Ano nga bang basehan ng isang magandang kwento?
Isinara ni Ven ang binabasang libro. Boring. Kumbaga sa isda, malansa. Nakakawalang gana kumain kapag ang isda ay malansa.
Pero ano nga kasi ang basehan ng isang magandang kwento?
Kakaibang plot? Interesanteng characters? Tragic ending? Ano?
Ibinalik ni Ven ang apat na librong kinuha niya sa book shelf. Alas sais na nang gabi at siya na lang ang tao sa library bukod sa librarian. Hindi naman sa wala siyang pera ngunit ayaw niya talagang gumastos pa para bumili ng libro na gagamitin sa kanyang book report. He dislikes books, actually. Mas gugustuhin pa niyang panoorin ang movie adaptation ng libro kaysa basahin ito. Oo nga naman. Why spend days reading the book when you can finish its movie in just one sitting?
Tumunog ang cellphone ni Ven na nasa kanyang bulsa. Napatingin sa direksyon niya ang librarian. Hindi naman siya sinita nito pero nataranta pa rin siyang sagutin agad ang cellphone. Mahirap na.
“O, ‘tay? Nandito pa ‘ko sa library, e.. Oho.. Ayoko ‘tay, sayang pera.. Sige ho.. Uuwi na rin ako mamaya.. Opo..”
Kailanman ay hindi kinainisan ni Ven ang pagiging maalalahanin sa kanya ng ama. Kung ang ibang bata ay naiilang na sa ganitong pakikitungo sa magulang, siya’y hindi nakakaramdam nang ilang. Tropa-tropa kasi ang turingan nilang mag-ama sa isa’t isa. Hindi ipinaramdam sa kanya ng kanyang tatay na wala siyang ina at mga kapatid. Kahit dalawa lang sila sa pamilya ay masaya silang namumuhay nang payapa.
Bumalik si Ven sa paghahanap ng libro. Dumampot muli siya ng isang libro sa book shelf.
Sobrang gabok naman nito, sa isip-isp ni Ven.Kailangan nang magmadali. Hinipan ni Ven ang alikabok sa cover ng libro. ‘DEADLINE’ ang nabasa niyang pamagat nito ngunit nang kanyang buklatin ay wala siyang nakitang library card sa loob.
“Iho, magsasara na kami.”
Hindi inaasahan ni Ven na nasa likuran na pala niya ang matandang lalakeng librarian. “Ah, nako pasensya na po. Paalis na rin po ako, naghahanap lang po nang pwedeng libro para sa book report sa Filipino.”
“Ah, estudyante ka ni Ma’am Demesa ‘no?” nakangiting tanong ng librarian.
Magalang na tumango si Ven bilang tugon. “Ang hirap nga pong maghanap ng librong pwedeng basahin.”
“Gano’n ba? Sige, at pagbibigyan pa kita ng 15 minutes para humanap ng libro,” anang librarian. “Malalakas sa ‘kin ang mga estudyante ni Ma’am Demesa.”
Ano kayang mayroon kay Ma’am Demesa at ang bait ng lahat sa kanya? natatawang naisip ni Ven. “Ay, nako hindi na po, babalik na lang po ako bukas. Pinapauwi na rin po kasi ako ng tatay ko.”“Sigurado ka ha? O siya, sige at ako’y magsasara na. Sana ay makabalik ka ulit bukas. Nakakatuwang may mga batang dumadalaw pa rito sa library nang ganitong oras.” Bumalik ang librarian sa desk at sinimulang mag-ayos ng mga gamit. “Wala ka bang hihiraming libro, iho? Ako’y magtatago na ng log book.”
“Wala pa ho akong napipili,” sagot niya ngunit naalala niya ang librong hawak. “Nga pala, Sir, wala ba itong library card?” Saglit na iwinagayway niya sa ere ang libro para makita ng librarian ang tinutukoy niyang libro.
“May ibang libro kasi rito na hindi pa nagagawan ng library card. Hihiramin mo ba? Pumirma ka na lang dito at isulat mo ang pamagat ng librong ‘yan.”
Hihiramin ko nga ba? Baka malansa rin ‘to. Kaso parang nakakahiya kay Sir na ang tagal ko rito tapos wala pala akong hihiramin ngayong araw..
“Sige po, hihiramin ko.”
YOU ARE READING
The Deadline
Mystery / ThrillerA writer. A character. A reader. And a deadline to meet. Book cover by Paralumannn