Hop in," aya niya.
"Bakit?" tanong nito sa kanya.
"Sumabay ka na."
"Anong ginagawa mo rito?"
"Napadaan lang."
Nagkibit-balikat lang sa kanya ang dalaga. Tinalikuran na siya nito. Naglakad at pumuwesto na sa gilid ng daan. Luminga-linga sa mga nagdaraang mga sasakyan.
Napailing siya habang pinagmamasdan ang pagkaway ni Lia sa bawat taxi na paparating. Ni hindi man lang nito pinansin ang pag-aya niya sa dalaga na sumakay na kahit halata naman niya rito na hindi ito sanay kumuha ng taxi.
Muli niyang pinaandar ang sasakyan. Mabagal lamang at muling inihinto sa tapat ng nakatayong si Lia.
"Lia." Ipinatong niya ang kanang braso sa sandalan ng katabing upuan. Saglit niyang sinulyapan ang side mirror at muling itinuon ang pansin sa dalaga.
Tinaasan siya nito ng kilay. "Bakit na naman?"
"Ihahatid na kita," aniya. Dumukwang pa siya sa front seat upang tuluyang mabuksan ang pinto para sa dalaga.
"Hindi na. Magtataxi na lang ako," pagtanggi nito sa kanya.
Muli itong nag-iwas ng tingin sa kanya. Kumaway ulit ng taxi na dumaan ngunit hindi rin huminto dahil sa may sakay nang pasahero.
Hinaplos ni Idris ng kanang kamay ang mukha. Sinuklay ng mga daliri ang gulong buhok. Napabuntong-hininga siya nang makita ang pagkadismaya sa maamong mukha ng dalaga. Batid niya na hindi magiging madali ang lahat para mapaamo ito. Masyadong mailap. Kakaiba si Lia sa mga babaeng nakapaligid sa kanya. Hindi siya sanay doon dahil mismong mga ito pa ang halos ihagis ang sarili sa kanya.
"Ihahatid na kita, Lia," giit niya.
Marahas siyang nilingon ng dalaga. Natigilan siya sa paraan ng pagtitig nito sa kanya. Hindi siya sigurado kung tama ang kanyang naiisip ngunit lungkot ang nakikita niya sa magandang pares ng mga mata nito. Napaisip tuloy siya kung dahil ba iyon kay Kian na ngayon nga'y naiwan sa loob ng Sweets Haven. Oo, alam niyang naroroon ang mahigpit na kalaban sa larong football. Nagsinungaling siya sa dalaga nang sinabi niyang napadaan lamang siya. Ang totoo'y sinundan niya ang mga ito kanina. Matiyagang naghintay at nagbaka-sakali na mag-isang lalabas ang dalaga.
"No. Kaya ko ang sarili ko. Kaya kong umuwi mag-isa."
![](https://img.wattpad.com/cover/11436772-288-k165311.jpg)
BINABASA MO ANG
Almost Over You
RomanceLumaki sa isang marangyang pamilya si Lia kasama ang ina at dalawang nakatatandang kapatid na lalaki. Hiwalay man ang mga magulang ay hindi naman iyon naging hadlang upang siya'y maging masaya. Mula sa isang wasak na relasyon ay tumakas ang dalaga u...