Prologue

42 1 0
                                    


Hindi makapaniwala si Karyn sa magandang balitang narinig niya mula sa isa sa mga editor ng publishing company.

“Plano kasi naming mag-release ng limang libro ngayong taon. Two months from now kami magsisimula ng evaluation. Maganda ang plot mo, Karyn, kaso hindi pa pala ito tapos,” ani Dianne, ang editor na kausap niya.

Dalawang buwan..

Kaya ba niyang tapusin ang ang istorya sa loob ng dalawang buwan?

“Alam mo maswerte ka kung tutuusin. May-ari mismo ng publishing company ang nag-utos na tawagan ka para sabihin na binibigyan namin ng chance ang manuscript mo,” dagdag ng kausap habang patuloy sa pagbuklat ng kanyang manuscript. “Sa totoo lang never nakielam sa ‘min si boss sa pagpili ng mga manuscript, he’s only concerned about the company’s income ta’s ‘yun na ‘yon. First time niyang mag-recommend ng istoryang pwedeng i-evaluate.”

“Ganun ba..” Nabuhayan siya ng loob sa kanyang narinig. Siguro nga.. Siguro nga ay may potential talaga ang kanyang isinulat. Tatanggi pa ba siya sa grasya? “Sige po. Pipilitin kong matapos ang istorya sa loob ng dalawang buwan.”

“Mabuti kung gano’n,” nakangiting tugon ng kausap. “Bale magiging kasabayan nito ‘yung apat pang libro na balak naming i-release sa December. I will be expecting your manuscript in two months, ha? Last week of August ang deadline mo.”

Saglit siyang natigilan nang marinig ang buwan ng Agosto. Napahawak siya sa kanyang puson. Nabanaag sa kaniyang ekspresyon ang pag-aalala.
Aabot kaya? Sa isip-isip ni Karyn.

“Huwag kang mag-alala. Siguro naman makikisama sa ‘yo ang baby mo,” wika ni Dianne na nakatingin sa kaniyang tiyan. “Swerte raw ang mga buntis, alam mo ba ‘yun?”

Napabuntong-hininga na lamang siya sa kinatatayuan habang hinahaplos ang kaniyang tiyan na may dalang pitong buwang sanggol sa kanyang sinapupunan.

“Pipilitin ko pong umabot sa deadline..”

***
Bumagsak sa sahig ang cellphone ni Claudette matapos sagutin ang tawag mula sa ina ng kanyang matalik na kaibigan.

“Iha, wala na si Niel..”

Dali-dali siyang nagtungo sa bahay nang matalik na kaibigan. Nagkakagulo ang mga kaanak nito habang inaayos ang pwestong paglalagyan ng kabaong ni Niel. Dahil palagi naman siyang nagpupunta rito at parang pamilya na rin ang turing sa kanya ng mga ito ay malaya siyang nakapasok sa sa silid ng matalik na kaibigan.

“Ito ‘yun. Ito nga!”

Lumabas agad si Claudette matapos makita ang hinahanap. Dali-dali siyang umuwi sa kanila at nagtungo sa likod-bahay.

“Kailangan mong mawala.”

Nanginginig ang mga kamay ni Claudette habang sinisindihan ang lighter.

Habang pinapanood masunog ang libro ay siya namang tulo ng mga luha ni Claudette. Wala na ang kaniyang kaibigan. At kasalanan niya ang lahat ng ito.

“Niel, sorry. Patawarin mo ‘ko kung pinilit kitang basahin ang libro. Hindi ko alam.. Hindi ko alam na totoo ang sumpa..”

Niyakap na lamang niya ang sarili habang pinapanood maging abo ang bagay na kumitil sa kaniyang matalik na kaibigan.

The DeadlineWhere stories live. Discover now