Binilisan ko ang lakad ko.
Para sumabay sa akin, binilisan rin ng kasama ko ang lakad niya.
"Bakit parang bumibilis ang lakad mo? Hindi ka ba mapapagod agad?" ang tanong niya.
Ayoko siyang makita. Ayoko siyang kausapin. Ayoko siyang sagutin.
Nagpatuloy ako sa paglakad.
"Ilang araw na tayo naglalakbay. Ayaw mo ba magpahinga? Sandali lang ang itinagal mo sa kainan kanina."
E siya kaya?! Ni hindi ko siya nakitang kumain o uminom o matulog! Anong klaseng nilalang ba siya?
Hindi ko siya sinagot.
Mukhang nakuha na niya na ayoko siyang kausapin. Nanahimik na siya hanggang inabutan na kami ng paglubog ng araw.
Nang mga oras na iyon, nakakita kami ng isang maliit na bahay kubo.
"Malapit nang dumilim nang tuluyan. Tumigil muna tayo dito sa kubo."
Sa kubo? Nang kami lang? Baka kung ano ang gawin niya...
Pero habang dumidilim ang lahat, mas nagmumukhang mapanganib ang pumapaligid na kagubatan. Mukhang mas mabuting sundin na lang ang kanyang suhestiyon.
BINABASA MO ANG
Bahay Kubo
Short StoryTumatakbo ang isang dalaga papalayo sa isang hindi malaman na tao o bagay habang sinusubukan na hindi matulog. May mangyayaring masama, ang sabi niya. Sinusundan siya ng isang misteryosong lalaki na nagsasabi sa kanyang magpahinga na at hindi siya i...