Buhat-buhat ko ang isang may kalakihang kahon habang maingat kong binabaybay ang daan patungo sa unang bahay na aking sadya. Gustong-gusto ko talaga kapag sumasapit ang kapaskuhan, marami akong napapasayang mga bata sa aming lugar. Buti na lang, ganito ang naiatang na trabaho sa akin. Kasiya-siya sa puso at pati na rin sa mga batang karapat-dapat bigyan ng ganitong regalo.
Maliit lang ang lugar namin na sa pagdaan ng panahon, dumarami na lalo pa at may mga dayo na galing sa ibang lugar.
Pinasadahan kong muli ang listahan ng mga bata at pati na rin ang kanilang address. Nais kong makasiguro dahil mahirap nang magkamali. Mawalan pa ako ng trabaho, masiyado pa naman akong nasisiyahan. Sa halos tatlong taon ko nang ginagawa ito, masasabi kong hindi ko ipagpapalit ito sa kahit ano mang trabaho.
Pangalan ng batang lalaki ang nasa unahan ng aking listahan. Kaya ko naman palang ibigay itong hiling niyang regalo. Halos lahat naman ay maibibigay ko, kahit ano pa 'yan.
Pinasadahan ko nang tingin ang may kaliitang bahay na nasa aking harapan. May kababaan ang gate at mukhang wala naman silang alagang aso.
Muli kong ibinalik ang paningin sa address na nasa aking listahan, ito na nga iyon. Inalalayan ko ang paghawak sa kahon bago sumampa ng walang kahirap-hirap sa bakod at pumakabila. Maning-mani sa akin ang mga ganitong gawain, sanay na ako. Inayos ko pa ng bahagya ang aking pekeng balbas na kulay puti. Medyo mainit man ang aking kasuotang kuly pula, hindi ko iyon alintana, ang mahalaga ay matapos ko ang aking misyon.
Inaasahan ko ng sarado ang pinto kaya pinag-aralan ko na ang pagbubukas ng mga iba't ibang lock. Mahina kong inikot-ikot ang seradura at nang masigurong kaya ko naman palang buksan, inilabas ko mula sa bulsa ang isang maliit na pin. Inilapag ko muna ang aking bitbit sa gilid, bago paluhod na sinundot ang lock.
Bingo!
Maingat pa rin ang ginawa kong pagpihit at tuluyang pagbukas niyon.
Liwanag na nagmumula sa Christmas Tree ang tangi kong gabay sa loob. Tumayo na ako sabay dampot sa kahon at pumasok na sa loob.
Nakakabinging katahimikan ang sumalubong sa akin. Alas dose na kasi ng gabi kaya mahimbing nang natutulog ang lahat. Hinanap ko ang kinaroroonan ng bata.
Walang pangalawang palapag ang munting bahay. Sa gawing kanan, tatlong pinto ang aking nakita. Isang pinto ang umagaw ng aking atensiyon. Napangiti ako nang mapagtantong ito na marahil ang aking hinahanap. Kahit malamlam ang liwanag, nabasa ko pa rin ang pangalang nasa pinto, pangalan na aking sadya.
Suwerteng bukas ang pinto ng aking pihitin pabukas. Hindi napagkit ang aking pagkakangiti lalo pa't maliwanag sa loob ng kuwarto. Nag-iisa ang bata sa loob at nakatihayang natutulog sa gitna ng pang-isahang kama.
Maingat akong pumasok upang hindi siya magising, mahirap na at baka makita niya ako. Ilang hakbang lang ang aking ginawa at narating ko na rin ang dulo ng kaniyang kama. Malalim ang kaniyang paghinga, indikasyon na mahimbing ang kaniyang pagkakatulog.
Inilapag ko sa lapag ang kahon at marahan pa rin ang ginawa kong paglabas sa maliit na palakol na nasa likuran ng aking kasuotan. At sa isang iglap, naputol ko na ang hiling ng batang si Dave.
Ang ulo nang nakaaway niyang si James, na siyang ilalagay ko sa dala kong kahon, bago dalhin sa bahay ng batang si Dave.
---end
***555 word count
Regalo
jhavril
2017
BINABASA MO ANG
Regalo - One Shot
Детектив / ТриллерHayaan mong handugan kita ng isang hindi mo malilimutang... Regalo! *audition entry to Pocky Rangers 2017 Dark Christmas* All rights reserved 2017 ©jhavril