Kanina ko pa napatay ang makina ng sasakyan ko, pero hindi pa rin ako bumababa rito. Nakatitig lang ako sa kawalan, nakalutang ang buo kong pagkatao. Wala nang tao sa kalsada dahil madaling araw na. Sa sobrang tahimik ng paligid ay nakakabingi na ito. Ang dilim ay nagsilbing santuario ng aking kalungkutan.
Dahan-dahan kong naisandal ang aking ulo sa manibela ng sasakyan. Parang pagod na pagod ang katawan ko at nanlalata ako. Tila nawala ang lahat ng lakas ko sa katawan. Unti-unting naging mabigat ang aking paghinga, kaya't napahawak ako sa aking dibdib. Nagsimula akong makaramdam ng pagkahilo hindi dahil masakit ang aking ulo kundi sa paulit-ulit na pag-alala sa mga nangyari kanina.
Ilan sandali pa ay saka ko lang napansing muli ang panginginig ng aking mga kamay. Hindi ko nga alam kung papaano ako nakauwi ng maayos. Napatitig ako sa mga ito, wala pa ring tigil ang panginginig ng mga ito.
Isa-isang nagbabalikan ang mga alaala naming dalawa. Unti-unti akong nilulunod ng mga ito.
Nilamon ako ng panghihinayang. Tinugis ako ng aking konsensya. Ngunit wala na. Nangyari na.
"Ano ba ang katangahang nagawa ko?"
Ang mga luhang kanina ko pa pinipigalan ay isa-isang naglabasan na tila walang bukas. Ang katawang pilit pinatatag ay unti-unti ring bumigay. Pinilit kong lumabas ng kotse para makalanghap ng hangin dahil pakiramdam ko ay nasasakal na ako.
Walang lakas akong pumasok ng bahay. Dumiretso ako sa sala, hindi ko na inintindi kung may mabangga man ako o mag-ingay man dahil wala namang tao.
Napaupo ako sa isa sa mga upuan sa sala. Daig pa ng isang taong binugbog ang pakiramdam ko ngayon. Wala ako ni isang galos o sugat pero ang katauhan ko'y lubos na naghihikaos. Sana nga ay nabugbog na lamang ako. Nasapo agad ng aking dalawang kamay ang aking mukha. Ang damdamin kong kanina pa gustong kumawala ay ngayon nagsisilakbo.
Ang sakit. Bakit ang sakit sakit?
Ako ang umalis, pero bakit parang ako ang naiwan?
Ako ang bumitiw ngunit bakit ako pa rin ang nakatali?
Parang may butas ang puso ko na nagiging dahilan kung bakit hirap ang aking paghinga. Kasabay nito ay parang nilalamukos pa ito at unti-unting napupunit. Hindi na ako makapag-isip ng tama, gulong-gulo ang aking pagkatao.
Napadako ang aking paningin sa mga larawan na nasa lamesita sa aking tabi. Otomatiko inabot ng aking kamay ang isa sa mga ito.
Ilang saglit ko itong tinitigan. Lalong sumikip ang aking paghinga at ang sakit sa aking puso ay dumoble. Para bang pinipiga ang aking puso at ang mga laman nito ay isa-isang lumabas sa aking mga mata bilang luha.
Hindi maibsan kahit kaunti ng aking pagluha ang aking nararamdaman.
"Napakaganda niya... nakangiti siya at masaya..." sambit ko gamit ang natitirang boses at lakas ko habang hinihimas ang larawan ng babaeng pinakamalapit sa aking puso.
Napapikit akong muli at naalala ang itsura niya kanina.
Ang lungkot sa mga mata nito.
Ang hinanakit nito sa mga salitang binitiwan niya.
Ang sakit na naidulot ko habang pumapatak ang mga luha niya.
Ang pagmamakaawa niya habang papaalis ako.
"Waaahhhhh" naihagis ko ang larawang hawak ko sa salaming nakasabit sa dingding. Nagkalat ang mga bubog nito at nagmistula itong repleksyon ng buhay ko ngayon. Wasak. Wasak at kalat kalat. Tulad ng pagkakabasag ng salamin ay ako rin ang may dahilan kung bakit nagkaganito ang sitwasyon ko.
BINABASA MO ANG
Point of View: His
RomanceIsang istorya. Dalawang tao. Tatlong salita. Laging may dalawang panig ang bawat istorya.