Hindi na sana babalik si Aria sa kanilang opisina matapos ang nangyari sa restaurant. Hindi lang inis ang kanyang nararamdaman, kundi matinding galit para kay Ivo. Baka madamay ang mga ka-opisina niya sa kanyang kabadtripan kapag bumalik pa siya.
"Peste talaga 'yung bwisit na 'yun! Nautakan ako ng walang hiya!" Sigaw ni Aria habang papunta sa gate ng subdivision. Pasakay na sana siya ng tricycle nang maalala ang bag na naiwan sa opisina.
"Hay Aria! Buti bumalik ka. Tatawagan pa lang sana kita eh." Hindi na pinansin ni Aria si Avi at basta na lamang nagtungo sa pwesto niya at inayos ang mga gamit.
Nilapitan siya nito at mukhang inis din base sa kunot nitong noo. "May pasok tayo bukas. Half-day. Kainis naman si Madam at Sir eh!"
Lalong nabadtrip si Aria. Balak niya kasi magshopping bukas ng mga panregalo para sa Pasko. Kaya nga siya bumalik sa opisina para kunin ang kanyang bag na naglalaman ng mga cards niya.
"Ano?! Bakit may pasok?! Hindi ba pwedeng mag-OT na lang tayo ngayon? Kailan sinabi? " Sunud-sunod na tanong niya kay Avi.
"Galing sila dito kanina. Hinahanap ka nga eh. Nagdahilan na lang ako na may dumating sa bahay mo kaya ka napauwi. Kapag tinanong ka, ganyan sabihin mo ha. Sabihin mo bumbay! Ano nga ba nangyari sa'yo at ang tagal mo bumalik?"
"May emergency nga. May dumating nga sa bahay kaya ako napauwi."
Walang balak si Aria na ipaalam kay Avi ang totoong nangyari dahil aasarin lang siya nito. Kikimkimin na lang niya ang galit na nararamdaman kaysa naman maasar siya ng kaibigan.
"Seryoso?! Ang galing ko naman magdahilan!"
Kung alam mo lang ang totoong nangyari baka mas mamangha ka pa. Nailing na lang si Aria sa kanyang isip.
"With 300 pesos pay daw nga pala 'yung work bukas. Si Sir nagsabi. Idagdag mo daw sa payroll 'yun." Dagdag pa ni Avi. Animo'y naghugis pera ang mata ni Aria sa narinig. Ganyan dapat, bayaran nila ang trabahong dapat nilang bayaran.
Matapos sa kanilang half-day work ay napagpasyahan nina Aria at Avi na magsama para sa pamimili ng kanilang Christmas gifts. Ayaw nilang makipagsabayan sa siksikan na mga tao sa susunod na linggo.
Bago magtungo sa mall ay dumiretso muna sila sa restaurant ni Mrs. Wong para kumain. Naalala na naman ni Aria ang nangyari kahapon. Wala siyang choice dahil gutom na gutom na silang dalawa at ito lang din ang bukas na restaurant kapag Sabado. Hinihintay nila ang kanilang order nang mamataan ni Aria ang pamilyar na mukha na papasok sa resto.
"Hi Tita! I will get my order na. " Bungad ni Brianna kay Mrs. Wong.
"Oh Bri! Hintay ka lang diyan. Kunin ko lang ang inorder mo." Umupo si Brianna sa katabing table na inookupa nila ni Avi. Nakita niyang nakatitig si Avi sa babae kaya siniko niya ito. Napatitig din sa kanya si Avi saka muling tumingin kay Brianna.
"Girl, alam mo, magkamukha kayo ni Ateng na 'yan." Bulong sa kanya ni Avi na itinuturo si Brianna.
Sabay na dumating ang order nila at ni Brianna at nakita niyang umalis na ang babae matapos makuha ang order nito. Nakita niyang may kasama itong lalaki na malamang ay ang bagong boyfriend nito base sa kanyang kilos.
"Kamukha mo talaga si Ate, girl. Bangs na lang kulang sa'yo, mukha kayong kambal." Hindi pa rin natinag si Avi sa sinasabi.
Napakunot ng noo si Aria sa naiisip. Ngayon lang din niya napagtanto na magkahawig sila ni Brianna.
BINABASA MO ANG
Hey Ugly!
RandomSundan ang kwento ni Aria, ang babaeng kumakapit sa 13th month pay niya; at ni Ivo, ang lalaking naghahabol sa ex niya. Sila kaya'y magkakapatayan o mauuwi sa pagmamahalan?